Part 3

12.8K 307 1
                                    



Ang sugat na pinag-uusapan nila ng kanyang ina ay ang sugat na dulot mismo ng kanyang ama. Ang kanyang iresponsable, lasenggo, marahas, at sugarol na ama. Namulatan na niya ang mga hindi kanais-nais na katangian na iyon ng ama. Pumikit si Mikaella nang sumagi sa isipan ang isang alaala...

Napaigtad ang sampung taong gulang na si Mikaella sa bangkong kahoy na kinauupuan nang marinig niya ang lasing na tinig ng paparating na ama. Kumakabog ang dibdib, dali-dali siyang nagtungo sa maliit niyang silid at nagkulong doon. Sa murang edad ay namahay na ang takot sa kanyang dibdib. Narinig niya ang pabalandrang pagbukas ng pinto ng kanilang maliit na bahay.

"Phagkain! Hik," anito sa lasing at sinisinok na boses. Malakas ang boses nito kaya sigurado siya na umaabot iyon hanggang sa pandinig ng mga kapitbahay. "Bhigyan ninyo akho ng phagkain! Pholly! Nasaan kang putang-ina ka! Mhikaella!"

Napaigtad si Mikaella kasabay ng pagngiwi. Aktong tatayo na siya nang marinig niya ang tinig ng kanyang ina na si Polly. Galing ito sa palengke at nagtitinda ng mga gulay. "Berting, ano ka ba? Nasa kanto pa lang ako, dinig ko na ang boses mo."

"Hano bhang pakialam nila sha akhin! Phagkain. Hainan mo nga ako ng pagkhain. Mga wala kayong kuwenta!"

Naging sunod-sunod na ang murang lumalabas sa bibig ng ama ni Mikaella. Sinasaway ito ng kanyang ina pero sa pag-aray ng kanyang ina ay mukhang sinaktan na naman ito; sinampal o sinapok. Tumayo si Mikaella at tinungo ang nakabukas na bintana. Sumampa siya roon at tumalon. Pagkatapos ay nagtungo siya sa likod-bahay, sa taniman ng kanyang ina, lumayo-layo at sumiksik sa likod ng isang malaking puno. Tinakpan niya ang magkabilang tainga para hindi marinig ang nagaganap sa kanilang bahay. Naglandas ang maiinit na butil ng luha sa magkabilang pisngi niya. Bukas siguradong may mga pasa sa katawan ang kanyang nanay.

NAKALABAS na ng silid ang ina ni Mikaella. Nilamon na ng kadiliman ang silid, nakahiga na rin siya sa kama at handa na sa pagtulog. Lumilipas ang oras pero nananatiling bukas ang kanyang mga mata, nananatiling aktibo ang isipan.

Ang kanyang inay ang halos bumuhay sa kanilang tatlo. Walang kuwenta ang kanyang ama. Sa pagdaan ng panahon ay lalo itong nagumon sa alak na kung makalaklak ay animo tubig lang iyon. At kapag lasing ay maingay ito, nagmumura, nagwawala... nanakit. Wala ito ni katiting na kahihiyan sa katawan. Bawat utos na hindi masunod ay mananakit. Walang pasensiya. Hindi alam ni Mikaella kung bakit nagkaganoon ang kanyang ama. Ang alam lang niya ay ang takot at phobia na namahay sa puso niya para sa ama. Hanggang sa ang takot na iyon ay nauwi sa pagkamuhi, sa puntong hinihiling na niya na sana ay bawian na ito ng buhay.

Iyon ang rason, ang bigat na dinadala niya kaya siya naging aloof at mapag-isa noong high school. Iyon ang dahilan kung bakit pinili niyang mabuhay sa loob ng sariling mundo. Hindi niya ibinabahagi ang alalahaning iyon sa mga kaibigan. Itinago niya iyon, ikinandado sa puso. Hindi niya alam kung alam ng mga ito ang sitwasyon niya noon dahil wala namang nagtangkang umusisa sa kanya. Ynella, Daisy, Danica, and Ariana gave her the space she needed.

Pagkaraan ng anim na taon, sa mismong araw ng pagtatapos niya sa high school ay nangyari ang kanyang hiling. Maitim na hiling. Nasangkot sa isang gulo ang kanyang ama hanggang sa mapatay ito. Lasing, siyempre. Ni hindi niya sinilip ang labi nito. Walang luha na pumatak mula sa mga mata niya para sa ama. Pakiramdam nga niya ay may tinik na natanggal sa lalamunan niya. Ah, ganoon niya kinamumuhian ang sariling ama. At patuloy niya itong kinamumuhian hanggang ngayon.

Dahil matalino rin, nakakuha siya ng scholarship sa munisipyo. Naipasa niya ang lahat ng pagsusulit at naging iskolar ng bayan. Sina Ynella ay sa Maynila na nag-aral, sa malalaking unibersidad. Balita pa nga niya, sina Ariana at Danica ay sa ibang bansa nag-aral. Hindi siya sigurado.

Nakapagtapos si Mikaella sa kursong Accountancy. Life had been so easy since then. Nang makapagtapos ay mabilis siyang natanggap sa trabaho sa Maynila. Napatunayan niya ang kanyang galing sa larangang iyon kaya naman hindi na siya nagulat nang isang araw ay makatanggap siya ng promotion. Ngayon ay isa na siya sa mga senior accountants ng isang malaking kumpanya. Ang kanyang ina, kahit na anong pangungumbinsi niya na samahan na siya sa Maynila, ay mas gusto pa ring maiwan sa probinsiya. Sa bahay na ipinatayo niya para dito. At kahit na mahal niya ang kanyang inay, minsan ay iniiwasan din niya itong makita. Paano ay nakikita niya sa katawan nito ang mga peklat na dulot ng pagiging battered wife.

At kung bakit nananatili siyang single? Dahil patuloy siyang hinahabol ng multo ng kanyang ama. Hindi mawala sa isipan niya ang naging buhay ng kanyang ina sa piling nito. Hindi mawala sa gunita niya ang mga suntok, sampal, at sipa. Ang mga malulutong na mura. Ang mga sigaw. Ang mga eskandalo. Ang mga kahihiyang naranasan nila. Hindi. Isinumpa niyang hindi siya magkakaroon ng ganoong buhay. Hindi niya dadanasin ang mga iyon. Hindi niya hahayaan ang sino mang lalaki na saktan siya, na gawing miserable ang kanyang buhay. Hindi niya kailangan ng lalaki para mabuhay.

Pero nitong nakaraang taon ay pumasok sa isip ni Mikaella ang posibilidad na magkaroon ng anak. Isang anak na pagbubuhusan niya ng atensiyon. Isang anak na makakasama niya sa pagtanda. Ang pagnanais na magkaroon ng anak ay lalong tumindi sa bawat paglipas ng araw. Ibibigay niya rito ang lahat ng pagmamahal. Pagmamahal na hindi niya naramdaman mula sa ama. Poprotektahan niya ang kanyang anak, kahit kanino. Hindi niya ito hahayaang masaktan—mapapisikal man o emosyonal, whatever it caused her. Hindi niya ito bibigyan ng sugat sa puso, sugat na katulad ng sa kanya.

Iyon na lang ang gusto niya, ang tanging minimithi. Anak.

gs'

The Start Of Forever (Completed)Where stories live. Discover now