"AH, SHIT. Masakit na 'yang ginagawa mo, ha. Bakit ba ako ang trip na trip mo?" naaasar na tanong ni Tazmania kay Jerry na kanina pa siya sinasabunutan habang abala siya sa pagpupukpok ng martilyo sa pako. "Bakit ba hindi mo gayahin si Tom na tahimik lang?"
Sa kasalukuyan ay gumagawa si Tazmania ng harang sa hagdan gamit ang plywood na nakuha ni Odie sa storage room sa ibaba. Kinailangan nila iyon dahil masyadong maliksi si Jerry na gustong-gustong bumaba.
Nag-aalala si Odie na baka malingat sila at mahulog sa hagdan sina Tom at Jerry. Kaya nagprisinta na si Tazmania na gumawa ng harang.
Bumungisngis si Jerry. "Toto! Toto!"
Kanina pa tinatawag si Tazmania ng "Toto" ni Jerry, kahit ilang beses na niyang sinabi sa bata na "Tito Taz" ang itawag sa kanya. Mukhang hindi pa rin mabuo ng bata ang pangalan niya.
"Hindi kita bibigyan ng chocoyeyt kapag sinabunutan mo pa 'ko," banta ni Tazmania sa bata.
Tumawa lang si Jerry.
Abala si Tazmania kakasaway kay Jerry nang may mahagip siya sa gilid ng mga mata—si Tom, mabilis na tumakbo at kumapit sa harang. Napamura siya dahil muntik nang bumaligtad ang bata at mahulog sa hagdan kung hindi ito nakarga ni Odie.
"God, that was close," tila takot na takot na sabi ni Odie. "Nagtitimpla lang ako ng gatas, pagkatapos biglang tumakbo 'tong si Tom."
Napapalatak si Tazmania. Kahit siya ay natakot sa nangyari. Kinarga na niya si Jerry para masigurong hindi nito gagawin ang ginawa ni Tom kanina. "Ang bilis kumilos nitong kambal. Malingat lang tayo, kung saan-saan na nagsususuot."
Nilibot ni Tazmania ang tingin sa paligid. Nasa ikalawang palapag sila, na talagang hindi ligtas para sa mga bata. Isa pa, malalaki ang butas sa pagitan ng mga balustre ng hagdan at kasyang-kasya sina Tom at Jerry doon, kaya hindi puwedeng hindi nila tututukan ni Odie ang mga bata. Pero kahit ano ang gawin nila, nakakalusot pa rin talaga ang kambal kung minsan.
Hindi naman puwedeng ibaba ang kambal dahil may mga customer ang Tee House. Isa pa, sigurado si Tazmania na guguluhin nina Tom at—lalo na si—Jerry ang mga damit. Lalo lang madadagdagan ang trabaho kapag nagkataon.
"Hindi safe itong lugar mo sa kambal," iiling-iling na sabi ni Tazmania.
"Hindi rin sila puwede sa kuwarto ko," sabi naman ni Odie. "Maraming gamit do'n gaya ng mga gunting at karayom na puwedeng makasakit sa kanila. Lalo na kapag napakialaman nila ang sewing machine ko."
"Masyadong maliit ang kuwartong ginagamit ko para sa inyong tatlo. Saka walang aircon do'n, maiinitan kayo. Mukha pa namang hindi sanay sa init ang kambal."
"May mild asthma si Tom. Hindi siya puwedeng naiinitan."
Matamang pinagmasdan ni Tazmania si Odie. Naawa siya sa nakitang pagod sa mga mata ng dalaga. Mukhang hindi lang emosyonal na kapaguran ang pinagdadaanan nito. Malamang sa sementeryo pa lang ay naubos na ang lakas nito.
"Kailangan nating lumipat," desisyon ni Tazmania. Gusto na niyang makapagpahinga si Odie at huwag nang mag-alala pa sa kahit anong bagay.
"Saan naman?"
"Sa condo unit ko. Mas safe do'n. Mas spacious din kaya makakapaglaro sila nang hindi tayo nag-aalala na baka mahulog sila sa hagdan."
Pumagitna ang katahimikan.
Nakaramdam ng kaba si Tazmania. Wala naman siyang masamang balak sa pagyayaya kay Odie na lumipat sila sa condo unit niya. Naisip lang niya na kung may ligtas na lugar siyang pagdadalhan sa dalaga at sa kambal, doon na sa bahay niya. Gusto lang niyang protektahan at alagaan ang mga ito.
YOU ARE READING
Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDumb Ways To Love By Luna King "And that smile was enough to make him forget why he hated the world, even for a while." For Tazmania, loving Odie was like playing Dumb Ways To Die. One wrong move, and the character will die. Movie producer si Tazman...