Chapter 27

18.5K 374 3
                                    


NAGLILIGPIT na si Liam ng mga personal na gamit nang marinig ang mahina at pamilyar na katok ni Avi.

"'Pasok ka, baby!" masayang tugon niya. "Bukas 'yan, itulak mo lang, love." Sa pinto na siya nakatingin habang nagpapasok ng mga gamit sa backpack. Nahuhulaan na niya ang magiging desisyon ni Gabrielle kaya hindi na niya nais bigyan ng pag-asa ang sarili at masaktan na naman. Hindi man siya tanggapin ni Gabrielle sa buhay nito, magmamahal pa rin siya. Hindi niya alam kung hanggang kailan, pero patuloy siyang magmamahal sa dalaga hanggang siguro ay mapagod ang kanyang puso.

Nahuhulaan na rin ni Liam na hindi ilalayo ni Gabrielle si Avi sa kanya. Sa natuklasang mga kahanga-hangang katangian ng dalaga, nasisiguro niyang mas uunahin nito si Avi kaysa ang sarili. Isang selfless woman ang Gabrielle na kanyang nakilala. Maging mahirap man para dito ang sitwasyon, pipilitin ng dalaga na pakibagayan siya alang-alang kay Avi. Sobra-sobra na iyon para sa kanya. Hindi na siya hihiling pa ng iba.

"Papa?" Sumungaw sa pinto si Avi yakap ang mga pulang rosas na wala nang mga tinik—ang iba ay tuyo at lanta na. Iyon ang mga rosas na ibinigay niya. "Ipinabibigay po ni 'Ma."

Kaagad na iniwan ni Liam ang ginagawa at sinalubong ang bata.

"Mayro'n pa po." Tumalikod na agad si Avi bago pa man siya nakapagsalita.

Inilapag ni Liam sa kama ang mga rosas. Ibinabalik man ni Gabrielle ang mga bulaklak, natuwa siya na malamang itinago pala ng dalaga ang mga bulaklak.

Kaagad na nabilang ni Liam ang mga rosas—sampu.

Napatingin siya sa pinto nang muling pumasok si Avi, inilapag uli sa kama ang sampung piraso pa ng mga rosas—wala na ang mga picture at message na isinama niya. "Thank you daw po sabi ni 'Ma." Iyon lang at lumabas na uli si Avi.

Magkahalong saya at lungkot ang sabay na naramdaman ni Liam. Ramdam na ramdam niyang tatapusin na ni Gabrielle ang lahat sa pagitan nila. Magiging napakasakit niyon pero pagbibigyan niya ang dalaga. Hindi niya gustong bigyan si Gabrielle ng karagdagang sakit ng loob at stress. Kung ikatatahimik ng dalaga ang tuluyang paglabas niya sa buhay nito, ibibigay niya ang katahimikang iyon.

Mayroon pa naman siyang Avi. Sapat na muna iyon.

Mula sa mga rosas ay lumipat sa pinto ang tingin ni Liam nang marinig ang mahinang katok. Hindi pa man siya sumagot ay bumukas na ang pinto at marahang humakbang papasok si Gabrielle. Sa ilang gamit niya tumutok ang mga mata ng dalaga.

"Ready ka na pala talagang umalis?"

Ngumiti lang si Liam, ngiting walang buhay. "Bibitbitin ko na lang pagkatapos nating mag-usap."

"Hindi ko ipagkakait sa 'yo si Avi, Liam."

"Inaasahan ko nang 'yan ang sasabihin mo. Nakilala kitang selfless, Gabrielle. Alam kong uunahan mo si Avi bago ang lahat."

Marahang ngumiti ang dalaga. "Naiwan 'yong last rose." Iniabot nito sa kanya ang rosas. "Ano pa ang inaasahan mo?" tanong ni Gabrielle, nakatitig na sa kanyang mga mata.

Gustong sabihin ni Liam na huwag siya nitong titigan, na huwag ngitian habang hawak niya ang huling rosas na ibinalik nito dahil nagsisikip na ang kanyang dibdib. How could she smile at him and say goodbye?

Torture, he thought. Siguro nga, naging masakit talaga ang panlolokong ginawa niya kaya ibinabalik ni Gabrielle ang sakit na iyon.

Hindi na sinagot ni Liam ang tanong ni Gabrielle. Umiling na lang siya kasabay ng malungkot na ngiti.

"Anuman ang gusto mong arrangement natin kay Avi, susunod ako, Gabrielle."

"Okay sa akin 'yan."

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now