Ursula 3

2.9K 151 143
                                    

Sunud-sunod na katok ang nakapagpagising kay Ursula. Tinatamad na tinanggal niya ang eye pad at nakapikit pa ang isang matang inilibot ang paningin. Hindi man gaanong tumagos ang liwanag mula sa bintana ng kaniyang kuwarto, malinaw na nakikita niyang maliwanag na sa labas. Patuloy ang pagkatok at pagtawag sa kaniyang pangalan sa labas ng pinto. Naiinis na basta na lang tinanggal ang kumot at sumigaw ng bakit?

"Ma'm, pinapagising na po kayo ng lola ninyo. Sumabay na po raw kayo sa almusal."

Ang halos dalawang taon na nilang katulong iyon. Lima ang katulong sa bahay na iyon at ito pa lang ang tumatagal. Dahil na rin siguro sa ugali niya, nila ng lola niya actually.

"Mag-aayos lang ako!" pasigaw na saas niya na halos paos na nga ang lumalabas dahil sa kaiiyak niya kagabi. Dalawang rason iyon; ang lola niya at siyempre, sa nasaksihan sa mahal niyang doktor at sa kasintahan nito.

"E, ma'm, kailangan na po ninyong bumaba..."

"Susunod na nga! Buwisit!" ganito siya sa lahat ng katulong at mga mas mababa pa sa kaniya. Pero tiklop siya sa kaniyang lola, sampal at sabunot ang aabutin niya kung sakali.

Napasabunot siya sa sariling buhok at naihilamos ang kanang kamay sa mukha.

Nakakainis!

Ipinasya na niyang mag-ayos na at bumaba. Baka hindi na muna siya papasok dahil pakiramdam niya, may dalawang malaking uod sa ibabaw ng talukap ng kaniyang mga mata. Hindi man niya tingnan sa salamin, alam niyang magang-maga na iyon dahil halos hindi na niya maimulat. Sinabayan pa nang pananakit ng kaniyang ulo.

Matapos ang madaliang ritwal sa umaga, bumaba ng naka-shorts na khaki at sandong puti si Ursula. Kuta ang kaputian at kakinisan ng kaniyang balat. Nagmana raw siya sa namayapang ina. Maganda ang kaniyang mukha pati na rin ang hubog ng kaniyang katawan. Alaga sa salon ang kaniyang buhok na kulay brown. Matangkad din siya sa edad na benten tres. Kaya takang-taka siya kung bakit hindi siya magustuhan ng kinahuhumalingang doktor gayong kung tutuusin, nasa kaniya na ang lahat; maganda, mayaman at matalino.

"Good morning, lola." mahinang saad ni Ursula nang makalapit sa hapag. Gagawaran sana niya ng halik sa pisngi ang matanda, subalit umiwas ito. Iminuwestra nitong maupo na siya sa kanang bahagi niya. Nakayuko ang ulong naupo si Ursula habang mataman siyang tinitigan ng abuela.

Nilalagyan siya ng juice sa baso ng katulong nang sumimsim sa tasa ng tsaa ang kaniyang lola. Pagkakaba ng tasa ay agad itong nagtanong.

"Anong kaartehan at umiyak ka ng ganiyan? Ilang beses ko bang sasabihin na hindi ka dapat maging mahina." May diin ang bawat kataga ng kaniyang lola. Kung nakakabilaok lang ang mga salita nito, malamang matagal na siyang patay sa pagkahirin.

Pinili niyang sumandok ng pagkaing nasa harap kesa ang sumagot.

"Sige, huwag ka nang pumasok ngayon. Tutal, may mga OJT nurse naman. Kailan mo balak na kumuha ng pagdodoktor?" magaang man ang mga salitang ginamit nito, halatang kailangan mong sumagot ng naayon sa kaniyang kagustuhan.

"Ito nga po ang gusto ko, nurse. Ayoko na pong mag-aral ng iba pang kurso ng medisina. Tama na po..."

Napaigtad si Ursula ng biglang magmura ang kaniyang lola. "At paano kung mamatay ako?! Sino ang mamamahala ng mental? Wala kang alam kung hindi ang magbigay ng gamot sa pasyente at turukan lang sila? Kahit ang pagpapatakbo ng maliit na clinic malamang ay hindi mo kakayanin! Istupida ka talagang mag-isip kahit kailan!"

Nagpunas ito ng bibig gamit ang panyong nasa kandungan at basta na lang ibinato sa kaniya iyon. Tinamaan man siya sa mukha ay nakatikom ang bibig na hindi na nagsalita pa si Ursula.

Wishlist 3: UrsulaWhere stories live. Discover now