Chapter 3

983 56 9
                                    

NAPAKAGALING TALAGA niya. Iniwan ako agad paghatid sa akin sa tapat ng clinic at dahil medyo pasaway ako, ayaw pumasok sa loob, naglakad-lakad na lamang ako patungo sa mini-park ng university habang iniinom ang tubig na ibinigay niya sa akin kanina.

Nawala sa isip kong nagkaroon kami ng indirect kiss dahil bote pala niya ito, pero nagkibit-balikat na lang ako. Hindi naman kami literal na naghalikan saka hindi magiging kasalanan kay James itong ginawa ko.

Hinilot ko ang noo pataas sa aking buhok at sinuklay gamit ang hindi kahabaan kong mga daliri. Mas lalo lang nagiging grabe ang pagbigat. Parang may nakadagan sa ulo kong makakapal na libro na hindi ko maintindihan. Mangilan-ngilan lang ang mga estudyanteng pakalat-kalat sa labas. Sila iyong mga kagaya kong tinamad pumasok sa next class o vacant lamang nila, at may mga papasok pa lang din. 

Nakuha ng atensyon ko ang nakatinging babae sa akin na nakasuot ng aming university uniform, berdeng palda na kita ang makinis at maputi niyang hita at naka-tuck in ang kulay krema na blouse, may kasamang kurbata pa na ganoon din ang kulay. Mataas ang pagkakatali niya sa buhok, parang pugad ang disenyo maaaring mapagbahayan ng mga ibon.

Pasimple kong nilingon ang kaliwa ko at dahan-dahang iniharap sa kanan ko para kumpirmahin kung may iba pa ba siyang tinitingnan bukod sa akin. Bahagyang kumunot ang noo kong isinara nang mabuti ang takip ng bote noong hindi niya alisin ang paningin sa akin.

Nag-iwas na lang ako ng tingin imbes na makipagtitigan pa sa kaniya. Sa hindi kalayuan, natanaw ko ang upuang gawa sa pinutol na katawan ng puno ng mangga sa lilim ng umbrella tree. 

Umupo ako, isinandal ang likod, hindi pinansin kung mamantsahan ang likod ng dilaw kong t-shirt o kung may langgam man lang. Dahan-dahan akong pumikit, nilanghap ang simoy ng hanging humahampas sa aking balat. Ngumiti ako nang maliit at bahagyang humupa nang kaunti ang sakit ng ulo ko. 

Hindi pa ako umabot sa limang minuto sa pagsasamantala ng preskong hangin, naramdaman kong may umupo sa tabi ko at sumundot sa ilong ang tsokolateng pabango ng lalaking kilalang-kilala ko. 

"Bumalik ako doon, wala ka na."

Tumaas lang ang kilay ko. "Iniwan mo ako tapos babalikan mo lang din pala ako," ismid kong sagot.

"Hindi na masakit ulo mo?" 

"Mas sumasakit kasi nandito ka. Bumalik ka na sa kung ano ang ginagawa mo. Gusto kong magpahinga rito." Ipinagkrus ko ang mga braso at bumalik sa pagpikit. Sinundan ko nang mahihinang pagbuga ng hangin.

"Dito ako tumatambay kaya ikaw ang umalis," sabi niya dahilan para mapadilat ako at lingunin siya nang nakataas ang kilay.

"Ikaw muna mag-adjust. Ako ang nauna dito," pairap kong sabi.

Hindi niya ako pinansin. Tinititigan lang niya iyong hawak niyang phone bago ilagay sa bulsa. 

"Wala ka bang klase?"

Lumingon itong may kasamang mapang-asar na ngisi sa labi. "Bakit ka curious?"

"Gusto ko lang magtanong, bawal ba?"

Nailing siyang napabuga ng hangin. Salubong ang kilay niyang kinamot ito. "Ang hirap mong kausap, Cyril. Galit ka ba sa akin dahil sa ginawa ko kay Megan?"

Inalis niya ang paningin sa akin, kumalma naman ang pagsalubong ng kilay niya nang ituon ang paningin sa mga dumadaan. "Hindi naman ikaw hiniwalayan ko, ah, pero ikaw pa itong mas apektado."

Bistado. Sandali akong natahimik sa sinabi niya dahil wala akong mahanap na palusot. Hindi ko magawang ipagtanggol ang sarili, kahit ang totoo ay hindi naman ako ganoon kaapektado. 

I Fall to Pieces (UNDER REVISION)Where stories live. Discover now