CHAPTER TWO

8.3K 194 7
                                    

"WALA pa rin bang tawag o sulat sa 'yo si Roldan?"

Wala sa loob na umiling si Katrina. Mabagal lang silang naglalakad ni Didith sa kahabaan ng kalsada pagkatapos nilang lumabas ng coffee shop. Siya ang may gustong maglakad na lang sila. Paano'y sa sulok ng  kanyang mga mata  ay nakita niyang lumabas na rin iyong lalaki kanina.

Hindi niya maintindihan kung bakit tingin ito nang tingin sa kanya. Gusto tuloy niyang isipin na baka naman kilala siya nito, na baka kaklase niya ito noong high school at namukhaan siya.

Pero matay man niyang isipin, hindi pamilyar sa kanya ang mukha ng lalaki. Kaya pilit na niyang itinaboy sa isip ang tungkol dito.

"Huwag ka na kasing umasang babalik pa si Roldan. Palagay ko'y may pinagkakaabalahan na 'yon doon kaya walang panahong tumawag o sumulat man lang sa 'yo." May concern sa tono ng pananalita ni Didith.

Noon niya naalala ang tungkol kay Roldan, ang kanyang nobyo. Apat na buwan nang wala silang komunikasyon nito. Ni sulat o tawag ay wala siyang natatanggap mula rito. Kahit hindi siya magsalita, alam niyang alam ni Didith na pinoproblema niya ang tungkol doon.

Na-approve ang working visa ni Roldan sa tulong ng mga kapatid nitong naroroon na sa Houston, Texas. Mag-iisang taon na ito bilang teacher sa isang public high school sa naturang lugar. Dati itong guro sa isang public school sa Pilipinas.

Sa mga unang buwan nito roon ay madalang na itong tumawag sa kanya hanggang sa tuluyan na siyang walang narinig mula rito. Kaya noong isang linggo ay nagdesisyon na siyang tawagan iyong bahay na tinutuluyan ni Roldan sa Texas. Nabigla siya sa nalaman. Lumipat na raw ng tirahan si Roldan. Ngunit hindi naman alam ng kausap niya kung saan ito lumipat.

Sa totoo lang, madalas na rin namang sumagi sa isip niya ang sinabi ni Didith. Paano nga kung nakalimutan na siya ni Roldan? Halos isang taon na ito roon at maaaring nakatagpo na ito ng bagong pag-ibig.

Ngunit gusto pa rin niyang bigyan ng rason kung bakit hindi ito nakakatawag o nakakasulat man lang sa kanya. Marami rin naman kasing puwedeng maging dahilan. Baka hanggang ngayon ay nag-a-adjust pa rin ito. Alam naman niya kung gaano kahirap ang mamuhay sa ibang bansa. Isa pa, hindi birong trabaho ang pagiging guro, lalo na kung ang mga estudyante nito ay hindi nito kalahi.

Naalala niya ang pangako sa kanya ni Roldan.

"Talagang mag-iipon ako, Katrina. Una kong bibilhin ay kotse, ang susunod ay bahay at lupa. Pero iyon ay kung magugustuhan ko ang buhay roon. Kapag okay na 'ko ro'n, kukunin kita..."

Ang totoo ay wala siyang pangarap na mangibang-bansa. Pero hindi niya iyon sinabi kay Roldan. Ayaw niyang masira ang napakagandang mood nito habang walang katapusang nagkukuwento ng magagandang bagay na maaaring mangyari dito at makamit kapag naroroon na ito. Noon lang daw nito na-realize ang mga nasayang na panahong hindi agad ito nagpakumbinsi sa mga kapatid na sumunod sa Amerika. Hindi naman nito ikinaila sa kanya ang pagkainggit sa magandang kapalaran ng dalawa nitong kapatid.

Hindi niya maiwasang ma-disappoint sa mga narinig sa nobyo. Ang buong akala kasi niya ay hindi nito magagawang iwan ang mga kabataan at paaralang naging parte na ng buhay nito.

Mahusay na guro si Roldan, alam niya iyon. Kaya nga malaking kawalan ang kagaya nito.

Gayunpaman, inunawa na lang niya ito. Natural na isipin ni Roldan ang kinabukasan  at ng magiging sariling pamilya, bagaman hindi pa naman nila napag-uusapan ang tungkol sa paglagay sa tahimik.

Nagpasya siyang muling unawain ang nobyo at baka nga may mabigat na dahilan ito kung bakit hindi nakakatawag o nakakasulat sa kanya.

"Enjoy your life, Kat. Huwag mong masyadong pinag-iiisip ang boyfriend mo."

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Where stories live. Discover now