Magical Twin Pen

220 10 0
                                    

Magical Twin Pen
by vanunulat

"Nay, alis na ho ako." Paalam ko kay nanay sabay mano. Isa siyang mananahi kaya ngayon ay abala siya sa pananahi ng mga ipinadalang tela mula sa mga customers.

"O, eto ang baon at pamasahe mo." May inabot siya sa 'king pera pero hindi ko tinanggap.

"Naku Nay, meron pa ho akong naitabi rito. Idagdag niyo nalang 'yan sa gastusin dito sa bahay."

"O, siya, lakad na at baka mahuli ka na sa klase."

Sumakay ako sa tricycle papuntang eskwelahan. Medyo maaga pa naman. Gusto ko kasing maagang pumapasok. Hindi naman gaanong malayo ang bahay namin sa eskwelahan kaya mabilis lang akong nakarating. Pagbaba ko ng tricycle, naglakad na ako papasok ng school gate pero may isang madungis na matandang babae ang kumalabit sa akin kaya napahinto ako para tingnan siya.

No'ng makita ko siya, nalaman ko agad kung bakit niya ako kinalabit. May kinuha ako sa bag at binigay sa kanya.

"Lola, sa 'yo na po iyan. Alam kong mas kailangan niyo 'yan kaysa ho sa akin. Sige po. Pasok na ako." Paalis na ako pero natigilan ako nang hawakan niya bigla ang braso ko.

"Bakit po, 'La? May kailangan pa po ba kayo?" Tanong ko.

"Maraming salamat dito sa tinapay, ineng. Bilang pasasalamat, ibibigay ko sa 'yo itong magical pen." May inilabas si Lola sa loob ng bulsa niya. Isang ballpen ang nakita ko. Naguguluhan kong tiningnan si Lola.

"Magical ang ballpen na ito kasi may kakayahan 'tong tumupad ng mga hiling tungkol sa pag-ibig. Isulat mo lang ang iyong hiling gamit itong ballpen at ang iyong kahilingan ay mabibigyang katuparan." Wika ni Lola.

Napangiti ako sa sinabi ni Lola. Magic? May ganito pa pala sa panahon ngayon? Ako kasi 'yung tipo ng tao na hindi naniniwala sa mga sumpa, mahika, gayuma o kahit anong bagay na hindi kapani-paniwala.

"Alam mo bang nababasa ko ang iyong iniisip? Hindi ka naniniwala sa magic dahil sa panahon ngayon, 'di ba?" Nakangiting tanong ni Lola. Nagulat ako kay Lola. Marunong nga siyang magbasa ng isip. Hala!

"Opo Lola, hindi po talaga ako naniniwala sa mga ganyan." Sabi ko.

"Ineng, dapat naniniwala ka pa rin. Kailangan may natitira ka pa ring tiwala." Sambit ni Lola. Naiilang akong ngumiti kay Lola dahil wala akong masabi.

"Sige na ineng, tanggapin mo na 'tong binibigay ko."

"Pasensiya na po pero wag na po talaga. Wala rin naman ho akong gustong lalaki kaya wala po akong pakialam sa pag-ibig." Pagtanggi ko sa inaalok niya.

"Alam kong nagsisinungaling ka." Saad niya.

"Ano po? Nagsasabi po ako ng totoo, promise."

"Gano'n ba? Sino pala si Liam Torres?" Nagulat ako sa tanong ni Lola pero sinagot ko siya.

"Kaklase ko po si Liam."

"Pero hindi ba't siya ang lalaking pinapangarap mo?" Mas lalo akong nagulat sa sunod na tanong niya. Hala! Paano niya nakilala si Liam? Paano niya nalaman na si Liam ang gusto ko?

"Huwag mo nang itanong kung paano ko nalaman. Ang mahalaga, kahit konti ay naniniwala ka pa rin sa magic. Maniwala ka sa magic ng pag-ibig." Aniya.

"Pasensiya na po pero hindi ko po talaga 'yan kukunin." Sabi ko at akmang aalis na pero pinigilan niya ako.

"Teka lang. May kakambal ang ballpen na ito. Nakuha ng isang lalaki ang kakambal kaya gusto ko sanang kunin mo na rin ito para magkasamang muli ang magical twin pen. Ang lalaking may hawak ng kakambal nitong ballpen ay ang taong inilaan ng tadhana para sa 'yo."

One-Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon