Part 2

14.2K 334 2
                                    


"TITA Mika, melon din po ako pa-shayubong?" tanong ng pamangkin ni Mikaella na si Greg. Tatlong taong gulang lang ang bata at pamangkin niya sa isang pinsan. Para siyang balikbayan kung pagkaguluhan ng mga kamag-anak niya gayong sa Maynila lang naman siya nanggaling. Kunsabagay, sa lahat ng magpipinsan ay siya lang ang maituturing na matagumpay dahil siya ang nakatapos ng pag-aaral at ngayon ay may magandang trabaho sa isang malaking kumpanya sa Maynila. Ang iba kasi niyang pinsan, kung hindi maagang nagsipag-asawa, hindi naman nakatapos ng pag-aaral. Kaya naman ang nanay niya ay punong-puno ng kakaibang pagmamalaki para sa kanya, pagmamalaki na hindi naman nagmamayabang. Nananatiling mababa ang loob nito.

"Siyempre naman, ikaw pa ba ang kalilimutan ko?" natatawang sagot ni Mikaella. "Hala, pikit ka muna." Mula sa malaking paper bag ay inilabas niya ang isang remote-controlled toy car. Siniguro talaga niya na mabibilhan ang lahat para walang magtampo sa kanya. Tutal naman ay paminsan-minsan lang iyon. Ito na lang ang hindi niya nabibigyan kaya siguro nagtanong na. "Dyaraaan!"

"Wow!" Nanlaki ang mga mata ng paslit. Para bang nakakita ng bagay na pinakamimithi. Agad na bumaba ang bata mula sa pagkakakandong sa ina at animo namamangha na ingat na ingat na binitbit papunta sa kung saan ang laruan. Kahit na anong tawag niya ay hindi na ito lumingon.

"Tingnan n'yo ang batang iyon at biglang naging isnabero," natatawang komento niya na sinegundahan ng iba pa.

"Mika, wala pa ba?" tanong ng Kuya Juniel niya nang humupa ang tawanan. Isa ito sa mga pinsan niya.

"Wala pang ano?" kunwari ay kunot-noo niyang tanong gayong may ideya na siya kung ano ang itinatanong nito. God! Here we go... Hindi pa nag-iinit ang puwit ko sa upuan heto at nabuksan na agad ang topic na ayaw na ayaw kong pag-usapan.

"Boypren."

Sabi ko na nga ba! palatak niya sa isipan.

"Bente-otso ka na sa susunod na buwan pero wala ka ni boypren. Pinsan, dito sa probinsiya, maituturing nang matandang dalaga ang ganyang edad."

"Oo nga! Kailan ka ba kasi mag-aasawa? Aba'y kilos na at baka maiwanan ka ng biyahe," susog naman ng isa pa. "Si Lander, pagkaguwapo-guwapo naman ng binatang iyon, ewan ko kung bakit hindi mo nagustuhan. Hayon at napagod din kahahabol sa 'yo. Ang nangyari, nabaling ang atensiyon sa kabigan mo."

Lihim na nagpakawala ng buntong-hininga si Mikaella. Isa ang topic na iyon sa mga dahilan kung bakit hindi madalas ang pag-uwi niya ng probinsiya. Ayaw niya sa usaping iyon dahil maraming binubuhay na alaala. Mapapapait na alaala. Mga alaalang hindi gumagaling at patuloy na nagnanaknak sa kanyang kalooban. Mga alaala ng napakalalim na sugat. "Aanhin ko naman ang guwapo, kung ako naman ang magpapakain?" hindi niya napigilang isagot. Dahil ang Lander na sinasabi nito ay batugan naman at problema ng asawa. Mikaella managed to fake a cheerful smile. "Sabi nga nila, 'kapag hindi ukol, hindi bubukol'," katwiran niya. "Huwag nga kayong mainip at darating din tayo diyan." Pero hindi, hindi iyon mangyayari. Ayaw niyang mag-asawa. Hindi siya mag-aasawa. Never.

"Baka doble-doble naman kasi ang padlock niyang puso mo, pinsan, kaya walang makapagbukas," hirit pa ng isa. "Sayang ang lahi natin. Sa ganda mong iyan dapat na marami pang maliit na Mikaella ang mabuhay sa mundo!"

Gosh, kailan ba sila magiging sensitive? Hindi ba nila naiisip na single pa rin ako sa edad kong ito dahil ayaw ko talagang mag-asawa?! Kailan ba makakaramdam ang mga ito na asiwa siyang pag-usapan ang usaping iyon? At mabuti sana kung hindi na iyon mauulit. Pero hindi, eh, hindi iyon doon natatapos. Siguradong bukas ay mauulit ang usaping iyon. At hindi iyon limitado sa mga kamag-anak niya, pati na rin sa lahat ng tagaroon na makakabatian at kakumustahan niya ay magtatanong rin kung kailan ba siya mag-aasawa. Nakakapagod na.

Eh, bakit kasi hindi mo sila prangkahin na ang calling na pinili mo ay ang buhay ng single-blessedness? Na wala ka naman talagang balak na mag-asawa? anang kanyang isipan.

Nang igala niya ang paningin, sumalubong iyon sa mga mata ng kanyang ina. It was a knowing look. Iyong klase ng tingin na may ipinahihiwatig. At hindi niya iyon matagalan kaya nag-iwas siya ng tingin.



"MADADALA ka na naman sigurong umuwi rito, ano?"

Tinig iyon ng ina ni Mikaella na pumukaw sa naglalakbay niyang isipan. Alas-siyete na ng gabi. Nakahiga na siya sa kama pero hindi naman natutulog. Ang kanyang diwa ay naglalakbay. Nilingon niya ang ina. Nasa bukana ito ng pintuan at may hawak na platito na may tasang umuusok. She could smell the aroma of the steaming cup of hot chocolate. Naupo siya sa kama. Ang kanyang ina naman ay tuluyang pumasok at inilapag sa isang mesa ang tasa ng hot chocolate.

"Ilang buwan na naman kaya ang lilipas bago ka muling umuwi rito?" dagdag pa nito habang nauupo sa gilid ng kama. "Na kung hindi pa ako humiling sa 'yo na dalawin mo naman ako ay hindi ka uuwi. Alam ko naman na hindi mo ako nalilimutan. Ayaw mo lang talagang bumalik sa lugar na ito."

"Bakit n'yo naman po nasabi iyan?"

Sinulyapan siya nito at nginitian, ngiting hindi niya batid kung ngiti ng katuwaan o pag-aalala. "Dahil kilala kita. Anak kita. Hindi ka man magsalita, alam ko kung ano ang tumatakbo sa isipan mo. Hindi ka kumprotable kanina. Para kang sinisilihan. Para bang nais mong tumakbo at magpakalayo-layo."

"Nay... Hindi ko po kayo maintindihan," kaila niya.

"H-hindi ka pa rin nakakalimot..." basag ang tinig na wika pa nito bago namasa ang mga mata.

Awtomatik ang pag-iinit ng mga mata ni Mikaella. Unti-unting naipon ang mga luha sa kanyang mga mata pero pinigilan niya iyon sa pamamagitan ng pagpikit-pikit at mariing pagkagat ng dila. "M-mahirap pong lumimot k-kung...kung m-malaki at malalim ang s-sugat." Muli siyang nahiga at umunan sa hita ng ina na buong lugod siyang tinanggap. "K-kung buhay na buhay ang mga alaala."

Hinaplos nito ang buhok niya nang buong pagmamahal. "Lahat ng sugat gumagaling, anak, kahit gaano pa kalalim iyon. Kahit gaano kalaki. Ang kailangan mo lang gawin ay... m-magpatawad."

Hindi po, Inay. May mga sugat na hindi gumagaling. Sa halip ay patuloy iyong nagnanaknak hanggang sa mabulok... Hanggang sa magnaknak at magnana rin ang mga nasa paligid n'on. Hanggang sa mabulok din ang paligid at lalo pang lumaki at lumalim ang sugat... May mga sugat, Inay, na tumatagos hanggang kaluluwa mo. At iyon ang klase ng sugat na meron ako.


The Start Of Forever (Completed)Where stories live. Discover now