OMS 08

640 13 2
                                    

GOOD MORNING


Umakyat ako sa kwarto pagkatapos kong mag-ligpit ng pinag-kainan. Sila Mama at Papa ay nanatili sa salas kasama si Marcus. Manonood daw sila ng paborito nilang palabas. Ako naman ay walang balak na samahan sila dahil tambak pa ang mga assignments ko. Kung may matitira pang oras ay mag-rereview ako para sa nalalapit na exams.


Hanggang ngayon nga ay iniisip ko pa din kung sasama ba ako sa pagbisita sa kabilang farm. Pero buo na talaga ang desisyon ko. Marami pa namang pagkakataon. Kaya mas mabuti kung unahin ko ang paghahanda para sa exam week.


Mag-aalas diyes ng gabi na nang makatulog ako. Kinabukasan ay medyo nahuli ang gising ko. Hindi ko kasi naayos ang alarm clock. Mabuti na lang at kinatok ako ni Mama.


"Shit!" Naibulalas ko sa aking sarili. Pinasadahan ko pa ng tingin ang wall clock habang nagmamadali kong kinuha ang aking tuwalya at saka dumiretso sa banyo.


Mabilis akong nag-ayos ng aking sarili nang makalabas ako galing sa paliligo. Nasa ulo ko pa ang tuwalya habang isa-isa kong nilalagay ang mga gamit ko sa aking bag. Nang wala na akong nakaligtaan ay lakad-takbo ang ginawa ko para lang makababa ng hagdan. Hindi naman ganon kalaki ang bahay namin, ngunit pakiramdam ko ay mansyon ito ngayon dahil sa pag-hingal ko.


"Kumain ka na dyan, Marge. Nauna na ang Papa mo at kapatid mo. May meeting si Marcus kaya kailangan maaga siya sa school." Ani Mama habang inaabot sa akin ang tinimpla niyang kape.


Tumango ako. "Hindi man lang ako nahintay?"


Pinandilatan ako ni Ma. "Late na kasi. Sa susunod ay agahan mo para makasabay ka." Aniya pagkatapos ay naging abala na ulit sa pag-aayos ng mga bulaklak sa vase.


Mabilis kong hinigop ang kape. Naka-ilang kagat lang ako sa tinapay pero ayos na 'yun. Kailangan ko nang magmadali. Kaunting pagbabagal pa ay siguradong late na talaga ako.


Humalik ako sa pisngi ni Mama. Agad akong tumakbo palabas ng bahay. Naglakad pa ako para makakuha ng masasakyan. Wala na si Sherrie sa bahay nila nang napadaan ako. Sigurado ako na umuna na iyon sa pag-pasok.


Ilang minuto na akong nakatayo sa gilid ng kalsada ngunit wala pa ring sasakyan. Kung meron man ay wala nang mauupuan o di kaya ay may mga karga na prutas at gulay. Gusto ko sana na mag-arkila na lang ng tricycle ngunit masyadong mahal. Ayaw kong gumastos nang malaki.


Bumuntong-hininga ako. "Di bale na lang. Late na kung late."


Ngumuso ako at saka nagbaba ng tingin sa aking paanan. Bahala na. Hindi naman siguro ako mapapagalitan kung iisang beses pa lang ako na mahuhuli sa klase. Pangako! Sa susunod na mga araw ay aayusin ko na ang alarm clock para nang sa gano'n ay maaga na akong magigising.


Pinaglaruan ko ang maliliit na bato sa aking paanan. I'm hopeless! Halos labing-limang minuto na lang ay magsisimula na ang klase. Pero nasaan ako? Heto at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng masasakyan.


Nagpalinga-linga ako. Tatawag na sana ako ng tricycle nang may humintong sasakyan sa tapat ko. Kumunot ang aking noo. Napaatras pa ako sa kinatatayuan ko dahil bahagya pa talaga itong gumilid.

One More StepWhere stories live. Discover now