Ursula 4

2.7K 134 41
                                    

"Patawarin mo ako pero, hindi ko rin maintindihan kung bakit nagkakaganiyan ang gilagid mo at mga ngipin. Napakaimposible kasing regular ka namang nagpapatingin at kumakain ng healthy foods. Bukas pa natin malalaman ang resulta ng x-ray mo. At ite-check kong maigi iyon. Sa ngayon, bibigyan muna kita ng gamot, para ito sa hindi magtuloy-tuloy ang paglalagas ng ngipin mo. Masakit ba?"

Iling ang isinagot ni Ursula sa doktorang napakunot-noo naman.

"Ganoon?! Sigurado kang hindi masakit, kahit kaunting kirot?"

Muling umiling si Ursula. Kinakabahan siyang baka bigla na lang malaglag ang piraso ng kaniyang ngipin oras na ibinuka niya ang bibig para magsalita.

Buti na lang at maagang umalis ang kaniyang lola kaya dali-dali siyang nagbihis para makapunta sa kaniyang dentista. Naka-mask siya at buti rin, ang tatlong ngipin niya nang nagdaang mga oras ay hindi na nasundan pa.

Napahinga nang malalim ang dentista. Ngayon lang siya naka-encounter ng ganoong kalagayan. Kaya kailangang pag-aralan niyang maigi kung anong klase ba ang nangyayari kay Ursula na isa sa mayaman niyang kliyente.

Mga gamot na ang ibinigay sa kaniya ng dentista na agad niyang binayaran at nagmamadali na ring umalis. Kailangan pa kasi niyang pumasok ngayon dahil magagalit na naman ang lola niya kung sakaling hindi na naman siya pumunta ng mental hospital.

***

Kanina pa naiilang si Ursula sa walang puknat na pagtitig ng pasyenteng si Sam sa kaniya. Nakasalubong niya si Danilo kanina sa pagkapasok ng hospital. Sinabi nitong kanina pa raw siya hinahanap ng kaniyang lola. Hindi siya dumaan ng locker room at bitbit ang bag na dumiretso na siya sa isa sa mga kuwarto ng pasyente. Buti na lang at bitbit ni Danilo ang records. Tiyak kasing pagagalitan na naman siya ng abuela kapag nalamang ngayon pa lang siya nagra-rounds e mag aalas nuebe na ng umaga.

Hindi siya gaanong maintindihan ni Danilo kapag nagtatanong siya. Dala marahil ng kaniyang mask. Hindi niya nais na tanggalin o kahit ibaba man lang iyon. Kaya takang-taka si Danilo dahil madalang naman siyang maglagay nun dahil naiinitan nga siya. Pero, dahil sa kalagayan ng mga naglalagasan niyang ngipin, hindi niya iyon tatanggalin. Huwag lang siyang ipatawag ng lola at kausapin. Galit kasi ito kapag may kinakausap tapos nakatakip pa ang bibig. Kaya kailangan, hindi niya ito makasalubong man lang. Madali na kung sa bahay sila. Kanina pa nga siya kinakabahan at baka may mahulog na namang ngipin sa kaniya. Lagi niya ngang pinakikiramdaman ang bibig.

Sinilip niya muna ang loob ng kuwarto at baka naroon ang kaniyang lola. Nang masigurong wala naman ay agad na pumasok at isinara ang pinto. May mangilan-ngilan na rin namang nurse sa paligid; may nagpapakain, nagpapalit ng damit ng pasyente, nakikipag-usap. Ang ibang pasyente naman ay tulog pa. Sinenyasan niya si Danilo na dumiretso sila sa dulo.

Nakasandal si Sam sa headboard ng datnan nila. Limang pasyente ang naka-assign sa kaniya ngayong araw kaya tsinek niya kaagad ang records. Uunahin na muna niya itong si Sam. Mataman silang tiningnan ng babae habang binababa niya ang bag sa ibabaw ng lamesang nasa kanan nito. Nginitian niya ito subalit nanatiling blangko ang reaksiyon ng babae. Nagkibit-balikat na lang si Ursula at tinanong si Danilo kung nakakain na ba si Sam. Tango lang ang isinagot ng kaibigan.

Kinuha niya ang lalagyan ng gamot kay Danilo pati na rin ang bote ng tubig. Inuumang niya ito sa dalagang putol ang kaliwang braso. Subalit, ni hindi man lang iyon tiningnan bagkus nga ay heto nanatiling nakatingin sa kaniya na ikinaiilang na niya kanina pa.

"Sam, abutin mo na ito para mainom mo na." sumingkit ang kaniyang mga mata, indikasyon na ngumiti siya sa ilalim ng mask. Pero, ikiniling lang ng huli ang kaniyang ulo sa kaliwa na parang pinag-aaralan ang bawat anggulo ng kaniyang mukha.

"Bakit kasi ayaw mong ibaba 'yang mask mo para maintindihan ka niya? Kaloka ka, girl." nakunot ang noong saad ni Danilo.

"O, e di ikaw na ang magpainom." pilit niyang ibinibigay kay Danilo ang mga hawak pero inismiran lang iyon ng huli.

"Duh?! Work, work, work mo 'yan madam. Makita pa tayo ni lola, makurot pa ako sa singit." Gumilid si Danilo sa kabilang kama ni Sam at lumapit ng bahagya sa kaliwang tainga nito. "Sam, sige na, inumin mo na 'yung gamot, o," nakangiting saad pa niya.

Hindi man lumingon si Sam sa gawi ni Danilo, iniabot naman nito ang maliit na lalagyan mula kay Ursula. Sinilip nito ang loob at inamoy. Humanda naman ang dalawa at baka maulit na naman ang nangyari sa nakaraang pasyente. Baka itapon din iyon ni Sam.

Nakahinga lang sila nang maluwag nang diretsong inumin iyon ng dalaga, sabay abot na rin ng tubig at tumungga. Inayos naman ni Danilo ang unang nasa likuran ni Sam at pinasandal siya ng ayos.

"Pahinga ka na." Marahang tinapik pa ni Ursula ang balikat ni Sam at agad na iniabot ang bag na nasa maliit na mesa. Napaigtad siya nang hawakang bigla ni Sam ang kanang braso niya, dahilan para mahulog ang kaniyang bag. "Bakit?" kay Sam niya itinuon ang paningin at may kalakasang nagtanong.

"Gusto kong magbanyo." Mahinang saad nito pero sapat para marinig niya. Uutusan sana niya si Danilo na ito na ang sumama kay Sam, pero lalaki pa rin pala ito kahit paano. Tumango na lang siya at binalak na munang damputin ang mga nagkalat niyang gamit sa lapag. Nakababa na si Sam sa kama at halos sabay pa silang napasulyap sa ibaba. Naiwan niya palang bukas ang bag kanina. Marahil noong inilagay niya ang mga gamot. Yumuko siya at tsinek niya ang mga iyon at baka nabasag, buti na lang at hindi naman.

Isa-isang dinampot ni Ursula ang mga nagkalat niyang gamit. At halos mabingi sila sa hindi inaasahang pagsigaw ni Sam.

"Hindi! Hindi!"

Napaangat ang mukha ni Ursula mula sa pagpupulot sa lapag. Kita niya ang takot sa mukha ni Sam at may partikular na tiningnan sa ibaba. Nanginginig ito at napapaluha na rin. Sinundan niya nang tingin kung ano ba yun. At ang notebook na kulay pula na nakapatong pa mismo sa tsinelas nito.

Ang notebook ng wishlist.

Kinuha iyon ni Ursula at naalalang si Sam nga pala ang nagmamay-ari noon.

Tumayo nang tuwid si Ursula at pilit na iniaabot kay Sam iyon, subalit parang diring-diri at takot na takot na sumampa itong muli sa kama at sumiksik sa may headboard. Yakap ng kanang braso ang mga tuhod at iling nang iling habang sinasabing ilayo sa kaniya ang wishlist.

Nagkakatinginan sila ni Danilo. Ang iba naman ay hindi na nagtataka dahil nasa mental nga sila. Natural na ang ganoong tanawin sa kanilang mga pasyente.

"Ursing, itago mo na nga iyan. At mukhang takot ito sa pulang bagay." Nilapitan ni Danilo si Sam at inalo dahil patuloy ito sa pag-iyak.

Nagkibit-balikat si Ursula at balewalang inilagay sa loob ng bag ang notebook. Matapos na isara iyon ay isinukbit nang tuluyan.

"Tanungin mo nga kung magsi-CR pa 'yan at pupunta pa tayo sa kabila."

Sunud-sunod namang tumango si Sam kahit pa umiiyak ito. Marahil ay ihing-ihi na talaga ito. Pinahawak naman ni Ursula ang bag kay Danilo at inalalayan na ang dalaga. Mabilis naman itong bumaba ng kama at matapos na maisuot ang tsinelas, nauna pang pumasok ng banyo na nasa loob mismo ng kuwartong iyon.

Agad namang sumunod si Ursula. Nakita niyang naghilamos ito at suminga pa sa lababo. Sumandal na lang siya sa hamba ng pinto at pinanood ang ginagawa ng pasyente.

"Hindi ka niya patatahimikin. Mamamatay ka rin." Nakakuyom ang kanang palad nitong nakapatong sa tiles ng lababo habang madiin ang bawat salitang binibitawan sa kaniya. Sa harapang salamin nito siya kinakausap.

"Sino?" patamad na saad niya. Akala niya pagaling na ang isang ito, pero mukhang inatake na naman ng pagkaaning.

"Nang wishlist."

Wishlist 3:
Ursula
2017

Wishlist 3: UrsulaWhere stories live. Discover now