9

6.4K 106 5
                                    

"OH, MY God! Ako ba 'to?" bulalas ni Mariel nang tingnan niya ang sarili sa harap ng salamin sa huling pagkakataon. Bihis na siya at naayos na niya ang kanyang sarili para sa pagpapanggap na gagawin nila ni Andrei.

Pumayag siya dahil mukhang seryoso ang kaibigan niyang ayaw na nitong makipagrelasyon at titigil na ito sa pambababae. Gusto rin niyang matigil ang maling gawain nitong iyon. Para rin naman dito iyon. At para rin sa kanya.

At least, isa na lang ang pagseselosan niya—ang babaeng nagugustuhan nito na gusto nitong makasama habambuhay.

Sa isang banda, nanghihinayang siya. Iyon na lang kasi ang huling pagpapanggap niya bilang girlfriend nito. Hindi na mauulit iyon. Kaya lulubus-lubusin na niya. Nag-ayos siya nang husto. Hindi tuloy siya makapaniwala sa nakita niyang repleksiyon niya sa salamin.

Simple lang ang suot niya—fitted blouse at skinny jeans—pero nag-iba ang itsura niya dahil sa cosmetics na matagal na niyang nabili pero ngayon lang niya ginamit. Napilitan lang siyang bumili nang minsang ay nakasalubong niya si Ms. Yumi sa mall. Nagpasama ito sa kanya sa isang cosmetics shop. Sinabihan siya nitong bumili rin kaya napabili siya nang wala sa oras.

"Ako ba talaga ito?" tanong niya uli. Hindi talaga siya makapaniwala sa nagawa ng manipis na makeup, lipstick, at mascara sa kanya. "Ako nga ito. Ang ganda ko talaga, 'di ba, mirror, mirror on the wall?"

May kumatok sa pinto ng kuwarto niya. "Yel, tara na." It was Andrei. Sino pa nga ba?

"Teka lang." Inayos niya ang nakakawit na hibla ng buhok niya sa kanyang noo. Palabas na siya nang bumukas ang pinto. "Dre?" Namangha siya sa itsura nito. He was super handsome in his simple red polo shirt, jeans, and sneakers. Nagpagupit din ito. Bagong hairstyle. Bagay pala rito ang clean-cut. Malinis tingnan at lalo itong gumuwapo. He looked fresher and hotter.

Namangha rin ito nang makita siya. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at pabalik. "Wow!" bulalas nito. "You look... beautiful."

"Dati rin naman akong maganda, 'no."

"Iba ngayon. Lalo kang gumanda. Did you prepare for this?"

"Hindi, 'no."

"Well, it isn't obvious that you didn't."

"Bakit ka pumasok dito? Lumabas ka nga muna."

"Bawal na ba akong pumasok ngayon dito?"

"Hindi ko naman sinabing—"

"Aha! Kaya pala..."

Tumingin siya sa direksiyong tinitingnan nito—sa picture nitong nakapatong sa bedside mini-cabinet niya. Patay! Iyon ang dahilan kung bakit pinalalabas niya ito. Ayaw niyang makita nito iyon. Nang naglakad ito patungo roon ay tinulak niya ito palabas. Pero kaya naman kaya niya ang matikas nitong katawan?

Kinuha nito ang frame ng picture nito. "You want me to go out dahil hindi mo pa naitatago 'to, 'no?"

Inagaw niya iyon dito. "Akin na 'yan."

Inilalayo naman nito iyon sa kanya. "Ikaw lang pala ang kumuha nito. Hinanap ko ito nang nawala ito, ah."

"Napag-trip-an ko lang namang kunin 'yan noon. Kaso hindi mo naman ako tinanong, eh. Kaya hindi na rin ako nagsalita."

"Ano naman ang pumasok sa utak mo at napag-trip-an mo itong kunin? Talagang pinili mo ang pinakaguwapo kong picture, ha."

"Akin na nga 'yan."

My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now