Part 14

9.5K 228 4
                                    


KINABUKASAN, madaling-araw pa lang ay gumayak na sila at nagpunta sa headquarters ng Valencia Foundation. Matatagpuan iyon sa Centro. Ang hula ni Guinevere ay naroon na rin ang iba pang volunteers. Ang sabi ni Febe ay doon na rin sila mag-aagahan sa headquarters. Ayon pa rito ay nauna na roon si Charlie para mag-asikaso sa mga volunteer na maagang darating.

"Gwen!" galak na wika ni Jenny, Angela's friend. Katulad ni Angela ay isa ring pediatrician si Jenny. Nakasabay nila ang dalaga sa pagdating sa headquarters. She smiled back at Jenny. Agad nakalapit si Jenny sa kanya at niyakap siya. "It's so good to see you. Kailan ka pa dumating?"

"Kahapon lang. And it's nice to see you again, too."

Pumasok na sila sa loob. Marami nang tao roon. Ang iba ay nagsisimula nang kumain. Nahuli ng mga mata niya si Charlie na animo nakikipagbiruan sa isang volunteer. Gusto niyang sumimangot dahil doon.

Wala ka pang karapatan, Gwen, tukso ng isip niya. Meron na! Sapat na ang nararamdaman ko para magkaroon ng karapatan, sagot naman ng puso niya.

"Hello, Gwen!" bati sa kanya ng ibang volunteer na nakasama na niya dati. Karamihan sa mga ito ay pamilyar sa kanya. Maging sina Jillian at Megan ay bumati sa kanya. In all fairness, behave ang mga ito at animo seryoso rin talaga sa ginagawa.

Nginitian niya ang mga kasama. "Hi, guys."

"Alam mo na ang dapat mong gawin," wika sa kanya ni Angela bago itinuro ang buffet table.

Tumango si Guinevere. "Ako na ang bahala sa sarili ko."

Nang makaalis si Angela ay tinungo na niya ang lagayan ng percolator. Magkakape lamang siya.

"Good morning," anang boses na tumabi sa kanya.

Hindi na niya kailangang lumingon para malaman kung sino ito. Sapat na ang presensiya nito, ang amoy, at ang nagririgodon niyang dibdib para masabing si Charlie iyon.

"Good morning din," sagot ni Guinevere bago pilit binabale-wala ang nakalulunod na presensiya nito. His scent was filling her nostrils. Mukhang hindi na niya kailangan ng kape dahil buhay na buhay na ang kanyang dugo.

"Nakatulog ka ba nang mahimbing kagabi?"

"Oo. Puyat nga ako,'di ba? Ni hindi ako namahay."

"'Buti ka pa, nakatulog. Ako, hindi."

Pinili ni Guinevere na manahimik na lang. Nang makapagtimpla ng kape ay dinala na niya iyon sa isang mesa. Nakasunod sa kanya si Charlie at naging maagap ito sa paghihila ng upuan para sa kanya.

"Magkakape ka lang?"

"Oo. Hindi kasi ako sanay kumain nang ganito kaaga. How about you? Kumain ka na ba?"

"Actually... no, not yet. Hinihintay kasi kita. Gusto kong makasabay ka sa pagkain," anito, sabay kindat sa kanya.

Muntik na niyang maibuga ang iniinom na kape. Charlie, surely knew how to use his charm. "Paano ba 'yan, kontento na ako sa kape..." tudyo niya.

Tumayo ang binata at walang-paalam na umalis. Tumaas ang kilay niya sa ginawa nito pero ipinagkibit-balikat na lang niya iyon. Nagulat pa siya nang wala pa yatang isang minuto ay nakabalik na uli ito at may dalang kape. "Sa palagay ko ay kontento na rin ako sa kape." Humigop ito ng kape. "As long as you're in front of me."

Natatawang naiiling na lang si Guinevere. Iyon na ba ang way nito para manligaw? Ang daanin siya sa mga pamatay na ngiti, tingin, at dialogue?

Sumandal si Charlie sa upuan. Ang isang kamay nito ay nasa ibabaw ng mesa at bahagyang tumatapik-tapik ang mga daliri. Tila relaxed na relaxed ito. "Pinasaya mo ako sa pagsusuot mo ng jeans ngayon."

Tinaasan niya ng isang kilay ang binata, nagtatanong ang mga mata. "At ano ang ibig mong sabihin diyan?"

Ngumisi si Charlie. Her heart skipped at that naughty smile of his. "I just realized that I don't want to share your legs. Kahit sa paningin lang. I want them to be exclusively mine."

Literal na bumuka ang mga labi niya sa pagkabigla. That was so straightforward! Hindi niya alam kung paano ito sasagutin.

Hindi pa rin nakaka-recover si Guinevere sa pagkabigla nang umayos ng upo ang binata at inilapit ang mukha sa kanya. "And you should close your lips now, Guinevere, or I'll claim those lips right now and kiss you 'til you're senseless. Seriously."

Agad naitikom ni Guinevere ang kanyang mga labi. Napalunok din siya. Mahinang tumawa si Charlie bago uli sumandal sa upuan. Nang makabawi ay mahinang sinipa niya sa ilalim ng mesa ang binata.

"Aw!" Ngumiwi ito.

"Too bad you're not my type," aniya bago ito nginisihan. Siyempre pa ay nagsisinungaling lang siya. Gusto lamang niyang pahirapan si Charlie. Kahit kaunti. At hindi pa siya sigurado kung makakaya niyang panindigan iyon.

Tumayona si Guinevere at iniwan si Charlie. Ilang saglit pa at sama-sama na silangbumiyahe patungo sa Victoria—ang pagdarausan ng medical mission.    

Valencia Series Book 5: Charlie (Completed)Where stories live. Discover now