HINDI inaasahan ni Tazmania na mabubuo ang pamilya niya dahil sa nangyari sa kanya. Nang magising siya sa ospital, ang mommy at daddy niya ang nagbabantay sa kanya. Kung naroon pa rin siguro ang pait sa dibdib niya, baka sinabihan na niya ang mga magulang na pupuntahan lang pala siya kapag mamamatay na siya.
Pero nang mga sandaling iyon, wala siyang ibang naramdaman kundi saya at pagkasabik na makita uli ang mga magulang. Kahit pala matanda na siya, sa huli ay parang batang mangungulila pa rin siya sa mga ito.
Ngumiti si Tazmania kahit nanghihina pa ang pakiramdam niya. "Mom, Dad... thank you."
Napaiyak ang mommy niya, samantalang ang daddy naman niya ay pinisil ang pagitan ng mga mata. Pagkatapos ay niyakap siya ng mga ito at sabay na humingi ng tawag sa kanya dahil daw sa pagiging "pabayang" magulang ng mga ito.
Tinawanan na lang iyon ni Tazmania, at sinabing puwede pa namang bumawi ang mga magulang niya ngayon. Nangako naman ang mommy at daddy niya na mas aalagaan siya ngayon, kahit pa treinta y uno anyos na siya.
"Sigurado ka bang mabuti na ang pakiramdam mo?" tanong ng mommy niya.
"Yes, Mom. Nakakaisandaang beses na tanong ka na yata niyan mula nang nagising ako," biro ni Tazmania.
"Of course! You almost died!"
Muli, tinawanan lang iyon ni Tazmania. Natanggal na ang bala sa katawan niya, pero wala namang tinamaang vital organ sa kanya kaya mabilis siyang naka-recover. Hindi naman niya masisisi ang ina niya sa pagiging OA dahil hindi rin naman talaga biro ang mabaril.
Nakausap na rin niya ang mga pulis, at naibigay na niya ang kanyang salaysay. Siyempre, ipinagtanggol niya si Odie na itinuturo daw ng ibang mga pasahero na nag-provoke sa hostage taker para mag-amok. Sinabi niyang kinuha lang ni Odie ang atensiyon ng hostage taker para pakawalan nito ang bihag na dalagita.
Nahuli naman na ang hostage taker. Ayon sa mga kuwento ng mga bumibisita sa kanya, natulala raw ang armadong lalaki nang makita siyang duguan. Hindi naman daw kriminal ang lalaki; dumadaan lang daw sa depresyon kaya nawala sa tamang pag-iisip. Nang mabitawan ang baril, pinagtulong-tulungan ng mga pasaherong bugbugin ang hostage taker hanggang sa dumating na ang mga pulis.
"Sino ba kasi 'yong babaeng iniligtas mo?" nakasimangot na tanong ng kanyang ina, kahit alam niyang alam na nito ang sagot sa tanong.
Napangiti si Tazmania. "'Yong mahal ko, 'My."
Matagal bago muling nagsalita ang ina. "Gusto kong magalit sa babaeng 'yon dahil nasaktan ka dahil sa kanya. Pero sino ako para gawin 'yon? Nasaktan din naman kita. Tiyak na mas masakit pa 'yon kaysa sa gunshot wound mo..."
"Mommy..."
Umiling-iling ang kanyang ina na parang pinipigilan siya sa pagsaway dito. "Nagawa mo kaming patawarin ng daddy mo dahil sa babaeng ito, 'di ba?"
Marahang tumango si Tazmania. "She has made me a better person, 'My."
Ngumiti ang kanyang ina. "I can see that. Mukhang mabuting impluwensiya sa 'yo ang babaeng ito. Walang dahilan para magalit ako sa kanya. Lalong walang dahilan para hindi ko siya gustuhin para sa 'yo."
Ngumiti lang si Tazmania. Kahit gustuhin ng mommy niya si Odie para sa kanya, wala ring saysay iyon kung hindi siya gugustuhin ng dalaga para sa sarili nito.
Nakarinig sila ng katok, pagkatapos ay pumasok ang daddy niya.
"Anak, may naglakas-loob nang bumisita sa 'yo pagkatapos ng isang linggo niyang pagbabantay sa 'yo sa labas ng kuwarto mo," nakangiting sabi ng daddy niya.
BINABASA MO ANG
Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDumb Ways To Love By Luna King "And that smile was enough to make him forget why he hated the world, even for a while." For Tazmania, loving Odie was like playing Dumb Ways To Die. One wrong move, and the character will die. Movie producer si Tazman...