Panibagong Bisperas ng Pasko

8 0 0
                                    


Isinulat ni Kathaim Maurell Nouf Fadri

#WishIMay

Madilim ang himpapawid ngayong bisperas ng pasko. Wala ang mga tala at ang buwan na kadalasa'y pumapalamuti at nagbibigay liwanag sa kadiliman ng langit. Tanging ang natira lamang ay ang kumpol ng mga ulap na sa kabila ng pagiging madilim ng langit ay nagawang maaninag ng aking mga mata. Katulad na katulad ito noong nakaraang pasko. Madilim din ang langit. Sama-sama ang mga nangingitim na ulap na sa unang tingin ay aakalain mong mabibigat at magbubuhos ng malakas na ulan kahit wala namang bagyong parating.

Ramdam ng aking balat ang bawat ihip ng malamig na hangin ngunit inignora ka lamang ang bagay na iyon. Kesa bumalik ako sa loob ng bahay namin ay mas gugustuhin ko pang maupo rito sa labas. Wala rin kasing gawain ang magpapaabala sa akin doon. Hindi rin naman nila ako uutusan. Mapapagod lang ako sa kapapanood sa bawat kilos nila. 'Yun naman ang palaging ginagawa ko. Ang manood. Nakakainis nga minsan, na ang palagi mo na lang nagagawa ay manood. Lagi ka na lang sa isang sulok, tahimik na nakaupo, at kahit alam mo sa sarili mo na may kaya kang gawin, hindi mo 'yun magawang patunayan sa mga tao na nasa paligid mo.

Mas mabuting dito na lang ako sa labas.

Napa-buntong hininga ako at muling pinagmasdan ang langit. Pasko na mamaya pero wala pa rin ang saya na lagi kong nararamdaman sa tuwing sasapit ang okasyong ito. Hindi na katulad noong bata pa lang ako na wala halos kasing saya ang mga paskong nagdaraan. Ngayon iba na. Nadagdagan lang ng mga taon ang edad ko pero parang nauupos na kandila unti-unting nawala ang amor ko sa pasko. Pakiramdam ko hindi na masaya. Pakiramdam ko laging may kulang. Tulad na nito ang kalawakan na pinagmamasdan ko ngayon. Walang laman.

Hindi na nga ba ganon kasaya ang araw na ito para sa akin? O masyado ko lang binibigyan ng kahulugan ang mga bagay-bagay at ibinabase ko pa 'yun sa nararamdaman ko?

"Anak?"

Napalingon ako sa may likod ko nang pukawin ng tawag na 'yon ang aking pagmumuni-muni. Natagpuan ng aking mga mata ang aking ama, kapit-kapit sa isang kamay ang naimbento niyang maliit na makina na madalas niyang ginagamit upang hindi ganon kahirap at kangalay mag-ihaw ng isang buong manok. Ang makinang kasing iyon mismo ang nagpapaikot sa bakal kung saan nakatuhog ang iiihaw na manok. Hawig nito ang mga makina na kalimitang nakikita sa mga lechonan. Ang pinagkaiba lang ay maliit ito at kaya lamang mag-ihaw ng isa hanggang dalawang manok ng magkasabay.

Hindi lang kasi magaling at kilalang Electrician sa lugar namin ang Papa ko. Kaya niya rin kumumpuni ng mga sirang appliances- mapa refrigerator, water pump, aircon, at kung ano-ano pa. At ang mga lumang appliance na sa tingin ng iba ay wala ng halaga at patapon na ay nagagawan niya ng paraan para mapakinabangan muli. 'Yung bitbit-bitbit niyang aparato para sa pag-iihaw ay hindi mo aakalaing makina ng isang lumang electric fan.

Sana namana ko ang katangiang iyon ni Papa. Sana marami din akong alam at kayang gawin.

"Bakit nandito ka sa labas?" May bahid ng pag-aalala ang malalim niyang boses. "Malamig dito, magkakasipon ka."

"Ayos lang po ako. May suot naman po akong jacket." Mahinang tugon ko.

Naglakad siya papunta sa may parte namin ng hardin kung saan malayo sa mga alagang bulaklak ni Mama at tamang-tama lang para pagpwestuhan ng mga baga na gagamitin niya sa pag-iihaw. May ilang hakbang lang ang layo niya mula sa kinauupuan kong kawayang papag na nakapwesto naman malapit sa ilalim ng puno namin ng siniguelas.

"Kahit pa. Masyadong malamig ngayon. Tingnan mo nga 'di ka nagsumbrero man lang. Kapag ikaw nahamugan, masesermunan ka na naman ng Mama mo."

Tumayo ako at naglakad papunta sa kinaroroonan niya. Naabutan ko siyang inaayos na sa lupa ang mga baong gagawin niyang mga baga. 'Nang matapos siya ay sinindihan niya ang isang maliit na piraso ng bunot at agad iyong inilagay sa ilalim ng kumpol ng mga bao nang magliyab ito. Sinimulan niyang paypayan ang siga na ginawa niya at ilang minuto lang ay naramdaman ko ang pag-init ng hangin sa paligid namin.

KATHAIM's Christmas Special (OS Writing Contest)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang