Chapter 10

158 13 17
                                    

Chapter 10

“Anak, dapat hindi mo na sinabi ‘yon,” marahang sabi ni nanay habang nag-aalalang hinahaplos ang buhok ko.

Nasa kusina kami ngayon habang sila Leon naman ay nasa sala. Naririnig ko ang mga boses nila ngunit hindi ko iyon maintindihan dahil sa distansya. 

“Hindi po ako papayag na pagalitan ka kahit wala ka namang kasalanan, ‘nay!” Kinuyom ko ang aking mga palad.

“Alam ko, anak, pero dapat hinabaan mo na lang ang pasensya mo at hinayaan mo na lang na si nanay ang umayos ng sitwasyon.”

“Ay, naku, ‘nay! Duda akong kakausapin mo ang nanay ni Leon! Pansin kong kapag sa ibang tao, palaban ka naman, pero pagdating sa kanya ay lagi kang nagpapakumbaba! Naku, ‘nay! Hindi porke’t nagtatrabaho ka sa hacienda nila ay may karapatan na silang apak-apakan ka!”

“Sshh, anak,” saway ni nanay ng tumaas ang boses ko. “Alam ko, pero intindihin na muna natin ang Tita Katarina mo. Nanay rin ako kaya naiintindihan ko ang pag-aalala niya kay Leon. Alam naman nating hindi sila sanay sa buhay natin, ‘di ba? Kaya hindi rin sila sanay sa kung ano man ang mga pagkain na nakasanayan natin. Alam mo namang kamuntikan nang mawala sa kaniya iyong mga anak niya, ‘di ba? Kaya intindihin na muna natin kung bakit ganoon siya ka-nag-aalala para kay Leon.”

Mabigat pa rin ang paghinga ko. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko habang nakikinig sa mga sinasabi ni nanay.

“Kahit na, ‘nay! Dapat ay nakikinig muna siya sa paliwanag natin! Hindi niya nga alam na anak niya ang nag-boluntaryo na kumain no’ng mga tsokolate tapos nagalit at sinisi niya agad tayo!” 

“Alam ko, anak… Kaya nga kakausapin ko mamaya ang Tita Katarina mo kapag kumalma na siya. Sa ngayon, hayaan na muna natin siyang makausap si Leon. Tayo, halika sa dalampasigan at magpalamig din tayo. Hindi magandang makipag-usap na mainit ang ulo.”

Bumuntong hininga ako, naalala iyong pinag-usapan namin ni Leon kanina. Kumalma. Ang daling sabihin pero ang hirap gawin!

Habang akbay-akbay ako ni nanay na naglalakad papunta sa dalampasigan, isang matangkad, gwapo, at kulay kayumangging lalaki na may kayumanggi ring mga mata ang unti-unting lumapit sa amin ni nanay. Puno ng pag-aalala ang kaniyang mukha at napakabilis ng kaniyang bawat yapak na para bang may hinahabol siya.

“Sir Lucius!” Mabilis na nag-bow si nanay sa lalaki. Kuryoso ko namang pinagmasdan ang gwapong lalaki. “Magandang umaga po. Bakit po kayo nandito?” Tanong ni nanay, ang tono ng boses niya ay kagaya ng sa t’wing makakausap niya iyong si Madam Katarina.

Tipid na tumango iyong lalaki. “Katarina isn’t answering her phone. She said she’s going to visit Leon. Is she here?” Bakas ang pag-aalala sa boses niya.

“Ah! Nasa loob po, sir. Nag-uusap po sila ni Sir Leon. May… hindi pagkakaunawaan po kasing nangyari kanina,” sabi ni nanay at yumuko na parang humihingi ng pasensya.

Tumango iyong lalaki. “I’ll talk to her,” sabi nito.

“Sasamahan ko pa po ba kayo, sir?”

Umiling ulit ang lalaki. “No, it’s okay.”

“Sige po, sir.” Sabi ni nanay na sinagot naman ng lalaki ng isang tipid na tango bago tuluyang tumungo sa bahay.

Nang makalayo-layo na ang lalaki ay mabilis akong nag-angat ng tingin kay nanay. “Sino po ‘yon, ‘nay?”

“Si Sir Lucius, anak. Asawa siya ni Madam Katarina,” tugon ni nanay at nagpatuloy na kami sa paglalakad.

Nanlaki ang mga mata ko. “Huh?!” Hindi makapaniwala kong tanong. Ibig sabihin ay siya ang papa ni Leon?!

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: 3 days ago ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Dance With The Strings (Chains of Puppetry Series #2)Where stories live. Discover now