SEASON 2: HER "SECOND CHANCE" GUY
NARAMDAMAN ni Odie ang marahang pagyugyog sa kanyang mga balikat. Nang imulat niya ang mga mata niya, sumalubong sa kanya ang nakakunot-noong si Garfield. Nginitian niya ang kakambal. "Hello, twin brother. Na-miss kita."
"Oh, God, Odie! Bakit natulog ka dito sa labas ng bahay?" hindi makapaniwalang tanong ni Garfield, saka siya tinulungang tumayo.
Pinagpag naman ni Odie ang mga dumikit na damo sa kanyang katawan. Bigla siyang nakaramdam ng pangangati. "Hindi ko alam na umalis pala kayo. I've lost my keys. Nakaakyat ako sa gate, pero hindi ko naman mabuksan 'tong bahay. Kaya dito na lang ako natulog sa labas."
"Sana tinawagan mo 'ko!"
Tinawanan lang iyon ni Odie. "Alam ko namang fifth anniversary n'yo ni Snoopy kagabi, kaya ayokong makaistorbo." Lumagpas ang tingin niya sa kapatid, at nginitian ang hipag na kabababa lang ng sasakyan. "Hi, Snoopy."
Halatang nagulat si Snoopy nang makita siya, pero lumapit din agad ito sa kanya at niyakap siya. "Odie! I've missed you!"
Natawa uli si Odie. "'Buti pa ang sister-in-law ko, na-miss ako. Hetong kakambal ko, sinermunan lang ako. Hindi yata masaya na makita ako."
"Hindi totoo 'yan," kontra naman ni Garfield, saka siya niyakap nang mahigpit. "I've missed you, baby sister."
Pabirong kinurot ni Odie sa tagiliran si Garfield. "Baby sister ka diyan. Sabay lang tayong ipinanganak, 'no."
"Nauna ako nang one minute, sabi ni Mommy."
Ngumiti lang si Odie habang iiling-iling. Hindi na nagbago 'tong si Garfield. Hanggang ngayon, hindi papatalo sa argumento nila. "Nasaan nga pala ang mga bata?"
"Na kina Mommy. Iniwan muna namin do'n kagabi," sagot ni Snoopy. "Actually, susunduin nga namin sila ngayon. Magpapahinga lang muna sana kami ni Garfield."
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Odie sa mag-asawa, saka siya napangisi. "Wow. Nag-second honeymoon siguro kayo kaya iniwan n'yo ang mga bata kay Mommy. Saan kayo nagpunta?"
Namula ang mukha ni Snoopy, pero ngumiti ito nang pilya at kumindat pa. "Sa Palawan. It was amazing. If you know what I mean."
Sa pagkakataong iyon ay si Garfield naman ang namula at halatang nahiya bigla, dahilan para matawa sina Odie at Snoopy.
Tumikhim si Garfield. "Pumasok na nga muna tayo sa loob bago magkuwentuhan."
Dala ni Garfield ang mga maleta, samantalang magkaangkala naman ang mga braso nina Odie at Snoopy habang nagkukuwentuhan sila. Natuloy ang kuwentuhan nila habang nagkakape sa kusina.
"Ang tagal mong nawala ha," komento ni Snoopy. "Mukhang nag-enjoy ka nang husto sa Paris at nag-stay ka do'n nang two years."
Ngumiti si Odie. "Paris was amazing. Pero iba pa rin ang 'Pinas. Nakaka-homesick din pala. Ang traffic lang talaga ang hindi ko na-miss dito sa 'tin."
Dalawang taong nanatili si Odie sa Paris, France. Kumuha siya ng short course doon sa pagpipinta para i-refresh ang kanyang sarili. Kahit kasi graduate siya ng Fine Arts, nag-focus naman siya sa pagde-design ng T-shirts para sa negosyong itinayo niya. Kaya noong nasa Paris siya, in-enjoy naman niya ang pagpipinta.
Pero kahit nasa ibang bansa ay patuloy pa rin ang pagpapatakbo niya sa Tee House. Si Daisy ang ginawa niyang operating manager, at nagre-report ito sa kanya linggo-linggo. Samantalang si Sylvester naman ang bagong designer ng T-shirts nila. Pero ipinapakita pa rin ng binata sa kanya ang mga design nito para sa approval. Nag-uusap-usap silang tatlo sa Skype parati.
Siyempre, madalas din niyang kausap ang mommy niya, sina Garfield at Snoopy, at ang best friend niyang si Monique. Bumabawi siya sa kaibigan niya, lalo na't ninang siya ng anak nitong si Moria—isa sa mga dahilan kung bakit nagpasya siyang umuwi na ng Pilipinas.
"I'm sure matutuwa si Monique na nakauwi ka na. 'Buti umabot ka bago ang birthday ni Baby Moria," excited na sabi ni Snoopy.
"Oo nga, eh. Magtatampo na kasi talaga sa 'kin ang best friend ko kapag na-miss ko pa ang second birthday ni Moria. Hindi na kasi ako naka-attend ng binyag at first birthday ng inaanak ko," kuwento naman ni Odie, saka nilingon si Garfield na kanina pa tahimik. "At siyempre, gusto ko ring bumawi sa mga pamangkin ko."
"Dapat lang. Wala ka nang ipanganak ng asawa ko ang bunso namin," naghihinanakit na sabi ni Garfield.
Nakonsiyensiya naman si Odie. Umalis siya ng bansa noong nagbubuntis pa lang si Snoopy, kaya wala siya nang ipanganak ang pamangkin niya. Hindi rin siya nakauwi noong first birthday ng baby girl ng kakambal niya dahil may art exhibit siyang dinaluhan noon.
"Garfy, it's okay," saway ni Snoopy sa asawa. "Ang mahalaga, nakabalik na si Odie. Babawi 'yan nang bongga."
Itinaas ni Odie ang mga kamay. "Promise, babawi ako. Miss na miss ko na kaya sina Tom at Jerry. And of course, I'm excited to finally meet your little princess."
t-indOLU+
BINABASA MO ANG
Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)
RomanceDumb Ways To Love By Luna King "And that smile was enough to make him forget why he hated the world, even for a while." For Tazmania, loving Odie was like playing Dumb Ways To Die. One wrong move, and the character will die. Movie producer si Tazman...