Chapter 26: Magkaibigan

857 110 0
                                    

Isang malamig na pakiramdam, banayad na hangin, wari'y ako'y nakalutang. Agad kong minulat ang aking mga mata at napansin ang kakaibang paligid. Nasaan ako?

" Kuya...."

Isang tinig ng isang babae ang aking naririnig. Pamilyar ito, parang narinig ko na 'to dati?

"Gamitin mo ako, Kuya..."

Narinig ko na ang boses na ito dati! Pero saan? Kailan?

"Sino ka?" tanong ko sa kaniya. Teka lang? Nasaan ba ako? Bakit sobrang liwanag ng paligid?

"Malapit mo na akong makilala, Kuya."

Umikot nang napakabilis ang paligid. Pakiramdam ko'y nahuhulog ako sa isang madilim na kawalan. Ngunit isang kamay na nababalot ng liwanag ang nais sumagip sa akin.

Pilit kong inabot ito kahit na nilalamon na ako ng kadiliman. Kailangan ko siyang makilala! Kailangan kong makaalis dito!

-----

"Stephen!!"

Nagising ako sa sigaw ni Kuya Atlas at agad akong bumangon sa higaan. Hinawakan ko ang aking damit na sobrang basa sa pawis! Parang bagong ligo na rin ako dahil sa sobrang basa ng buhok ko!

"Ano bang nangyayari sa'yo, bata? Nakalutang ka habang natutulog! At lumiliwanag ang iyong dibdib!" sigaw niya sa akin. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagaalala.

"Stephen, sino ka bang talaga?" tanong niya sa akin. Napangiti ako sa kaniyang tanong. Sino ba talaga ako? Hindi ko rin alam. Napakakomplikado ng mga nangyayari sa akin. Kung ano- ano ang mga panaginip ko. Hindi ko na talaga alam.

"Paumanhin, Kuya Atlas. Isa lamang iyong masamang panaginip, at mukhang sumusumpong na naman ang sakit ko sa puso." sagot ko sa kaniya, kahit na, hindi talaga isang sakit ang selyo sa aking dibdib. Huminga naman siya ng malalim at kumuha ng damit sa aking bayong. Agad niya rin itong inabot sa akin.

"Marahil ay napagod ka sa mga trabaho sa bukid kahapon, kaya't naapektuhan ang iyong pagtulog at sumumpong ang iyong sakit. Kaya't babawasan ko na lang ang iyong mga trabaho." aniya. Napakamot ako sa aking ulo. Wala pa rin akong ligtas sa gawaing 'to eh. Kung nandito lang si Lugio ay panigurado, aakuin niya mga trabaho ko.

"Baka pwede akong tumulong?"

Napatalon ako sa gulat nang may isang lalaki na nakaupo sa bintana! Si Lugio!!

Agad siyang hinila papasok ni Kuya Atlas at agad na isinara ang bintana. Jusko po, aatakihin ata ako sa puso sa gulat!

"Bakit ka nandito? Bukas pa ang alis niyo papuntang kagubatan ah?Paano kung nasundan ka ng mga kamaganak natin?" tanong ni Kuya Atlas sa kaniya. Grabe talaga magalala si Kuya Atlas, para na siyang tatay eh HAHAHAHAHA.

"Ang paalam ko kay ina ay mageensayo ako sa may ilog upang maghanda para sa paglalakbay bukas. Hindi sumang-ayon si ina pero pumayag si Ama. Kaya ako talaga ang tunay na paborito." aniya habang pinapagpagan ang kaniyang ordinaryong kasuotan. Mukhang bumili siya sa bayan ng ordinaryong damit para hindi siya paghinalaan dito ah.

"Manigas ka Lugio. Ako pa rin ang paborito ni Ama't ina. Kung ako ang nagpaalam, paniguradong papayagan din ako ni Ina." pangaasar ni Kuya Atlas kay Lugio.

Natahimik lamang si Lugio sa kaniyang kinatatayuan.

"Ano na ang iyong balak, Kuya? Kailan mo ipapaalam kina Ama na buhay ka pa?" Tanong ni Lugio sa kaniyang kapatid.

"Darating din tayo diyan. Sa ngayon, Kumain muna tayo." sagot ni Kuya Atlas at pumunta sa kusina.

"Mukhang may kagimbal-gimbal kang ginawa at pawis na pawis ka." panglalait sa akin ni Lugio kaya binato ko siya ng unan. Agad naman siyang tumakbo papunta sa kaniyang kapatid. Kainis.

Djinn: The Four Moons [Completed] (Djinn Series #1) Where stories live. Discover now