60. Pagkakataon

10.4K 355 200
                                    

Sa bandang likuran na nakaupo sina Mason at Louie nang magsimula ang programa at pinatay na ang mga ilaw at tanging entablado lamang ang naliliwanagan. May mga sumayaw, may bandang kumanta ng tatlong awitin at may simpleng palaro rin para sa mga dumalo. Bagamat nakatuon ang atensiyon ni Mase sa mga nasa entablado, lumilipad naman ang diwa niya.

Ngayong naliwanagan na siya sa kung ano at sino si Louie Kwok sa kanyang buhay, agad din niyang napagtantong kailangan na niyang gumalaw. Kung nais niyang malimutan ng dalaga ang nakaraan, nararapat lamang na gumawa siya ng paraan upang mangyari iyon. Subalit paano? Sandali niyang sinulyapan ang katabi.

"Bakit?" takang tanong ni Louie nang magtagpo ang kanilang mga tingin.

"Ah, wala...yung waiter. Nauuhaw ako," pagdadahilan na lamang niya at itinuon ang pansin sa kawani na nasa likod at nakaantabay sa mesa na mayroong mga champagne flute. Sumenyas siya rito upang humingi ng maiinom. Inalok niya rin si Louie subalit tumanggi ito.

"Champagne?" agad na puna ng dalaga. "Akala ko ba nauuhaw ka?"

Sumimsim si Mase mula sa flute at tila doon humugot ng lakas ng loob. "Sabi ni Charlotte, kapag libre, lubusin na."

Natawa nang kaunti si Louie. "Pero champagne talaga? Baka naman malasing ka."

"I have high alcohol tolerance," ang maigsing paliwanag na lamang niya. Hindi na kailangang malaman ni Louie na kapag nakukumpleto silang mga magkakapatid ay nag-iinuman sila. Kaya hindi rin siya madaling tamaan ng alak.

Ibinalik ng dalawa ang atensiyon sa entablado nang makitang naroon na ang ina ni Louie at nagsimula nang magsalita.

"...let me call on my daughter, Louie Antoinette..." anunsiyo nito na dahilan nang paglilingunan ng mga tao gayundin ang pagpapaikot-ikot ng spotlight na tila may hinahanap.

"What the...Mama?!" Bakas ang pagkagitla sa mukha ng katabi. "Ano na namang... Sandali lang ha," bulong nito at agad na tumayo't umalis sa kinauupuan. Sakto ring tumapat sa dalaga ang spotlight.

Sinundan niya ng tingin si Louie habang naglalakad ito papunta sa kinaroroonan ng ina nito nang may tumapik sa balikat ni Mason. Hindi na niya nagawang lumingon dahil agad itong bumulong. "Sabi pala ni Lola Dolly, paki-picture-an mo raw si Louie," abiso nito bago mabilis na umalis dahil may iba pang kausap sa headset. Ang sekretarya pala ni Lola Dolly.

Agad naman siyang napatango si Mason at kinapkap ang bulsa upang makasigurong naroon nga ang telepono niya. Agad niyang inilabas iyon. Isa na yata iyon sa mga pagkakataong nagpapasalamat siya dahil nagkaroon siya ng bagong telepono. At may magandang camera pa.

Pinanood niya si Louie habang naglalakad ito sa catwalk. She was radiating with beauty and confidence kaya nakalimutan din niyang pindutin ang record button para sana i-video ang pagrampa ng dalaga. Muntikan pa niyang mabitawan iyon kasabay ng pagsinghap nang madla nang halos palibutan si Louie ng iba pang mga modelo at isa-isang pinunit ang suot nito. Napatayo pa si Mason nang hindi oras upang saklolohan ito. To his relief, it was all part of the show which apparently, Louie was unmindful of. Kung kanina ay balot na balot ng tela ang suot nito, matapos pilasin ang suot nito ay lumitaw ang modernong istilo ng gown ng dalaga.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon