Chapter 9

17.9K 326 1
                                    


NASA garden si Gabrielle. Mag-isa siyang nagkakape. Nakasanayan na niyang gawin iyon tuwing hindi siya dinadalaw ng antok. Sanay na ang kanyang mga kasama sa bahay kaya hindi na hinihintay ang pagpasok niya. Tulog na ang mga ito habang siya ay abala sa pagmamasid sa kadiliman.

Natatandaan niya na noong nabubuhay pa si Lola Santina ay sinasamahan siya nito. Walang katapusan ang kanilang kuwentuhan hanggang antukin. Naging napakahirap sa kanya ang mga sumunod na gabi pagkatapos silang iwan ng abuela. Palagi niyang natatagpuan ang sarili na umiiyak mag-isa. Ang kape na kadalasan ay lumalamig nang hindi nagagalaw ang saksi sa kalungkutang nararamdaman niya.

Hindi na rin niya gustong istorbuhin pa si Quiah ng ganoong oras. Idagdag pang iniisip ng kapatid na sa kanilang dalawa ay siya ang mas malakas at matatag. Hindi niya nais dagdagan pa ang kalungkutan nila.

Alam ni Gabrielle na lumipas man ang mga buwan ay hindi na mawawala ang tila puwang sa kanyang puso—ang animo butas sa dibdib na pinagmumulan lagi ng nararamdamang lungkot sa bawat pagkakataong uupo siya sa harap ng mesang iyon.

Napatunayan ni Gabrielle na napakahirap sumulong mula sa sitwasyong nakasanayan na ng isang tao. Nami-miss niya ang lahat ng activities nila ni Avi kasama si Lola Santina... at nami-miss niya ang kinagisnang abuela.

Tama ang sinasabi ng marami na ang pinakamahirap na parte sa isang malungkot at masakit na sitwasyon ay ang mag-move on. Sa kasalukuyan ay nararanasan niya ang hirap na iyon. Buhay na buhay ang bigat sa kanyang dibdib, ang lungkot at ang pakiramdam ng isang naiwan.

Nakasanayan ni Gabrielle na palaging nakaalalay sa kanya noon si Lola Santina kaya nahirapan siyang harapin at tanggapin na wala na ito, lalo na noong mga unang linggo na silang dalawa na lamang ni Avi ang magkasama. Mas sumidhi pa ang lungkot nang umalis na rin ng farmhouse si Quiah para bumalik sa Maynila. Salamat sa mga tao sa paligid niya na hindi nagsasawang magparamdam ng pagmamahal, unti-unti siyang nakakaahon sa lungkot. Hindi pa ganap pero nagagawa na niyang sumulong kahit paano.

Maliban kay Nanay Puring, walang sino man sa mga kasambahay ang nangahas na lapitan si Gabrielle tuwing nasa garden siya. Alam ng mga kasambahay na kapag pinili niyang mag-isa roon ay isa lamang ang kahulugan—na hindi niya gusto ng kasama, na gusto niyang mag-isa.

"Gabrielle?"

Napatuwid siya ng upo bago marahang lumingon sa nagsalita—si Liam, tangan ang isang tasa ng kape.

"'Mind if I join you?"

Hindi siya umimik. Hindi niya sigurado kung gustong mapag-isa o kailangan ng isang taong makakausap at makikinig sa kanya. Hindi na lang siya kumibo nang maupo na si Liam sa kaharap na silya.

Hindi rin umimik ang lalaki. Pakiramdam ni Gabrielle ay hindi rin ito umaasang kakausapin niya. Para bang naroon lang si Liam para tahimik na makisalo sa kanyang "coffee interlude." Wala nang tunog na maririnig sa bahaging iyon ng garden kundi ang salitan nila ng paglapag ng tasa ng kape at ang pamilyar na tunog ng hatinggabi sa Vienn Farm.

Hindi na namalayan ni Gabrielle ang paglipas ng mga sandali. Natuon ang kanyang atensiyon kay Liam. Tahimik na pinakikiramdaman ang lalaki sa buong oras na naroon sila. Kahit hindi nag-uusap ay ramdam na ramdam niyang hindi siya nag-iisa. Naririnig niya ang mumunting tunog na nililikha ni Liam, nalalanghap ang bagong-ligong amoy, at nararamdaman ang paghugot nito ng hininga. Gusto niyang isisi sa katahimikan ng gabi ang awareness sa presensiya ng lalaki.

Mayamaya ay naramdaman ni Gabrielle na tumayo na si Liam. Inaasahang iiwan na siya nito pero iba ang sumunod na nangyari—lumapit ang lalaki sa kanyang likod at maingat na ibinalot sa kanya ang kumot na nasa backrest ng silyang inuupuan. Nakalimutang ibinalot nga pala niya ang kumot na iyon sa sarili nang lumabas siya kanina.

"Malamig na," mababa ang tonong sabi ni Liam, marahang dumantay sa balikat ni Gabrielle ang mga kamay ng lalaki at naramdaman niya ang bahagyang paghigpit ng hawak nito. "Pumasok ka na," dugtong nito bago marahang naglakad palayo.

Natagpuan niya ang sariling sinusundan ng tingin si Liam.

Hindi maintindihan ni Gabrielle kung bakit halos hindi siya nakatulog nang gabing iyon. Pabalik-balik sa isip si Liam at ang eksenang iyon.

gtiti^nK

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now