♡ 9 ♡

330 22 108
                                        

(Therese's POV)

Maaga akong gumising para magwalis sa bakuran. Isang buwan na rin akong wala sa mall kung saan ako nagkakahera. Nag-secure pa kasi ako ng requirements para sa darating na pasukan. Tinanggap ako sa St. Therese Academy. Sa wakas at isa na akong ganap na guro next school year. Grade six ang tuturuan ko.

Tuwang-tuwa si Zia nang sabihin ko ang magandang balita sa kanya. Sinabi pa niyang magiging magkapitbahay lang kami dahil nga magkalapit lang ang school at ang SME.

Mabilis kong iniwan ang ginagawa ko nang tumunog ang doorbell sa gate. Maayos na ang bakod namin ni Zia. Gaya ng huling sinabi ni Sebastian, tinulungan niya kaming ipagawa iyon. Nagpa-install na rin siya ng WiFi naming magkapatid. Kaso hindi na siya ang nag-asikaso ng mga 'yon personally. Nag-assign na lang siya ng tutulong sa amin.

Nang buksan ko ang tarangkahan, tumambad sa akin ang nakapamaywang na si Tiya Macel. Nakabihis ito at tila may pupuntahan na namang lakad.

"Magandang umaga po, Tiya," bati ko sa kanya. "Tuloy po kayo."

Umismid lang ito saka mas lalong tumaas ang noo. Nanatili ito sa labas. "Nawala lang ako ng ilang buwan tapos ang balitang bubungad sa akin ay ang pagbabalik ni Justin?"

Nagbakasyon kasi sa Iloilo ang buong pamilya nito kaya wala sila noong mga panahong unang nagparamdam ang aking ex-boyfriend. "Tiya..."

"Hoy, Therese, huwag puro landi ang pinapairal ha! Matanda ka na at maawa ka sa kapatid mo kapag naulit na naman ang pagkakamali niyo noon ng Justin na 'yan!"

Ikinuyom ko ang kamao ko. Pinigilan ko ang sarili kong sagutin ito. Tila ba nagpanting ang mga tainga ko dahil sa narinig.

"Maayos na kompanya ang kinabibilangan ni Zia ngayon. Pero kapag gumaya 'yon sa'yo at ibigay rin ang katawan sa kung sino mang manob--"

"Hindi gagawin ni Zia 'yon. Magkaiba kami." Sinalubong ko ang mga nang-uusig na tingin nito. "Huwag niyo namang ikokompara ang kapatid ko sa akin. Hindi kami magkapareho."

Humalukipkip ito. "Dapat lang. Sayang naman kung dudungisan niya ang kompanyang nag-i-invest sa kanya. 'Yan din sana ang iisipin mo, Reese. Papasikat pa lang si Zia, huwag mong palulubugin agad."

Tumalikod na ito at naiwan naman akong nakatulala. Masyadong mabigat sa pakiramdam. Tumagos lahat ng sinabi nito hanggang sa kaibuturan ng puso ko. Kailan mawawala ang gano'ng tingin ng mga tao sa akin? Hindi ko pinagsisisihan ang mga nangyari na. Wala na akong magagawa. Hindi na ako makakabalik sa nakaraan. Pero huwag naman sana nilang ipamukha sa akin nang paulit-ulit ang naging pagkakamali ko.

Nagmahal lang ako. 21 ako noong makilala ko si Justin. Nagtatrabaho siya noon bilang supervisor ng isang sikat na bookstore.

Bumili ako noon ng mga gagamitin ko sa school. Manila paper, cartolina at marker. Siya ang mismong nag-assist sa akin. Noong sumunod kaming magkita, bumili naman ako sa kanila ng pad paper at isang notebook. Sakto naman noong palabas na ako ng store ay siya namang out niya. Sinabayan niya ako noon habang nag-uusap kami mostly patungkol sa akin.

Wala pa akong cell phone noon kaya wala akong naibigay nang hingin niya ang number ko. Tanging buong pangalan ko at ang paaralang pinapasukan ko noon ang aking nasabi. Nagulat na lamang ako kinabukasan nang makita ko siyang nakaupo sa harap ng guard house after ng aking last period. Doon siya nagsimulang manligaw sa akin.

Oo, magdadalawang taon pa lamang noong kami ay tuluyang maghiwalay ni Justin. Hindi pa ganoon katagal. Hindi pa masyadong naghihilom ang mga sugat. Kung gaano nasaktan ang pamilya ko sa sinapit ko, ano pa kaya sa akin? Ipinapakita ko naman sa kanilang lahat na gusto ko nang makalimot... na gusto kong magsimula ulit... hindi ba nila puwedeng ibigay 'yon sa akin?

Sean and Therese (TLA #3) [ON-GOING]Where stories live. Discover now