Ursula 2

3K 149 137
                                    

Pigil ang luhang tumalikod si Ursula at dumiretso na lang sa loob ng mental hospital na kanilang pag-aari. Hindi niya kayang panoorin ang mahal na doktor habang nakikipaghalikan sa girlfriend nitong labis niyang kinaiinggitan simula pa man. Akala naman niya ay magkakaroon na sila ng something nito sa loob halos ng isang taon niyang kinimkim ang pagkakagusto rito. Pero mali pa rin pala siya. Tinging kapatid pa rin ang turing nito sa kaniya simula pa man.

Inis na ibinalibag ni Ursula ang bag pagkarating ng locker room. Walang katao-tao at tanging siya pa lang ata ang naroon. Hinayaan niyang bumagsak ang bag sa upuang nasa gilid at pabagsak din siyang naupo sa tabi niyon. Wala siyang pakialam kung nasira man o nabasag ang cellphone niya sa loob. Basta, gusto niyang magwala at magsisigaw sa sobrang inis at selos.

Huminga nang malalim si Ursula bago tumayo. Mayamaya rin kasi ay magsisimula na ang shift niya. Tiyak na magagalit na naman ang lola niya kung male-late siya. Kahit pa sila ang may-ari ng mental na iyon, kailangan matutuhan niya na muna ang lahat ukol dito bago pa man niya pamahalaan pagdating ng panahon. At ang kahagalahan sa oras ang unang itinuro nito sa kaniya.

Masama ang loob na binuksan ni Ursula ang locker na nasa pangatlong pinto bandang kanan. Kinuha sa loob ang nurse cap at sapatos. Isasara na sana niya iyon ng biglang may bumagsak sa kaniyang paanan. Napatungo siya at isang pulang notebook ang kaniyang nakita. Napakunot-noo si Ursula at hindi na sana papansinin iyon na galing nga pala sa isang pasyente nila.

Oo nga pala, itatapon na pala niya iyon tutal wala na sa kaniyang pakialam si Christian. Sisipain sana niya papuntang ilalim ng locker nang matigilan. Napapatdang yumuko pa para makasigurado at nalilitong ipinasya nang damputing tuluyan.

Isang wishlist na kulay itim ang pagkakasulat ang nasa gitna at sa ibaba naman ang kaniyang... Pangalan?!

Ursula...

Napakunot-noo siyang muli bago tinitigang maigi. At hindi nagbago ang nakasulat, pangalan niya nga iyon!

Pero, paano? Wala siyang matandaang may notebook siyang ganoon. Oo, paborito niya ang kulay pula pero hindi niya ugaling bumili ng mga sulating gaya nito. Hindi siya mahilig magsusulat ng kung ano-ano gaya ng diary o random thoughts sa kahit anong sulatin. Ni wala siyang ballpen sa bag.

Hindi kaya... Kapangalan niya lang ang may-ari niyon? Pero, sa pagkakatanda niya, Samantha ang pangalan ng pasyenteng putol ang kaliwang braso. Bihira naman ang Ursula. Simula ng mag-aral siya hanggang dito sa mga kasamahan niya, siya lang ang may ganoong pangalan. Na napakapangit para sa kaniya!

Sa dami kasi ng pangalan, isinunod pa sa pangalan ng lola niyang hindi naman siya mahal.

Pinili niyang buklatin ang naturang kuwaderno. Napangiwi siya sa nakasulat sa unang pahina.

Isulat ang nais at tutuparin ng Wishlist.

Ano raw? Ang corny naman nito. May naniniwala pa ba rito?!

Natatawang napapailing si Ursula bago bumalik sa kinalulugaran ng kaniyang bag. Naupo sa upuang naroon at kinuha ang ballpen na nakasabit sa bandang gilid ng notebook.

Hmmm... Subukan ko kaya?

Nagpalinga-linga pa siya, partikular sa pinto na nasa kanan niya at baka may makakita sa kaniya, mahirap ng masabihang pumapatol siya sa mga ganitong bagay.

Nagsimula siyang magsulat sa Wishlist: 1 na nakita niya sa kabilang pahina. Dahil sa nararamdaman pa ring selos sa babaeng pinakamamahal niyang doktor, isang hiling ang isinulat niya. Kasabay nang matinding inis para sa pangalang itinatak niya sa papel.

Mamatay na sana si Noemi, ang babaeng malandi ni Christian!!!

Malalaking letra pa ang ginamit niya para talaga sana magkatotoo, kahit pa hindi naman siya naniniwala. Kahit man lang doon ay mailabas niya ang nais na mangyari sa babaeng haliparot.

"Hay naku, bakit ko ba pinapatulan ang ganitong mga bagay?" naiiling na pipilasin sana niya ang papel na sinulatan, nang biglang bumukas ang pinto.

Napalingon si Ursula rito at sumungaw ang ulo ni Danilo.

"Hoy, Ursing! Bilisan mo riyan, hindi ka na pumunta ng meeting, nagmo-moment ka pa riyan. Si lola mo nasa taas, nag-iikot." nag-sign pa ang baklang si Danilo ng hala ka, bago umalis na rin kaagad. Iniwan pang bahagyang bukas ang pinto.

Pagkarinig sa lola ay nakasimangot na dinampot ni Ursula ang bag at iiwanan na lang sana ang notebook. Nang maalala niyang may isinulat nga pala siya roon at hindi niya natanggal. Mahirap nang may makabasa kaya basta na lang niya iyong isinuksok sa bag at lumabas.

***
Isang mariing halik ang ibinigay ni Christian sa kasintahang si Noemi.  Halos hindi niya mahiwalay ang labi sa dalaga dahil sobrang mamimis na naman niya ito pag-uwi sa kaniyang condo. Mahal na mahal niya ang halos dalawang taong kasintahan. Kung tutuusin, kaya na niya itong pakasalanan, para lagi na silang magkasama. Kaso lang, nais muna nitong makapasa sa board exam para sa pagiging ganap na dentista. At maranasan ang magtrabaho ng kahit isang taon bago man lang sila magpakasal. Pumayag na rin siya, dahil tutal naman ay humigit kumulang dalawang taon na lang ang kaniyang hihintayin.

"I love you. Tawag ka or text ka kapag nakauwi ka na." malambing na saad nito bago nakangiting ginulo pa ang buhok ni Christian. Tinangka na rin nitong buksan ang pinto ng kotse.

Nakangiting hinila naman kaagad ng doktor ang kamay ng kasintahan at ginawaran muli ng halik sa labi. Natatawang kumalas naman si Noemi bago tuluyang binuksan ang pinto ng kotse sa kaniyang gilid.

"Ingat ka!" kumaway pa ang dalaga bago isinara ang pinto. Nanatiling nakapaskil ang ngiti sa labi ni Christian nang sundan ng tingin ang kasintahang nakapasok na sa sarili nitong tahanan, saka lang niya nagawang iistart ang kotse.

Pagod man ang maghapon niya, masaya naman dahil nakapiling niya ang kasintahan. Buti na lang at nagre-review na lang ito para sa board.

Halos isa't kalahating taon na siya sa pribadong Mental Hospital sa Laguna. Iyon naman talaga ang nais niya dahil nang magkaroon ng sakit sa utak ang ina gawa nang pambubugbog ng ama, ninais niya na siya ang mag-alaga rito. Subalit, bago pa man siya makatapos ay hindi kinaya ng ina, nagpakamatay iyon.

Pero, dahil nais niyang makatulong sa mga gaya ng ina, pinagpatuloy niya ang kurso at inaplayan ang isa sa pinakamalaking mental hospital sa lugar nila.

At masaya siya sa ginagawa, lalo pa at suportado siya ng mahal na nobya. Sumisipol-sipol pa si Christian na humuling sulyap pa sa bahay ni Noemi, bago pasibad na umalis sa lugar na iyon.

Wishlist 3:
Ursula
2017

Wishlist 3: UrsulaWhere stories live. Discover now