Chapter 20

15.9K 305 2
                                    


PAKIRAMDAM ni Gabrielle ay isang araw ang lumilipas sa bawat isang segundong paggalaw ng orasan habang naghihintay silang matapos ang blood transfusion ni Avi. Nangyari nga ang kinatatakutan niya, kinailangan ng batang salinan ng dugo.

Walang nag-uusap sa loob ng mga oras na naghihintay silang matapos ang proseso. Si Quiah ay nakasandal sa katawan ni Favio. Sila ni Liam ay magkatabi, hindi nagsasalita ang lalaki, mahigpit lang ang hawak sa kamay niya. Napansin din niyang tila may inaalala ito. Hindi iilang beses na lumabas ng silid si Liam na animo ay hindi mapakali. Nanatili lang ito sa tabi ni Gabrielle nang makitang umiiyak na siya nang tahimik. Ginagap ng lalaki ang kanyang kamay at mahigpit na hinawakan.

Patuloy ang panalangin niya sa isip na sa mga susunod na oras ay maging maayos na ang lahat.

Pagkatapos ng blood transfusion ni Avi ay naging maayos nga ang lahat—ngunit hindi ang anumang nasa pagitan nina Quiah at Liam. Nang matiyak nilang stable na ang kalagayan ni Avi ay nagpaalam si Liam na uuwi muna sa apartment na tinutuluyan sa Victoria.

Hindi na nagbalik si Liam sa ospital hanggang dumating ang araw na na-discharge na si Avi.

Hindi na rin ma-contact ni Gabrielle ang cell phone ng lalaki.

TAHIMIK na tinuyo ni Gabrielle ang mga luha nang pumasok sa silid si Quiah. Nang weekend na iyon ay naroon siya sa Corazon kasama ang kapatid at si Avi. Binabawi pa niya ang mga oras na nag-alala siya kay Avi kaya halos hindi niya hinihiwalayan ang bata. Halos ayaw na rin niyang padapuan man lang sa lamok at langaw ang bata. Napapailing na lang si Nanay Puring sa mahigpit niyang pagbabantay kay Avi.

Pagsapit ng hatinggabi, kapag tulog na si Avi ay saka hahayaan ni Gabrielle ang sariling ilabas ang mabigat na pakiramdam. Hindi niya alam kung ano ang iisipin at kung paano iintindihin ang bigla na lang paglaho ni Liam nang walang paliwanag.

Nang hatinggabing iyon na umiiyak na naman si Gabrielle habang nakaupo sa gilid ng kama, tagusan ang titig sa dingding, pumasok si Quiah sa silid.

Umupo si Quiah sa kanyang tabi, niyakap siya bago humilig sa kanyang balikat. Nagsunod-sunod ang patak ng kanyang mga luha.

"A-ano ba talaga ang nangyari?" tanong niya sa basag na boses. "Hindi ko maintindihan, eh. Alam kong mayro'n, Quiah. Hindi basta aalis na lang si Liam kung wala. Ipaliwanag mo, please, hanggang maintindihan ko, hanggang maisip ko kung ano'ng sasabihin ko kay Avi sa basta na lang pang-iiwan ng ama niya."

Humigpit ang yakap ni Quiah sa kanya. Mahabang sandaling hindi ito umiimik.

"Quiah, please..."

Huminga nang malalim ang kanyang kapatid bago marahang dumistansiya.

"He's not worth crying over, Bri."

Napaawang ang kanyang mga labi sa sinabi ni Quiah.

"Duwag ang lalaking gusto mo," dugtong ng kapatid na nagpatigil sa kanyang paghikbi.

Napabaling si Gabrielle sa kapatid. Hindi na siya nagulat na alam na agad ni Quiah ang totoong damdamin niya kay Liam. Tulad niya ay magaling ding makiramdam ang kanyang kapatid.

"Takot siyang harapin ang resulta ng ginawa niya."

"Ginawa? Ano'ng ginawa niya?" naguguluhang tanong niya.

"Niloko ka niya, si Avi—tayong lahat, Bri. Nagpanggap siya. Pinaniwala niya tayong lahat at nagtagumpay siya."

"Nagpanggap? Niloko? Sandali, lalo akong naguguluhan. Ipaliwanag mo ang sinasabi mo, Quiah." Mabilis niyang tinuyo ang basang mukha, deretsong tumitig sa mukha nito.

"Type A ang dugo ni Arianna, 'di ba?"

Tumango si Gabrielle. Silang tatlong "apo" ni Lola Santina ay may detalyadong records ng mga importanteng impormasyon tungkol sa pagkakapareho at kaibahan nila, kasama ang blood types ng bawat isa. Iningatan at itinago ng matanda ang mga impormasyong iyon na alam din nilang tatlo.

"AB positive ang blood type ni Avi, Bri," patuloy ni Quiah. "Kahit hindi ako expert sa blood grouping and compatibility, at hindi ako masyadong nakinig sa Genetics subject ko noon, sa pagkakaalam ko, hindi nagkakaanak ng batang AB positive ang parents na type A at O ang dugo."

Awtomatiko ang pag-awang ng bibig ni Gabrielle. Ilang segundong napamaang lang siya kay Quiah na marahang tumango para kumpirmahin ang sinabi.

"Type O negative si Liam, Bri," dugtong ni Quiah na parang sumabog na bomba sa kanyang harap.

Umiling siya, paulit-ulit. Hindi gustong tanggapin ng kanyang isip at puso na ang lalaking tinanggap nila sa bahay at sa buhay nila ni Avi, ang lalaking pinagkatiwalaan nila nang buo ay hindi totoong kadugo ni Avi.

"Puwede namang... nagkamali tayo. Baka hindi talaga type A si Arianna—"

"Inamin sa akin ni Liam na tama ang kutob kong hindi siya ang tunay na ama ni Avi," putol ni Quiah. "Maiintindihan ko sana kung sinabi lang niyang ginusto niya o nag-attempt siyang ipagtapat sa 'yo ang totoo. Pero hindi, Bri. Hindi niya binalak. Naisip niya, oo, pero hindi niya gustong gawin. Gusto niyang panindigan ang pagpapanggap hanggang sa huli. Nawalan lang siya ng choice nang malaman ko ang lahat sa ospital. At ang duwag na lalaki, hindi ka kayang harapin kaya umalis na lang basta!"

Napaluha na naman si Gabrielle. "Niloko rin tayo ni Arianna?"

"Hindi ko alam kung anong motibo ng kapatid nating 'yon sa ginawa niya. Kung bakit pinaniwala niya tayong lahat na si Liam ang ama ni Avi."

"Kung hindi si Liam, sino ang tunay na ama ng bata?"

"Malapit na kaibigan ni Liam na tulad natin noon, ulila na sa pamilya kaya walang kadugong naghabol kay Avi. Ronn Cuaco ang pangalan ng lalaki, ayon kay Liam. Wala na rin siya, Bri. Bago umuwi sa farm si Arianna noon, namatay sa car accident si Ronn. Wala raw mapuntahan noon si Arianna kaya bumalik sa atin. Matagal na pala siyang nag-drop sa school nang wala tayong kamalay-malay. Sa Taiwan niya na-meet si Ronn at si Liam. Nang mamatay si Ronn, hindi maisiksik ni Arianna kay Liam ang sarili niya dahil..."

"Dahil?"

"He's living with someone."

Para siyang tinarakan ng kutsilyo sa puso.

May asawa si Liam?

"Walang relasyon sina Arianna at Ronn. Alam mo na, isang gabi lang—na nagbunga," pagpapatuloy ni Quiah.

Kinailangan ni Gabrielle na hagurin ang dibdib dahil literal siyang hindi nakahinga nang ilang segundo. Sa haba ng sinabi ni Quiah, ang mas naghuhumiyaw sa kanyang isip ay ang tungkol sa babae sa buhay ni Liam.

Hindi makapaniwala si Gabrielle. May ibang babae pala na nasa pagitan nila ni Liam. May ibang babae sa buhay ng lalaking pinagkatiwalaan nila ni Avi, sa lalaking hinayaan niyang yakapin at halikan siya nang hindi lang isang beses. At ang mas masakit, ang babaeng iyon at hindi siya ang mas may karapatan kay Liam.

Nagsunod-sunod ang patak ng mga luha ni Gabrielle. Nang magkaroon ng tunog ang kanyang pag-iyak ay muli siyang niyakap ni Quiah.

lign:middle'��^T!H

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now