Part 8

10.6K 255 2
                                    

"PARA kang clown." Hindi napigilang sabihin ni Guinevere sa reflection niya sa salamin. Nasa comfort room na siya noon. Paanong hindi niya sasabihin iyon gayong nakapaskil na yata sa mga labi niya ang ngiti. Hindi niya kailanman inisip na ganoon ang mangyayari sa sandaling magkakilala na sila ni Charlie. Kahit paano ay alam niyang naa-attract sa kanya ang binata. Nagpapakita ito ng interes sa kanya. And she could also sense the spark and the chemistry between them. Pakiramdam tuloy niya ay napakahaba ng kanyang buhok.

Kinalma ni Guinevere ang sarili bago lumabas ng comfort room. Bumalik siya sa canteen. Charlie was still at the counter. Kinawayan siya ng binata. Sumenyas siya na mauuna nang umupo sa mesa at doon na lang ito hihintayin. Tumango ang binata. Papunta na siya sa upuan nang maalalang kunin na rito ang backpack niya. Lumapit siya sa binata at kinuha iyon. Hindi naman na ito nakipag-argumento.

Pumili na si Guinevere ng mesa at naupo roon. She eased her backpack. Nang makaupo ay muli niyang ibinalik ang paningin sa canteen. Si Charlie na ang nakikipagtransaksiyon sa tindera. At hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang mga matang nakapako sa direksiyon ng binata. Nakikilala kaya ng mga ito ang binata? Kunsabagay, kahit naman hindi makilala ay siguradong pag-uukulan pa rin ito ng pansin nino man dahil hindi maitatangging guwapo ito. Halatang mayaman ito kahit napakasimple ng kasuotan. At trademark na yata ng binata ang maaliwalas at nakangiting mukha. Kagalang-galang itong tingnan pero hindi naman nakaka-intimidate ang aura. Naisip niya, paano kaya magalit ang isang Charlie Valencia?

Nakita ni Guinevere nang magbigay si Charlie ng pera sa tindera pagkatapos ay itinuro nito ang ilang pasahero. Most of them were old and obviously poor. Nakuha agad niya na pinabibigyan ni Charlie ang mga iyon ng pagkain. Ilang sandali pa ay binuhat na nito ang tray na kinalalagyan ng pagkain nila at tinalunton ang kinaroroonan niya.

Inilagay nito sa harap niya ang isang cup noodles, sandwich, at isang bottled water. Ganoon din ang inilagay nito sa harap nito. Napansin niya na may mga nilagang itlog din. Kinuha iyon ng binata at binalatan. Pagkatapos ay inihulog sa cup noodles niya.

"Masarap ang noodles kapag may itlog." Nilagyan din nito ng itlog ang pagkain nito. She just secretly watched him. Nakakailang ang pagiging attentive nito pero nakakataba rin naman ng puso. Hindi talaga ito maselan. Who would have thought na ang isang kilalang chef ay nakokontento sa cup noodles at itlog?

"Kain na tayo, Gwen."

"Sige. Thank you."

Kumain na sila. Si Charlie ay nagkukuwento ng mga nakakatuwang anecdotes ng buhay nito, maging ng mga pinsan. At wala siyang ibang ginawa kundi ang tumawa nang tumawa. "See this earring?" Itinuro nito ang hikaw. Tumango siya. "Ito ang consequences sa pagkatalo ko sa karera kay Cedrick," dagdag pa nito. "Actually, ang pustahan talaga namin ay 'yong bilog na earring dapat. What do you call it? 'Yong parang hawakan sa LRT?"

Hindi na nakasagot si Guinevere. Natawa na lang siya nang malakas dahil sa ginamit nitong halimbawa.

Valencia Series Book 5: Charlie (Completed)Where stories live. Discover now