CHAPTER ONE

21.4K 283 8
                                    

Noon, sa antuking nayon ng Urag, palagi akong bida. Marami kasi akong alam na kuwento. Mapakuwentong alamat, pabula, kuwento ng mga kaharian, ng mga reyna, hari, at iyong mga prinsipe't prinsesa. Maging iyong kuwentong katatakutan, alam na alam ko. Sabi nga nila'y para daw totoong nakakita na ako ng kapre, tikbalang, duwende at kung anu-ano pa...

Iyong mga kaedad ko'y nag-alangan na sa aking maglalalapit at makipagkaibigan. Nawi-weirdo-han siguro sa akin. Pero iyong mga batang paslit, ang titiyagang makinig sa aking mga kuwento.

Sabi nga ng nanay ko, para daw akong si Lola Basyang. Baka raw paglaki ko, maging guro ako...

Pero sino nga ba ang makapagsasabi kung magiging ano at sino ako pagkalipas ng maraming taon?


"I THINK you're right, Kat," anang kaibigan niyang si Didith. "Mas okay ngang i-invest mo 'yong savings mo sa isang negosyo, kaysa buruhin mo sa bangko 'yang pera mo na kakarampot naman ang interes. Sige na, ituloy mo 'yang pinaplano mong negosyo."

Gaya ng dati, naroon sila sa paborito nilang coffee shop sa Tomas Morato. Malapit lang doon ang apartment na tinutuluyan nilang magkaibigan.

Pinili nila ang pinakadulong mesa sa labas upang wala silang gaanong masinghot na usok ng sigarilyo.

"Ano nga ba'ng mainam na buksang business ngayon? Iyong hindi nangangailangan ng malaking kapital, ha? Pero teka, ano'ng sinasabi mo riyang business ko? Business nating dalawa. Sosyo tayo, sa ayaw at sa gusto mo, 'no!" paalala ni Katrina rito.

Natawa ito. "Wrong timing, tita. Gustuhin ko man pero alam mong wala akong savings na kagaya mo."

Kahit paano ay natuwa naman siya sa narinig. Ibig sabihin ay isinasaalang-alang nito ang mga sinasabi niya. Noon pa kasi siya nagsa-suggest kay Didith tungkol sa maaari nilang pagsosyuhang negosyo. Ngunit hindi naman siya nito sineseryoso.

Pagdating kasi sa kinikita, mas malakas itong kumita kaysa sa kanya. Isa itong physical therapist at karamihan sa mga kliyente nito ay mayayaman. Sa kasalukuyan ay kasosyo nito ang pinsan nitong isa ring therapist. May inuupahang clinic ang mga ito sa Quezon City. Bukod pa roon ay tumatanggap din ang mga ito ng home service.

Kung tutuusin, hindi maaaring mamroblema sa pera si Didith dahil maykaya sa buhay ang mga magulang nito sa probinsiya. At kung gugustuhin lang nito ay hindi na nito kailangang magtrabaho sa Maynila dahil mayroong sariling negosyo ang pamilya nito. Matagal na itong hinihimok ng mga magulang nito na umuwi na sa probinsiya.

Subalit sa kabila ng lahat, mas pinili nitong magsarili. Si Didith kasi ang tipong maagang natutong maging independent. Matagal na itong hindi umaasa sa suporta ng mga magulang.

Ang kaso lang, kung gaano ito kadaling kumita ay ganoon din ito kabilis gumasta. Lalo pa nga at hindi naman lahat ng kaibigan at kabarkada nito ay kagaya niyang marunong magpahalaga sa pera.

Biro nga niya sa kaibigan: "Talagang galit ka sa pera dahil ayaw mong pagtagalin sa wallet mo o sa ATM card mo."

Sa puntong iyon sila madalas magdiskusyong magkaibigan. Ang katwiran kasi nito, walang masama kung i-enjoy ang perang pinaghirapang kitain. Kunsabagay, naisip din naman niya ang bagay na iyon.

Paano raw kung mamatay siya bukas o sa makawala? Di hindi na raw niya lubos na mae-enjoy ang kanyang buhay.

"Live to the fullest," ang naalala niyang motto nito sa buhay.

Pero ang katwiran naman niya sa issue na iyon: Maski mamatay siyang hindi gaanong nag-e-enjoy ay okay na rin sa kanya. Hindi siguro siya manghihinayang dahil ginusto niyang maging ganoon.

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon