CHAPTER FIVE

7.7K 158 4
                                    


"REMEMBER eveything I told you about soul mates and destiny? Naramdaman kong lahat iyon noong makita at makasama ko si Josh."

"You're kidding me, right?" hindi makapaniwalang bulalas ni Katrina sa sinabing iyon ni Didith.

Pinanonood niya ang pag-eempake ni Didith sa loob ng silid.

"I'm serious, Kat," giit nito at lumapit sa kanya.

"Pero hinay-hinay lang, sis. Masyado kang nagtitiwala sa lalaking iyon. Malay mo, ginagamit ka lang niya para makalimutan 'yong nangyari sa kanya. Sabi mo nga, kaya siya naaksidente ay dahil iniwan siya ng kanyang girlfriend. Mahirap 'yong sitwasyon n'yo. Nai-in love ka na sa kanya pero hindi ka pa sigurado kung totoong mahal ka niya."

"Hay, Katrina, siyempre naman mararamdaman mo naman kung mahal ka ng isang tao o hindi."

Naitirik niya ang kanyang mga mata. "Bahala ka. Basta ako hindi ako nagkulang ng paalala sa 'yo."

"Palibhasa kasi, naging man-hater ka na kaya akala mo, lahat ng lalaki ay luku-lukong kagaya ni Roldan."

"Bakit napunta sa akin ang topic? Ikaw itong pinapaalalahanan ko."

Napahagikgik si Didith.  "Opo, natatandaan ko naman po ang lahat ng inyong bilin. Magpapakabait po ako roon."

"Ilang araw ka ba ro'n?"

"One week, pero depende sa mood ng pasyente ko."

"Siguro naman may kasama kayong ibang tao sa rest house."

Dinutdot ni Didith  ang kanyang ilong. "Siyempre naman. May driver at maid doon, 'no!"

"Dapat nga'y hindi ka magtagal dahil kauumpisa pa lang ng business natin."

"Relax, Katrina. Kakayanin n'yo naman kahit kayo lang ni Thelma," tukoy nito sa assistant nila. Wala pang isang buwang nag-o-operate ang clinic nila. Hindi sila gaanong gumastos sa mga kagamitan dahil iyong mga gamit ng pinsan nito sa dating clinic ay ipinaubaya sa kanila.

Sa totoo lang, hindi pa siya gaanong marunong magbigay ng therapeutic massage dahil hindi pa niya nakokompleto iyong training dala na rin ng kawalan niya ng oras. Sunud-sunod kasi ang schedule nila sa storytelling.

At kung kailan maluwag siya ngayon, si Didith naman ang mawawala nang ilang araw.

"Bakit nga pala wala pa si Thelma?" tanong niya rito.

"Baka na-traffic lang 'yon," sagot ni Didith. "Are you sure hindi mo type sumama sa akin sa Subic? Puwede naman kasing si Thelma na lang ang iwan natin dito. Tutal, matumal pa naman ngayon kaya kayang-kaya na ni Thelma," anito matapos mailagay ang ilang huling bagay sa bag.

"May mga deadlines ako sa publication. I can't afford to relax and have fun."

"'Yan ang hirap sa 'yo. Masyado kang workaholic. Kailangan mong mag-recharge, 'no!"

"Saka na," sabi na lang niya. "Saka na kapag mayaman na ako."

Inirapan lang siya ni Didith.

Sa totoo lang, nalulungkot siya dahil matagal din ang isang linggo. Nasanay kasi siya na ito ang naiiwan sa apartment dahil siya ang palaging nag-a-out of town. At ngayon ay mararanasan niya na mag-isa sa loob ng ilang araw sa apartment.

"Hindi na ako mabibigla kapag nabalitaan ko na lang na isinugod ka sa ospital. Masyado mong kinakawawa ang sarili mo, Katrina. Baka isipin pa ng Roldan na 'yon na pinapatay mo ang katawan mo dahil sa kanya."

Natawa na lang siya. "Totoo ba 'yang pagyayaya mo sa akin o labas lang sa ilong?" aniyang biglang naisipang subukan ito. "O sige, gusto mo talaga akong isama?"

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Where stories live. Discover now