CHAPTER NINE

7.2K 177 7
                                    


TILA napansin naman ni Roldan ang pagkatigagal ni Katrina. Pumihit na ito.

"Ano'ng ginagawa mo rito, Roldan?" sita ni Aidan, obvious ang pagtatagis ng mga bagang.

Ang hitsura ni Roldan ay para itong nahuli sa aktong gumagawa ng kasalanan. Namutla.

Sa wakas ay natagpuan na rin ni Katrina ang kanyang lakas. "Wala kaming ginagawang masama," mariing depensa niya sa tagpong inabutan ni Aidan dahil iba ang kanyang nababasa  sa reaksiyon nito,  halata sa mukhang hindi  naniniwala sa sinabi niya.

"Tama si Katrina, Aidan. Nag-usap lang kami."

"Umuwi ka na," sabi nito, na para bang batang paslit ang kausap. "Kanina ka pa hinahanap ni Rachel."

Susukut-sukot namang umalis si Roldan.

Naiwan silang dalawa ni Aidan. Hindi siya nakatagal sa tila nagbabagang tingin nito sa kanya.

"Interesado ka pa rin ba sa ex mo?" anito, hayag ang sarkasmo sa tono.

"Hindi ako gano'n, Mr. Lara. Hindi ko nakakalimutang ikakasal na siya sa kapatid mo."

Hindi nagbago ang hitsura nito, galit pa rin. "Ano'ng pinag-usapan n'yo ng lalaking iyon?"

"Ano ba'ng pakialam mo?"

"May pakialam ako, Katrina," anito sa halos hindi naglalapat na mga ngipin. "Ako na ang nagsasabi sa 'yong iwasan mo ang lalaking 'yon."

"At sino ka para utusan ako?" mataray na ganti ni Katrina. Nais niyang ipakita ritong hindi siya kayang sindakin nito o ninuman. Wala siyang ginagawang masama kaya walang dapat ikatakot. Nilabanan niya ang mataman na pagkakatitig ni Aidan sa kanya.

Ang lalaki ang hindi nakatagal. Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito.

"Hindi ko gustong maging magkaaway tayo, Kat. I won't deny the fact na interesado ako sa 'yo. Gusto kita."

Pakiramdam ni Katrina ay parang nadoble ang init ng kanyang katawan  sa sinabi nito. Naalala niya ang namagitan sa kanila kagabi na naging dahilan ng pagiging balisa niya nang buong magdamag.

"Kaya ako nandirito ngayon ay para umakyat ng ligaw. Hindi ko inaasahang madadatnan ko rito ang brother-in-law ko. You can't blame me kung nag-init agad ang ulo ko. Nakaramdam ako ng matinding selos nang makita ko kayo."

"Sa palagay mo kaya'y maniniwala ako sa sinasabi mo?" nang-uuyam na sabi niya.

Pilyo ang ngiting sumilay sa mga labi ni Aidan.

Nanatiling seryoso ang mukha ni Katrina. Naalala niyang inamin sa kanya ni Roldan na selosa ang fiancée nito. Kaya hindi niya maiwasang mag-isip na maaaring may kinalaman si Rachel sa pakikipaglapit sa kanya ni Aidan.

"Akala mo hindi ko naisip na kaya ka nandirito ay para sa kapakanan ng kapatid mo. Sorry to disappoint you, Mr. Lara, hindi ako ganoon kadaling bolahin at utuin. Tigilan mo na ang kakapunta rito at ayoko nang makita ang pagmumukha mo."

Tila hindi naman ito natinag sa kanyang sinabi. "Liligawan pa rin kita sa ayaw at sa gusto mo."

"Nagsasayang ka lang ng oras," nanggigigil na sabi niya pero may bahagi ng kanyang pagkatao  ang tila nasisiyahan.

"I don't mind."

Pinandilatan niya ito. "Umalis ka na. Nakakaabala ka na."

Matamis na ngumiti  si Aidan. "Maganda ka pa rin kahit galit ka at mukhang puyat. Pareho tayong puyat. Palagay ko iisa lang ang iniisip natin. Alam mo ba kung saan ako nagpalipas ng magdamag? Sa opisina ng book shop. Gusto kong nasa malapit lang ako para madali akong makakapunta sa 'yo."

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu