CHAPTER FOUR

7K 166 4
                                    


NANG magbalik si Katrina sa reception area ng wedding shop, nadatnan niya si Roldan, kasama ang isang magandang babae.

Napatda siya. Hindi  inaasahang makikita roon ang dating nobyo. Ang sabi sa kanya ni Azenith, si Lian na lang ang hindi pa nasusukatan sa entourage ng kasal ng ex-boyfriend.

Halata rin ang pagkabigla sa anyo ni Roldan ngunit agad din itong nakabawi."Hi, Katrina!" parang walang anumang sambit ni Roldan.

Napatingin siya sa katabi nito sa couch. Tiningnan siya ng babae mula ulo hanggang paa. At hindi siya maaaring magkamali, nang-uuri ang tinging ipinukol nito sa kanya.

Umakyat yata ang init na naramdaman niya sa kanyang bumbunan. Para bang kung makakarinig siya ng salitang hindi niya magugustuhan mula sa bibig ni Roldan ay baka awayin na niya ito. Gayunpaman, pilit niyang kinalma ang sarili. Hindi maatim ng matinong isip niya ang gumawa ng eskandalo.

Wala na siyang magagawa kundi harapin ang mga ito. Hindi niya naging ugali ang mag-walk out kapag nagagalit o nabubuwisit. Basta tumatahimik na lang siya.

"Ikaw pala si Katrina..." wika ng babae sa pilit na pinakaswal na tinig, pero halata namang apektado ito nang hindi inaasahang pagtatagpo nila. Base sa reaksiyon ng babae, mukhang alam nito ang tungkol sa kanila ni Roldan pagkabanggit pa lang sa kanyang pangalan.

Hindi siya nag-react sa sinabi nito. Hanggang sa marinig na lang niyang ipinakikilala sa kanya ni Roldan ang fiancée nito.

Pilit niyang kinakapa kung ano ang nararamdaman  nang mga sandaling iyon. Nagseselos ba siya? Nagngingitngit? Nasasaktan?

She felt numb.

Nahalata niya sa kilos ni Roldan na tense ito. Siguro, iniisip ng lalaki na dahil tahimik lang siya ay baka maisipan niyang mag-eskandalo.

Timing naman na dumating sina Azenith na kabuntot si Augie. Galing ang mga ito sa loob ng opisina.

Nagtama agad ang mga mata nila ni Azenith. Halata ang pagkadisgusto at pagkabahala sa anyo ng kanyang kaibigan sa hindi inaasahang pagsulpot doon nina Roldan.

"Oh, hi! Napadaan yata kayo?" bati ni Augie sa dalawang bagong dating.

"Hi, Augie! Oh, hi, Ace, Lian!" bati ni Roldan.

Agad namang lumapit si Lian sa ninong nito at nagpakarga.

"Hi, baby bubot!"

"I wanna see my wedding gown, Augie," sabad ni Rachel, halatang binigyang-diin nito ang salitang "wedding gown." "I'm sure puwede ko na 'yong i-fit ngayon, right?"

"Hindi siya satisfied na makita niya lang ang gown," tila napipilitang paliwanag ni Roldan sa gustong mangyari ng fiancée nito.

"Okay," sang-ayon naman ni Augie. "Pero hindi pa nailalagay iyong mga rhinestones."

"It's okay," smug na sabi ni Rachel.

"Tapos na bang sukatan ang inaanak ko?" tanong ni Roldan.

"Oo," sagot ni Azenith. "Kaya mauna na kami sa inyong umalis."

"By the way, Augie, 'yong brother ko, dumaan na ba rito?" sabad uli ni Rachel.

"Actually, he's inside pa. Mas makulit pa pala kaysa sa 'yo ang brother mong 'yon," mataginting na sagot ni Augie.

"Sinabi mo pa. Kung hindi pa ni-nag ni Mommy, hindi siya talaga magpa-participate sa entourage ng kasal ko. Hindi kasi komportableng magsuot ng formal attire ang brother kong 'yon."

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Where stories live. Discover now