Nagmamadaling tumakbo si Monica papunta sa lababo, pakiramdam niya ay babaliktad ang kanyang sikmura dahil sa nakakasukang amoy ng bawang mula sa nilulutong ulam ni Amy. Nang makarating roon ay hindi na niya napigilan ang mapaduwal.
"Okay ka lang? Masakit ba ang tiyan mo? Baka may nakain ka?" sunod sunod na tanong ni Amy, ang kaibigan at kasama niyang nangungupahan sa apartment na iyon.
Umiling siya habang nagmumumog. "Wala pa naman akong kinakain," sagot niya nang mahimasmasan.
"Baka nalamigan ang tiyan mo?"
"Siguro nga," aniya habang nagpapahid ng paper towel sa bibig. "Medyo nangangasim nga rin ang tiyan ko eh," dugtong niya.
"Naku, ang hilig mo kasing magpalipas ng gutom, baka acidic ka na o kaya baka may ulcer ka na. Ganyan nagsisimula 'yan." Sabi ng kaibigan habang ipinagpatuloy ang pagluluto.
"Hindi naman siguro," aniya subalit napuno na rin ng pag-aalala ang dibdib. "Doon muna ako sa kuwarto," paalam niya.
"Tatawagin kita kapag kakain na. Mabilis lang naman maluto itong pinakbet," sagot ni Amy nang hindi man lang tumitingin sa kanya. Abala ito sa paglalagay ng gulay sa kawali.
"Sige." Tumalikod na siya para tumungo sa kuwarto, puno ng pag-aalala ang dibdib subalit hindi iyon ipinahalata.
Pagdating niya sa silid ay kaagad na kinuha niya ang celphone na nasa ibabaw ng bedside table. Binuksan niya ang application para sa kalendaryo. Inisip kung kailan ba siya huling dinatnan ng buwanang dalaw. Nagbilang siya. Napapikit siya nang matapos. Mahigit dalawang buwan na pala siyang hindi dinadatnan. Hindi na niya napansin dahil naging abala siya nitong mga nagdaang buwan dahil naghahabol sila sa sales. Hindi na niya napansin na lumipas na ang dalawang buwan. At kahit isang beses ay hindi pa siya nadedelay sa monthly period niya.
Ilang linggo na rin niyang napapansin na parang laging nangangasim ang sikmura niya at laging mabigat ang pakiramdam, ang akala nga niya ay magkakasakit siya. Iniisip niya na baka dala lamang iyon ng stress at pagod.
** Please share with your friends, family, realatives, neighbor, sa mga nakakasalubong nyo sa daan, nakakasakay sa jeep, nakakasabay kumain sa karinderya 😛 and please ADD ME ON FACEBOOK FOR MORE STORY UPDATES. JUST CLICK THE LINK BELOW **
https://www.facebook.com/janne.phr

ESTÁS LEYENDO
Let Me Love You
RomanceHanda na sanang kalimutan ni Monica ang isang gabing namagitan sa kanila ni Lorenzo subalit hindi niya akalain na magbubunga iyon kaya sinabi niya sa binata ang kalagayan niya, pananagutan naman daw nito ang bata,pero ang bata lang, hindi siya kasam...