Chapter 37: Ang dulot ng Selyo

820 112 2
                                    

Isang linggo na ang nakalipas noong nadakip si Kyl. Wala naman kaming napapansing mga kakaibang bagay sa paligid o mga kakaibang pangyayari. Parang bumalik na sa dati ang lahat noong una kaming makaapak sa kagubatang ng Dreadwood. 

Matapos ang araw na iyon, araw-araw na kaming nagsasanay sa kagubatang ito. Sa umaga ay pinapatakbo kami ni Binibining Bynte sa kapatagan ng dalawampung beses. Bago naman magtanghalian ay aakyatin namin ang isang matarik na bundok nang hindi gumagamit ng mahika. Para raw ito sa kapasidad ng aming enerhiya at para mas lumakas ang aming mahika. Hindi naman kami makapagreklamo dahil kapag sumuko raw kami ay papauwiin niya kami sa palasyo nang walang ginagamit na karwahe. Sino namang gugustuhin 'yon? At tsaka, kaya nga kami nandito ay para maging ligtas kami sa anumang nagbabadyang kapahamakan, 'di ba? And at the same time, nageensayo na rin kami para mas lumakas pa kami.

Ilang araw na rin akong may espesyal na pageensayo upang sa gayon ay mapalabas kong muli ang aking Djinn. Agad namang kumalat ang balitang iyon sa buong bayan ng Dreadwood at inaasahan kong makakarating agad 'yon sa Bayan ng 'Se. Lalong-lalo na at papunta dito sa aming lugar ang Mahal na Reyna. 

Kahit ilang araw na akong nageensayo ay hindi ko pa rin mapalabas ang aking Djinn. Siguro dahil na rin ito sa selyo na nasa dibdib ko. Hindi ko alam ngunit hindi ko nararamdaman na umuunlad ang aking kapangyarihan. Nakikita ko sa aking mga kaklase ang pag-unlad ng kanilang mga mahika. Lalong-lalo na ang mahika ni Elise sa shape-shifting dahil na rin sa kaniyang kakaibang bloodline. Kaya hindi ko talaga alam kung bakit walang nagbabago sa enerhiya ko. Sa tuwing pinipilit kong palabasin si Yvel, humihilab naman ang puso ko na para bang sasabog. 

Tanghali na ngayon at pansamantala kaming nagpapahinga para sa marami pang pagsasanay mamaya. Nakaupo lang ako sa isang bato malapit sa ilog habang pinapanood ang tatlong kakalase kong babae na nag-aaway sa bato. Sinusubukan nilang gumawa ng apoy gamit ang dalawang bato na ibinigay ko sa kanila.

Noong mga nakaraang araw kasi ay tinuruan ko sila kung paano mabuhay nang hindi gumagamit ng mahika. Katulad ng pagbuo ng apoy gamit ang dalawang bato at mga tuyong damo sa paligid. Noong nakapag-paapoy sila, tuwang-tuwa sila sa kanilang nagawa. Kaya hanggang ngayon ay inuulit-ulit pa rin nila ito.

"Ako muna ang mauuna! Ako ang inyong pinuno!" sigaw ni Fei sa kaagawan niyang sina Elise at Mary. Agad namang nakuha ni Elise ang isang makinis na bato sa kamay ni Fei at agad na kinuha ang kaniyang punyal. Nagulat ako sa kaniyang bilis nang pagkilos at agad niyang napaapoy ang mga tuyong sanga sa sahig. Hindi ko pa rin talagang maiwasang mamangha sa mga myriad.

"Napakadaya mo Elise!" sigaw ni Mary at agad niyang kinuha ang bato kay Elise. Pinaubaya naman ni Fei ang isa pang bato sa kaniya. Agad namang naghanap ng mga tuyong sanga si Mary para gumawa ng apoy. Gustong-gusto niya gumawa ng apoy kahit apoy naman ang kaniyang elemento? HAHAHHAHA

Sa may ilog malapit sa amin ay nanghuhuli ng isda sina Kyl at Lugio. Ginagamitan ni Lugio ng mahika niya ang mga isdang makikita niya at agad niya itong pinagyeyelo. Kukuhanin naman ito ni Kyl at tutunawin para ibigay kay Fei na siyang naka-atang na magluto.

Hindi nila ako pinapatulong dahil kaya ko raw gawin nang mag-isa ang mga bagay na ginagawa nila. At tsaka, simula noong nageensayo ako para sa aking Djinn, naiintindihan nila kung bakit ako pagod na pagod. Napakahirap gamitin ng kapangyarihan ng Djinn, at marami pa akong kailangang matutunan. Hindi ko rin makausap si Yvel nang maayos dahil sa selyo na nakaharang sa aking dibdib. Kaya't ang tanging magagawa ko lamang sa ngayon ay mag-ensayo at magpalakas habang hinihintay ang inang reyna sa kaniyang pagdating.

Habang tahimik na naghihintay na matapos ang tanghalian, tahimik din akong nagdadasal na sana ay makita ko na ang reyna. Gusto kong makaramdam ng pagbabago sa aking mahika, ngunit sa palagay ko'y pinipigilan ito ng selyo sa aking dibdib. Sana dumating na sila agad.


-


Grace's POV

"Magandang Umaga." bati sa akin ng isang lalaking may kulay kayumanggi na buhok. Matapos niya akong batiin ay umupo siya sa kaniyang lamesang pinagtatrabahuan. Isa na rin siyang guro tulad ko. Ngayon ay gumagawa kami ng mga trabahong pang-guro sa paaralan. Masaya ako na kahit papaano'y muling nanumbalik ang sigla sa puso ko. Kung nabubuhay pa sana ang anak namin, siguro'y dito na rin siya nag-aaral ngayon.

Noong unang  linggo ng aming muling pagsasama, hindi niya tinanggap ang aking alok na tumira sa palasyo kasama ko. Dahil kasama niya ang aking estudyanteng si Stephen sa kaniyang tahanan. At kung babalik raw ito mula sa kaniyang pagsasanay, saka lang niya pagiisipan kung tatanggapin niya ang aking alok.

Nagulat nga rin ako dahil siya pala ang kumupkop kay Stephen. Naikuwento niya rin sa akin na hindi niya naman talaga ka-ano-ano si Stephen at nakita niya lang sa kaniyang bukid na puro bali ang buto. Sa palagay niya raw ay napagdiskitahan ng mga masasamang loob.

Ngunit ang patuloy ko pa ring ipinagtataka ay kung papaanong nagtataglay ng liwanag na elemento si Stephen? Nagmula ba siya sa ibang bansa na hindi namin alam o lugar kung saan lihim na may angkan ng mga mahikerong may liwanag na kapangyarihan?

"Mukhang malalim ata ang iniisip mo, Grace. Ayos ka lang ba?" tanong sa akin. Nagulat naman ako sa kaniya dahil hindi ko napansin ang kaniyang paglapit.

"Ayos lang ako, Atlas. May mga tanong lang ako sa aking isipan na hindi ko pa rin nasasagot." ani ko sa kaniya. Kumunot naman ang kaniyang kilay na pawang interesado sa aking iniisip.

"Ano naman ang mga katanungang iyon? Baka makatulong ang iyong pinakamamahal." aniya habang paulit-ulit na itinataas ang kaniyang dalawang kilay. Hindi talaga nawawala ang pagiging palabiro nito ni Atlas.

"Sigurado akong hindi mo rin alam ang sagot. Ayoko na ring makadagdag sa iyong iniisip lalo na't magkikita pa kayo ng mga magulang mo mamaya." ani ko sa kaniya. Isang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan habang tumitingin sa kisame ng opisina ng mga guro sa paaralang ito. 

"Si Stephen?" aniya at nagulat ako sa kaniyang sinabi. Paano niya nalaman na si Stephen ang aking iniisip? Ako lang naman ang may kakayahang bumasa ng isip sa aming dalawa!

"Paano mo nalaman?" tanong ko sa kaniya at tumawa siya.

"Kung sa palagay mo'y hindi ko rin iniisip ang batang 'yon, nagkakamali ka. Lalo na't sobrang misteryoso ng batang iyon." saad niya sa akin at umupo sa aking lamesa.

"Paano mo naman nasabing misteryoso ang batang iyon?" tanong ko sa kaniya.

"Una ang kaniyang myriad, alam mo bang kaya niyang gamitin ang mga myriad na itinuturo sa kaniya? Kaya niya na ngang gamitin ang myriad ko at ni Lugio." saad niya sa akin na lubhang nagpamangha sa akin. Anong klaseng myriad iyon? Hindi ko alam na marami siyang itinatagong potensyal! Kung patuloy siyang maglilingkod sa bayan ng 'Se, mas lalakas ang pwersa ng aming mga mahikero. Bakit hindi niya ito sinabi sa akin? Haaays, may dadagdag na naman sa aking mga iniisip.

"Pangalawa, hindi ko mawari kung bakit may selyo ng mahal na reyna sa kaniyang dibdib. Lalo na't sinabi niya sa akin na hindi niya pa raw nakikita ang iyong ina." sagot niyang muli sa akin.

Ang myriad ng aking ina sa kaniyang dibdib? Ibig sabihin ay may selyo sa kaniyang katawan na magiging sanhi upang hindi siya makagamit ng kahit anong mahika. Ngunit paanong--? Paanong malaya siyang nakakagamit ng mahika kahit may selyo ang kaniyang dibdib?

Sino ba talaga ang batang 'yon?




Hi guys, sorry ang tagal ng updates ko, ngayon lang kasi ulit ako nagkatime HAHAHA. Please vote and comment, pwede niyo na rin akong i-follow kung gusto niyo HAHAHAHA. Road to 1k followers, maraming salamat! Salamat din sa mga readers na nag-aadd sa reading lists nila! Malaking tulong po 'yon para madiscover pa po ang aking story. Maraming salamat sa paghihintay!

Djinn: The Four Moons [Completed] (Djinn Series #1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon