Kabanata 23

17 5 0
                                    

Habang hawak niya pa rin ang kamay ko at tumatakbo ay nanginginig na ako sa takot at pangamba. Hindi ko maiintindihan kung ano ba talaga ang nararamdaman ko ngayon. Galit, poot, dismaya...pagsisisi.

Tama ba ang daan na tinatahak ko?

Agad bumagsak ang malakas na ulan. Nakalabas na kami sa simbahan ngunit agad kaming napahinto nang marinig ang patuloy na pagputok ng mga bala. Niyakap ako ni Faulicimo at tinakpan ako sa kung saan nanggagaling ang ingay na iyon. Magsasalita sana ako ngunit tanging sigaw nalang ang nagawa ko nang makita ang isang lalaki na nabaril sa ulo sa harapan namin. Tumalsik ang kaniyang dugo sa palda ko at napaluhod bago tuluyang mapahiga sa sahig!

"Mierda!" narinig ko ang malakas na pagmura ni Faulicimo at mahigpit akong niyakap.

Napatingin kami sa kung sino ang bumaril at napahagulgol nalang ako nang makita si Anton na nakatutok sa amin ang baril niya na lumalabas pa ang usok nito.

"S-si Anton ang p-pumatay..." patuloy akong umiiling at galit na tumitig si Faulicimo sa kanya.

Hindi ko matanggap! Hindi ko akalaing magdudulot ng ganito ang natutunan ng kaibigan ko dito sa mundong ito! Bakit niya pinatay ang kaawa-awang lalaki? Bakit siya pumapatay ng mga inosenteng tao?!

Humakbang papalapit si Anton sa amin. Halos madidinig ko na ang mga yapak niya sa sahig. Umiigting ang kaniyang panga at nananatiling nakatutok ang baril niya sa aming dalawa, lalo na kay Faulicimo. Galit na galit ang itsura, hindi ko na nakikita ang kaibigan ko sa kanya. Tumingin ang kasama ko sa pwesto niya at agad akong nilagay sa likuran upang protektahan ako. Nababasa na rin kami ng sobra kung kaya't mas nanlalamig ako.

"Bitawan mo siya." seryosong sabi ni Anton, nandidilim na ang mga mata. Nakikita ko ang mga ugat sa kamay niyang nakahawak pa ang baril, na ngayon ay mas nakatutok sa noo ng kasama ko.

"Paano kung ayaw ko?" sumbat ni Faulicimo.

"Bitawan mo siya, ngayon din!"

"Anton, a-ano ba ang nangyayari s-sa'yo?!" hindi ko na napigilan ang pagsigaw kahit na natataranta pa ang boses ko. "Bakit mo ginagawa 'to? Bakit ka pumapatay ng mga inosenteng tao? Bakit ka nakikisali sa mga guardia sibil?!"

"Hindi sila mga inosenteng tao, Isabelle!" ani Anton at galit na sumulyap sa akin.

"Bakit mo ba itinutok kay Faulicimo ang baril?!"

"Dahil ayaw ka niyang bitawan at ibigay sa akin!"

"Ano ba ang nangyayari sa'yo?! Palayain mo nalang kami at hinding hindi na kami magpapakita muli!" tugon ko at doon naman siya natigilan. Napaawang ang bibig niya at akala ko'y pagkakataon na iyon upang bitawan na rin niya kami ngunit nagkakamali ako dahil mas nag-aalab ang galit sa mga mata niya. Tumingin siya kay Faulicimo pagkatapos.

"Ano ang ginawa mo kay Isabelle?" mahinahon ngunit may diin na tanong niya.

"Wala akong ginawa—"

"Kung ganoon ay bitawan mo siya!"

"Anton!" sulpot ko pa.

"Bitawan mo siya o magpapaputok ako ng bala sa utak mo!"

Napaatras ako nang malakas na sumigaw si Anton, mas malakas pa sa ingay ng ulan. Naging maluwag ang pagkahawak ni Faulicimo sa akin at nanlakihan pa rin ang mga mata ko.

Ngunit sa isang iglap, nagulat nalang ako nang biglang kumilos si Faulicimo. Binangga niya ang braso ni Anton na nakahawak ang baril upang sana hablutin iyon sa kanya subalit naiwas ng kaibigan ko ang kamay niya kung kayat hindi nagtagumpay ang lalaki. Umamba ng suntok si Faulicimo ngunit nakailag pa rin si Anton at agad siyang umatras at napaayos sa tayo. Pagkatapos ng galawang iyon ay galit silang tumingin sa isa't isa.

Bukang-LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon