29: The Past Part 14

11 0 0
                                    

CHAPTER TWENTY NINE

NAKARAAN ang dalawang araw, pinatawag na si Dom sa opisina ng Warden. May koneksyon daw ito sa ginawang imbestigasyon tungkol sa nangyari noong nakaraang araw na may kinalaman kay Dom at ng isang babaeng priso.

Mataas ang kompyansa ni Dom na lalabas ang katutuhanan dahil nasa kaniyang panig naman 'yong nurse. May naitago rin itong ebidensya laban sa babae, kaya kung hindi ito aamin sa balak nitong gawin sa kaniya ay may bala silang gugulat dito.

Hindi alam ni Dom kung pupunta ba 'yong nurse, pero dahil seryosong bagay ito at kailangan nila ng mga saksing magkapagbigay ng testimonya sa kung ano talaga ang tunay na nangyari, naniniwala siyang susulpot iyon sa summon na ito ng Warden.

Kasama ang dalawang Jail Officers na siyang sumundo sa kaniya sa kanilang selda, ay seryosong naglakad si Dom palabas ng malaking building ng kulungang kinaroroonan. Pinagtitinginan sila ng ibang presong nasa loob ng mga seldang makikita sa gilid ng pasilyong dinadaanan nila. Dinig na dinig pa ni Dom ang pinag-uusapan ng iba.

"Diba 'yan 'yong bagong salta na palaging pinagti-tripan ng grupo nina Magno?"

"Ilang beses ko nang nakitang sinusundo 'yan ng mga Jail Officers, ah."

"Sa pagkakaalam ko, siya ang pinakaunang priso na nakatikim ng Bartolina kahit na mahigit isang buwan palang siya rito."

"Mukhang paborito siyang pag-tripan ng management, ah. Sino kayang malaking tao ang binangga ng isang 'yan?"

"Diba balak niyang sumali sa Axe Gang? Baka 'yon ang dahilan."

"Bobo ka rin, eh. Sa tagal mo na rito hindi mo ba napansin ang pattern ng mga pangyayari?"

"Oo nga. Walang kinalaman ang lahat nang 'yan kung bakit siya palaging pinapatawag ng management, at kung bakit siya pinagti-tripan ng mga gangster dito sa loob."

"Anong pattern?"

"Bobo nga. Tumahimik ka na nga lang d'yan."

Kahit halos bulungan lang ang ginagawa ng mga priso ay naririnig naman iyong lahat ni Dom. Napapakunot din ang kaniyang noo dahil sa narinig ngunit pinili niyang hindi nalang pinansin ang mga ito at nagpatuloy nalang siya sa paglalakad.

Dahil medyo mabilis ang kanilang mga hakbang ay dumating agad sila sa main building ng kulungan kung saan naroon ang opisina ng Warden.

Agad naman silang pinapasok ng mga bantay sa baba kaya umakyat na sila sa ikatlong palapag.

Pagdating nila roon ay sa conference room sila pinadiretso ng sekretarya, kaya pumasok din agad sila roon.

Nang buksan ng kasamang Jail Officer ang pintuan ng silid ay tumambad agad sa paningin nila ang maluwang na interyor nito, sa gitna ng silid ay naroon ang isang malaki at pahabang mesa na napapalibutan ng mga upuan. Maliwanag at hindi masakit sa mata ang kulay ng buong conference room dahil sa kombinasyon ng puting pintura nito at mga asul na kurtina. Walang anumang desinyong nakalagay sa pader maliban nalang sa isang malaking orasan sa harapan at ang ang kalendaryong nasa gilid.

Sa kabisera ng malaking mesa ay nakaupo ang Warden habang seryosong nakatingin sa kanila. Sa gilid ng mesa, sa bandang kanan ng Warden ay nakaupo ang apat na babaeng priso, at nakilala agad ni Dom ang isa sa mga ito, dahil ito ay ang babaeng nagtangkang tumusok sa kaniya no'ng syringe na naglalaman ng lason.

Sa kanan naman ay naroon ang dalawang Jail Officers na siyang rumesponde noong araw na nangyari ang lahat. Naroon din ang nurse na nangakong tumulong kay Dom.

Nang humakbang sila papasok ng conference room ay agad napako ang mata ng lahat nang mga naroon sa kanila, partikular na kay Dom.

Iminuwestra naman ng Warden ang kamay sa mga upuang nasa kanang bahagi nito, kaya dali-daling tumungo roon sina Dom at walang imik na umupo.

Cold and Ruthless (SPG)Where stories live. Discover now