Ursula 1

3.6K 159 66
                                    

Tahimik na binabaybay ni Ursula ang kahabaan ng hallway. Kipit sa dibdib ang records na palagian niyang bitbit. Pamaya-maya rin ang kaniyang pagngiti.

Naroong sa bawat paglalakad niya ay maririnig ang lagatok ng takong ng kaniyang sapatos, kasabay ng pag-iingay ng ibang pasyente sa mental hospital na kanilang pag-aari.

"Hoy, Eula!"

Hindi man lang lumingon si Ursula sa tawag ng kaibigan niyang beki na si Danilo. Sa haba ba naman ng biyas nito at bilis maglakad, malamang maabutan siya nito kahit hindi siya tumigil.

"Hoy, babae! Ano na namang kaartehan iyan! May pahaplos-haplos ka pa kanina with matching pa-tantalizing eyes?! Mag-ingat-ingat ka nga, napaghahalataan ka na ni papa doc, ha? Arte nito!" nakaismid pa si Danilo kay Ursula na wala namang pakialam kahit pa naririndi siya sa may kaliitang boses nito.

Bitbit niya ang records ng mga pasyente samantalang ito ay tray ng mga gamot.

"Paano naman niya mahahalata iyon? E, natural lang naman sa isang nurse at doktor ang mga ganoong bagay?" habang pumapasok sa isang ward na tugon ni Ursula, kasunod niya si Danilo sa likuran.

"Natural? 'Te, kahit iyong baliw na tinuturukan ni dok e, naiinis sa mga hokage moves mo kanina."

Tulog ang isang pasyenteng lalaki nang lapitan nila.  Tsinek ni Ursula ang records habang nire-ready naman ni Danilo ang gamot ng pasyente.

"Ang manhid kasi niya! Bakit ba ganiyan ang mga lalaki? Kailangang babae pa ang magparamdam na may gusto sila sa isa't isa?" nakaismid na turan ni Ursula bago kinuha ang gamot na iniabot ni Danilo.

"Ewan ko, hindi naman ako lalaki. Duh?!" kahit paano ay napangiti si Ursula sa ginawi ni Danilo. "At hello, gising 'te. IKAW, lang ang may gusto, walang isa't isa. Baka lang kasi nananaginip ka pa. May. Girlfriend. Na. Yung. Tao."

Akmang kokotongan ni Ursula si Danilo pero natatawang umilag ito.

"Pinakadiinan mo pa talaga!"

Sabay silang napalingon nang umungol ang lalaking pasyente. Tuluyan na itong ginising ni Ursula dahil oras na para uminom ito ng gamot.

"Liam, gising na. Inom ka na ng gamot." Bahagyang tinapik pa nang marahan ni Ursula ang braso ng pasyente, bago kinuha kay Danilo ang kinalalagyan ng gamot nito.

Bumaling-baling ang ulo nito bago marahang nagmulat.

"Liam..." mahinang saad ni Ursula,  bago nakangiting ipinakita ang maliit na lalagyan ng gamot. Naroon sila sa mga pasyenteng may pag-asa pang gumaling. Minimal lang ang pagkasaltik ng utak kung baga.

Blangko ang tingin nito sa kaniya. Ibinaba naman ni Danilo ang hawak na tray sa maliit na lamesang naroon, bago inalalayan ang pasyenteng maisandal sa headboard ng kama.

"Inom kang gamot, ha?" parang batang kinakausap ni Ursula ito. Nakakain na naman ito kaninang bagong matulog kaya okay lang na mapainom na ng gamot.

Nanatiling blangko ang pagkakatingin ng lalaking pasyente kay Ursula. Ni hindi ito tumango bilang pagsang-ayon o nagsalitang ayaw niya. Iniabot na lang ni Ursula ang maliit na lalagyan sa pasyente na kinuha naman nito.

Nakatingin pa rin sa kaniya ang lalaki habang unti-unting inilalapit sa sariling labi nito ang lalagyan. Nakangiti namang inihanda ni Ursula ang tubig. Nang walang ano-ano ay biglang inihagis sa pagmumukha niya ang kulay pulang likido. Napapikit at napaatras si Ursula sa pagkabigla, habang nanlaki naman ang mata ni Danilo sa pagkagulat. Agad niyang dinaluhan ang kaibigan.

Inilabas ni Ursula ang panyong nasa bulsa at may inis na pinunasan ang mukha. Buti na lang at naitikom niya kaagad ang bibig, kung hindi ay nakapasok ang gamot sa kaniya.

Tawa naman nang tawa ang baliw na lalaking edad trenta y uno. May kapayatan at sa isang iglap, nakatalon ito mula sa kama at pabiglang tinabig si Ursula at Danilo, sanhi para mapaupo sila sa kama.

Dire-diretsong tumakbo iyon palabas ng kuwarto.

***

"Wala ka talagang kuwenta! Kahit kailan ka talaga, Ursula! Maliit na gawain, hindi mo pa magawa nang maayos! Walang-wala ka sa mga magulang mo!"

Halos kabisado na ni Ursula ang paulit-ulit na litanya ng kaniyang abuela. Pero, sa tuwina ay napapakuyom pa rin siya ng palihim kapag ganitong napapahiya siya sa harap pa mismo ng mahal na doktor. Nasa harapan sila ng kaniyang lola, habang nakaupo ito sa kaniyang sariling lamesa. Pribadong silid pero pakiramdam niya, rinig hanggang kabilang pasilyo ang boses nito.

"Doktora Vera, hindi naman si Eula ang may kasalanan. Ang security ng hospital ang dapat na pagsabihan..."

Matalim na binalingan ng lola ni Ursula si Doktor Christian. "Huwag mong ipagtanggol ang kagagahan nitong sa kasamaang palad e, aking apo! Kasalanan niya iyon dahil kung hindi niya pinilit uminom ng gamot ang pasyente, hindi iyon tatakbo palabas." ibinalik nito ang matalim na tingin kay Ursula na tahimik lang na nakaupo at nakayuko.

Hindi. Hindi niya nais na umiyak, kahit pa kanina niya pa gustong gawin iyon. Mamaya siguro, sa kaniyang sariling kuwarto. O kaya, sa banyo sa baba, kung saan bihira ang pumapasok...

"Pun**ta ka talaga, Ursula! Hindi ka nakikinig sa mga sinasabi ko, kaya nagiging tanga ka na naman!" sinabayan niya pa iyon nang pagpukpok sa lamesa, na siyang ikinaigtad ng dalaga.

"Nakikinig po ako. At hindi ko po pinilit si Liam, nakita po ni Danilo ang lahat at..." mahina at may paggalang pa rin naman siya dahil ito na lang ang tangi niyang pamilya.

Aksidente papuntang Baguio ang naging sanhi ng kamatayan ng kaniyang magulang. Magda-dalawang taon pa lang siya noon nang mangyari ang kamatayan ng mga ito. May a-attend-an na seminar ang mga magulang na parehas doktor. Kaso lang, hindi pa sila nakakarating sa destinasyon ay nahulog na ang sinasakyan ng mga ito sa bangin. Patay na ang mga ito nang matagpuan.

Lubos ang pasasalamat ng kaniyang lola na hindi siya nakasama sa aksidente na noo'y nga ay dalawang taon lamang. Pero para kay Ursula, kapag ganitong mga pagkakataong halos hindi naman siya ituring nitong nag-iisang apo, sana ay nakasama na lang pala siya sa kamatayan ng kaniyang magulang.

"Nakikinig?! Tulala ka riyan, sabihin mo nakikinig ka? Kaibigan mo yung Danilo, malamang kakampihan ka! Umalis ka na nga lang sa harap ko. Pasalamat ka at hindi tuluyang nawala ang pasyente, dahil kung nagkataon, ikaw ang ipapalit ko sa kaniya!"

Hindi naman makapaniwala si Christian sa mga naririnig mula sa may-ari ng pribadong mental hospital na iyon. Ito pa lang kasi ang pangalawang pagkakataong  napatawag siya nito. At ayon nga sa nga naririnig niya, sobra nga raw itong makapagsalita, lalo na sa sariling apo nito.

Sinamahan na niya si Ursula nang ipatawag ito para makapagpaliwanag sa nangyari kanina. Pero, hindi niya akalain na ganito pala talaga ito makapagsalita nang masasakit kahit pa may ibang taong kaharap. Nakita niya rin kasi ang pangyayari kanina, buti na lang at naturukan kaagad niya ng sedative ang pasyente, na nagwawala na nga sa hallway.

"Alis na. Maiwan ka Christian, may pag-uusapan pa tayo."

Tinging naaawa ang ibinigay ni Christian kay Ursula na diretsong tumayo na at hindi naman sinulyapan ang doktor. Agad na tinungo ang pinto matapos na tumango nang bahagya at mahinang magpaalam sa lola na inismiran lang siya.

"I-lock mo ang pinto paglabas."

Muling tumango si Ursula sa utos ng kaniyang lola bago lumabas. Agad na pinalis ang luhang biglang tumulo at huminga nang malalim.

Dapat sanay na siya.

Dapat.

Wishlist 3:
Ursula
2017

Wishlist 3: UrsulaWhere stories live. Discover now