29. Parada

20.2K 253 101
                                    

Pagsapit ng second semester, lubusang natuwa si Mason sa mga nakuhang subjects. Datapwat isa lamang ang major niya, batid niyang mas pagtutuunan niya iyon ng pansin. Math 100 kasi ang nakasakop sa four units niya—at tungkol ito sa Calculus.

  

Naswertehan din niyang makuha ang PE na Basketball kumpara sa nakuha niyang Walking noong nakaraang taon. Tila magagamit na niya ang sapatos na iniregalo sa kanya ng mga kapatid.

Dinidibdib na ni Mason ang pag-aaral ng Calculus subalit kailangang pansamantalang maputol iyon dahil sa pagsapit ng dalawang linggong bakasyon upang bigyang daan ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“Darating si prinsesa mamayang gabi para may kasama ka rito ha,” sambit ni Kuya Chino habang nag-aayos ng kwelyo ng polo sa harap ng salamin. May pupuntahan kasi itong pagsasalo kasama ng kasintahang si Llana.

Tumango na lamang si Mason. Wala namang problema sa kanya kung maiiwan siyang mag-isa roon. Subalit nakiusap kasi ang bunso na gusto raw nitong masaksihan ang Lantern Parade ng UP. Ito lang kasi ang hindi pa nakakapanood niyon dahil masyado pa itong bata noong sabay-sabay na manood ang mga kalalakihan. Baka raw kasi mawala lang ito kung isinama nila noon lalo na't kiti-kiti ito.

Mag-a-alas nuwebe na ng gabi nang dumating si Charlotte na inihatid ni Kuya Mark. Pinagbuksan niya ng pinto ang mga ito.

“Helloooo….” Matamlay na bati ni Charlie nang makita si Mason kasabay ng malawak na paghikab. Mukhang babagsak na ang mga mata nito.

“Si Kuya Chino?” Pambungad na tanong ni Mark.

“Nakaalis na,” sagot naman niya at pinagmasdan ang bunsong humilata na sa kama. Mukhang hapong-hapo ito at kulang na lamang ay maghilik na nang sumayad ang likod sa higaan. “Napano ‘yun?”

Umiiling na tumatawa si Mark na sumagot. “Napagod kakakanta sa kotse.” Saka ito seryosong tumingin sa kanya. “Ayos na kayong dalawa dito? O tatawagan pa natin si Louie?”

Tinapunan na lamang niya ito ng masamang tingin. Kailan ba matitigil ang pang-aasar ng mga kapatid niya sa kanila ni Louie gayong mukhang nagkakamabutihan na sila ni Hiro? Baka mamaya, makarating pa ito sa pandinig ng huli't lumayo ang loob sa mga magkakapatid na napalapit na dito.

Nang makaalis si Mark ay tinapos pa ni Mason ang ‘Inferno’ ni Dan Brown bago matulog. Hindi niya inalintana ang oras sapagkat alas tres ng hapon pa naman ang pasok niya kinabukasan. Iyon ang nag-iisa at huling klase niya para sa taong iyon.

Laking gulat niya nang maunahan pa siyang magising ni Charlie nang sumunod na araw. Nakapagluto na rin ito ng agahan at nakapagsinop ng kakaunting kalat.

“GOOD MORNING!” masiglang bati nito sa kanya bago bumalik sa harap ng laptop ni Chino na ginagamit nito upang manood ng anime. "May scrambled eggs na may kamatis," pahayag nito bago nagsubo ng isang kutsarang kanin. "Kain tayo."

Sinulyapan ni Mason ang orasan. Halos tanghalian na pala. Mukhang hindi na niya namalayan ang oras nang matapos niya ang librong binabasa kagabi.

From A DistanceWhere stories live. Discover now