50. Ang Plano

12.6K 326 85
                                    

Linggo. Hindi na nakauwi si Mase dahil nagsaliksik pa siya kaya naman sa araw na iyon ay buong araw siyang nasa bahay at nagbabasa ng libro habang nakahiga sa kama. Nang mapagod ang mga mata’y nagkasya muna siya sa pagmumuni-muni.

Labis na napanatag si Mason nang hindi na muling ungkatin ni Chino o ng maging sino man sa mga kuya niya ang ginawa niyang pagsagot sa mga ito. Bagamat nakukonsiyensiya rin siya sa nagawa, nag-aalala siyang baka bawiin nila ang pangakong hindi manggugulo sakaling amuin niya ang mga ito.

At tulad din ng inaasahan niya, wala nang ibang dumating na mensahe mula kay Louie makalipas ang ilang araw, matapos itong sumagot na sa Martes na lamang nito ibabalik ang shirt niya. Gayumpaman, hindi niya iyon dinamdam. Mas mabuti na rin siguro iyon. Makakapag-isip pa siya kung ano nga ba ang gagawin sa oras na magsabi ang dalaga kung kailan ito malilibre.

Ano nga ba ang magiging plano?

Sa pagkakakilala niya kay Louie, mukhang hindi ito mag-e-enjoy sa isang fine dining restaurant. At nakakailang din naman iyon para sa kanya. Kung manonood naman sila ng sine, ano naman ang papanoorin nila? At paano naman sila makakapag-uusap?

Kung maaari sana’y nais ni Mason na makakwentuhan ang dalaga tungkol sa bakasyon nito sa Canada. Sa mga karanasan niya roon. Kung ano ang nagtulak ditong umuwi na lamang sa Pilipinas at dito ipagpatuloy ang pag-aaral.

Subalit paano nga ba niya gagawin iyon kung sa tuwing kaharap si Louie ay nauutal siya?

Pinagnilay-nilayan iyon ni Mason at natandaang maayos pa naman niyang nakakausap ang dalaga noong sinundan niya ito sa MOA sa pakiusap ni Ray. Nakipagbiruan pa siya rito nang ilibre nito ang buong batch at nadamay pa siya at ang student council officers ng pagkain na galing sa Jollibee.

Saan nga ba nagsimula ang pagiging aligaga niya sa tuwing kasama ang dalaga?

Saglit na natigilan si Mase nang manumbalik ang lahat.

Sa Prom.

Iyon ang naging hudyat ng lahat. Nang isayaw siya ng dalaga’t ihatid niya ito pauwi. Na naging sanhi ng hidwaan nilang magkakaibigan.

Kung maibabalik lang sana ang oras ay...

Agad iyong iwinaksi ni Mase sa isipan. Naniniwala siyang may dahilan kung bakit nangyari ang lahat. At wala rin naman siyang pinagsisisihan sa mga naging desisyon niya. Kung mayroon man, iyon ay ang hinayaan niya ang sariling maapektuhan ng dalaga.

Marahil ay dahilan iyon ng pagiging intimidating ni Louie? Sa angkin nitong kagandahan? Sa malawak nitong kaalaman? Alin ba doon? Baka naghalo-halo na.

Kung ano man ang dahilan, ngayon lang iyon naranasan ni Mason.

Ngayon lang niya naranasang humanga.

Wala naman sigurong masama roon diba? Kahit pa naging kasintahan ng kaibigan niya si Louie. Hindi naman kasalanan ang humanga sa iisang dalaga, hindi ba? At wala namang ibig sabihin ang magiging paglabas nila kung sakali. Nabuyo lamang si Mason ng mga kuya. Sila lang naman ang nagbibigay ng ibang kahulugan.

From A DistanceWhere stories live. Discover now