Chapter 26

16.5K 313 2
                                    


NAGISING si Gabrielle na magaan na ang pakiramdam. Nang nagdaang gabi ay mabigat ang kanyang katawan at masakit ang ulo dahil sa sipon. Uminom siya ng gamot bago natulog. Ang masamang pakiramdam yata ang nagpahimbing ng kanyang tulog. Ibinilin na niya kay Ednita si Avi at naroon din naman si Liam kaya hindi na niya pinilit ang sariling asikasuhin pa ang bata.

Medyo mataas na ang araw nang magising si Gabrielle, ang alarm clock agad ang hinanap ng mga mata. Alas-otso y medya na. Mahaba nga ang kanyang naging tulog. Magaan na ang pakiramdam niya. Handa na uli siyang salubungin ang bagong araw.

Napatitig siya sa desk calendar sa tabi ng alarm clock—may pulang bilog ang petsa nang araw na iyon. Ang ikapitong araw na ibinigay niya kay Liam—hindi lang pala kay Liam kundi sa sarili rin. Nais niyang timbangin ang lahat. Kung susundin niya ang damdamin ay hindi na pag-iisipan pa ang gagawing desisyon. Hindi niya gustong pagsisihan ang anumang gagawin kaya binigyan din niya ng oras ang sarili.

Isang linggong hinayaan niya si Liam sa anumang gustong gawin sa loob ng kanyang bahay. Ikinatuwa niya ang pagtupad ng binata sa kanilang napag-usapan. Tulad ng nais niya, kay Avi ibinigay ni Liam ang buong atensiyon. Pinasaya nito ang bata mula sa pinakamaliliit na bagay hanggang sa talagang kailangan ni Avi—ang pagmamahal at oras ng isang ama.

Kung babalikan ni Gabrielle ang lahat, mula sa unang pagtuntong ni Liam sa farm, hanggang sa nagkalapit na silang tatlo, walang nagbago sa pakikitungo nito kay Avi. Nakita rin niya kung gaano nami-miss ni Avi si Liam kapag umaalis ang binata. Hinahanap-hanap na ni Avi ang presensiya ni Liam sa bahay at sa buhay nila. Wala siyang ibang hangad kundi maging masaya si Avi, na maging sapat ang sayang iyon para hindi na makaramdam ng kakulangan ang bata. Alam niyang hindi na babalik sa dati ang lahat kapag nawala si Liam. Nakasanayan na ni Avi na nasa tabi ang inaakalang ama.

Siya naman...

Napaawang ang mga labi ni Gabrielle nang makitang nasa loob ng silid ang lalaking iniisip. Nakaupo sa sahig si Liam, nakasandal sa dingding at tulog.

Napatitig siya sa mukha ni Liam, kinapa ang kanyang damdamin. Ano ba ang gusto niyang gawin sa huling araw na dapat ay pag-uusapan na nila ni Liam ang kanyang desisyon?

Ang yakapin si Liam. Iyon ang gusto niyang gawin. Gusto niyang makita ang reaksiyon ng binata pagkatapos magising sa kanyang yakap. Magtataka kaya ito? Magugulat? Malilito? O baka mapapangiti na lang at yayakapin din siya? Mas gusto niya ang huli.

Hindi namalayan ni Gabrielle na mahabang sandali na ang lumipas na nakatitig lang siya kay Liam habang isa-isang tinitigan ang bawat bahagi ng mukha ng binata. Ang makakapal na kilay na sing-itim ng mga pilikmata na maipagkakamali sa isang babae; ang mga iyon ang nagbibigay ng karakter kay Liam kapag tumitig. Mapusyaw na brown ang kulay ng mga mata ng binata na nagniningning tuwing ngumingiti. Matangos ang ilong at maninipis ang mga labi. Pantay na pantay ang kayumangging kulay ni Liam na kung hindi lang niya nakilala bilang simpleng lalaki ay iisipin niyang modelo ito mula sa Brazil. Hindi magarbo si Liam kung magbihis pero lahat yata ng damit ay bumabagay rito.

Sinaway ni Gabrielle ang sarili. Ngayon pa talaga niya napiling i-assess ang looks ni Liam. Dapat yata ay bumaba na siya. Sabado nang araw na iyon kaya walang problema kung late siya nagising. Awtomatikong naghahanda ng almusal si Ednita kapag hindi siya nagisnan sa kusina kaya wala siyang dapat alalahanin sa pagkain ni Avi.

Mayamaya ay natigilan si Gabrielle, naudlot ang dapat ay pagtayo mula sa kama. Si Avi nga pala ang dapat sinamahan ni Liam sa silid, ano ang ginagawa ng lalaking ito sa kanyang silid?

Bago pa man masagot ang sariling tanong ay nakita ni Gabrielle na kumunot ang noo ng natutulog na si Liam, kasunod ay ang pagkilos. Nahuli pa ng binata na nakatitig siya nang dumilat ito.

"Gabrielle," usal ni Liam sa namamaos na tinig, mabilis na umikot ang tingin sa paligid bago bumalik sa kanyang mukha. "Umaga na pala." Napangiti ang binata.

Natunaw ng ngiting iyon ang lahat ng agam-agam sa puso ni Gabrielle. Hindi niya naisip na kayang takpan ng isang ngiti lang ni Liam ang kakulangan nito. Oo, gusto rin niya ng anak na manggagaling sa kanyang sinapupunan, pero kung hindi rin lang si Liam ang ama ay mas pipiliin niyang si Avi na lang ang kanilang maging anak.

"Ano'ng ginagawa mo rito?"

"Wala," tugon ni Liam bago marahang tumayo. "Pakiramdam ko kasi evicted na ako ngayong araw. Kung gano'n nga, okay na rin kasi nakasama naman kita magdamag," kaswal na sabi nito. "Kumusta na ang pakiramdam mo? Wala ka namang lagnat kagabi kaya hindi ako masyadong nag-alala." Naglakad na ang binata patungo sa pintuan. "Anong oras tayo mag-uusap?" Hawak na nito ang doorknob nang lumingon sa kanya.

"Ako ang pupunta sa silid mo, Liam." Pinili ni Gabrielle na huwag ipahalatang may desisyon na siya. May naiisip siyang gawin na siguradong hindi inaasahan ng binata. Nababasa niya sa anyo nito na taliwas ang inaasahang mangyayari sa araw na iyon. Gusto niyang maramdaman ni Liam na para sa kanya ay hindi kabawasan sa pagkatao nito ang kawalan ng kakayahang magkaanak.

Pipiliin niyang mahalin si Liam nang buong-buo, kasama ang mga kakulangan at kahinaan nito.

Binuksan na ni Liam ang pinto pero hindi naman kumilos para lumabas, huminga lang nang malalim, pagkatapos ay nilingon siya na para bang may sasabihin.

Matagal na tinitigan siya ni Liam bago muling huminga nang malalim at sinabi sa mababang tono: "Mahal kita," kasunod ang marahang pagngiti. "Baka mawalan na ako ng chance na sabihin mamaya." Itinuloy na nito ang paglabas, maingat na inilapat pasara ang pinto.

Napangiti si Gabrielle nang wala na si Liam. Iniisip na niya kung ano ang magiging reaksiyon ni Liam sa naiisip niyang gawin.

ign:j �^��K5

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now