OMS 03

958 21 0
                                    

MEMORIES


Nakaka-wala ng pagod ang paglilibot sa loob ng plantasyon ng mga Robles. Panay ang tingin sa amin ng mga trabahante doon. May mangilan-ngilan din na nag-aayos ng mga ani para ilagay sa loob ng sako. Namamangha ako. Taniman lang ang mayroon kami. Maliit iyon kumpara sa tinatapakan ko ngayon.


"Sa banda doon naman iyong mga kopra. Tapos 'yung ibang tanim, sa banda naman na 'yun. Hala, sige. I-enjoy ninyo ang mga sarili ninyo sa pamamasyal. Mababait ang mga tao dito." Natatawang wika ni Mang Cardo bago kami tuluyang hayaan na maglibot.


"Ay, Mang Cardo." Tawag ni Aimee sa matanda bago tuluyang humiwalay sa amin. "Iyon po'ng itim na sasakyan kanina. Nakabalik na po ba sila?"


Nangunot ang aking noo dahil sa inakto ng pinsan ko. Nakapagtataka lang na sobra ang curiosity niya sa kung sino ang sakay ng sasakyan na iyon. Tiningnan ko si Sherrie at mukhang naghihintay din siya ng sagot mula sa matanda.


"Iyon ba hija? Ang pamilya 'yun ni Senior Alfredo. Kakauwi lang mula sa bakasyon."


Tumango si Aimee. "Kasama po ba 'yung anak?"


Nagkibit-balikat si Mang Cardo. "Hindi ko lang sigurado kung kasabay umuwi iyong dalawa. Pero ang balita, magbabakasyon dito iyong mas bata."


Ngumiti si Aimee at saka tumango nang ilang beses. "Makikita kaya namin siya dito?"


"Naku, hija. Hindi ko alam. Pwedeng oo, pwede rin namang hindi." Aniya sabay tumawa nang malakas. "Sige na. Maiwan ko na kayo. May mga gagawin pa ako."


"Mang Cardo naman." Reklamo ni Aimee ngunit nagpatuloy lang sa paglalakad ang matanda.


Ngumiwi si Aimee sa biglang pag-alis ni Mang Cardo. Nangunot ang aking noo sa inasta niya. Tila ba may nais pa siyang malaman. Mukha siyang sabik na sabik sa pag-babalik ng isang tao na matagal na niyang hindi nakikita.


"Wala man lang ako'ng napala sa mga sagot ni Mang Cardo." Saad ni Aimee na ngayon ay nakasimangot na.


Nagpatuloy kami sa paglalakad para makita ang iba pang parte ng plantasyon. Nakakaaliw ang maglakad. May mga nakakasalubong kami na trabahante. Ngumingiti lang sila habang diretso sa pagta-trabaho. Pakiramdam ko ay tama ang sinabi ng matanda. Mababait ang mga taong nagta-trabaho para sa mga Robles.


"Baliw ka ba? Paano naman niya malalaman ang lahat gayong nandito siya at nag-aayos ng mga ani." Pambabara ni Sherrie na tila ba walang saysay ang pag-rereklamo ni Aimee ngayon.


"Malay mo lang naman, Sher... Malay mo, di ba?" Tugon ni Aimee.


"Tumigil ka na sa pagpa-pantasya mo, okay?" Ani Sherrie.


Sa huli ay nag-habulan ang dalawa dahil mukhang naasar si Aimee sa pagbibiro ni Sherrie. Tawa lang ako nang tawa habang naglalakad. Paano ba naman kasi? Muntik nang madapa si Aimee sa pagtakbo habang patuloy pa din siya sa pag-habol. Naka-bestida pa naman ang pinsan ko at baka masugatan ang makinis niyang balat kung sakaling madapa nga siya nang tuluyan.

One More StepDove le storie prendono vita. Scoprilo ora