Chapter 28

30.7K 718 75
                                    

Two years later...

PAKIRAMDAM ni Gabrielle ay ilalabas na niya pati small at large intestines sa paulit-ulit na pagduduwal na wala namang mailabas na. Sa bawat pagduwal ay lalo siyang nanghihina. Ilang segundo pa ay tuluyan na siyang nawalan ng lakas. Nakaupo na lang siya sa sahig ng banyo, nakakapit sa bowl, at naghahabol ng hininga.

Madaling-araw pa lang—ang oras ng pagsumpong ng kanyang morning sickness.

Morning sickness—dahil buntis siya. Nagkatotoo ang biruan nila ni Liam noon bago sila ikinasal, na mabubuntis siya nito. Ikinagulat nilang mag-asawa ang pangyayari, kapwa hindi makapaniwala. Hindi lang isang OB-Gyne ang kanilang pinuntahan at pareho ang findings—siya ay nagdadalang-tao.

Hindi na magugulat si Gabrielle kung magduda man si Liam, pero hindi siya pinagdudahan ng asawa. Isinama siya ni Liam sa isang andrologist na inirekomenda ng kaibigan nito na engineer din. Ikinagulat nila nang husto ang resulta, normal ang lahat sa kanyang asawa. Walang problema sa kakayahan ni Liam na magkaanak. Hindi ito baog tulad nang matagal nitong pinaniniwalaan.

Ginusto ni Liam na maghanap ng paliwanag sa mga nangyari kaya hinayaan ito ni Gabrielle sa gustong gawin. Dalawang araw na nawala ang kanyang asawa, nang bumalik ay dala na ang isang balita. Mag-asawa na ang andrologist na unang tumingin kay Liam at ang ex-girlfriend na si Annalie. Pinagkaisahan pala ng dalawa si Liam. May namamagitan na pala sa dalawa na lingid sa kaalaman ni Liam na noon ay nasa Taiwan. Nabuntis ng doktor si Annalie at walang naisip na paraan ang babae para makalaya sa relasyon kay Liam kundi saktan ang huli para maitulak nito palayo. Ginamit ni Annalie ang hindi pagkakaroon ng anak ng mga ito sa kabila ng ilang taong relasyon. Ipinamukha kay Liam ang kakulangan bilang lalaki para mapadali ang pagbitaw ni Annalie sa relasyon, ipinasa kay Liam ang guilt sa ginawang pagtataksil. Nagtagumpay si Annalie nang walang kahirap-hirap dahil matagal na palang bilanggo si Liam ng mga takot, na hindi rin nito maipagtapat kay Annalie noon. Tila mga sinulid na nagdugtong-dugtong ang mga kasinungalingan, nakuha ni Annalie ang nais na kalayaan at si Liam naman ay piniling gampanan ang pagiging ama kay Avi sa paniniwalang imposible nang magkaanak pa ito.

Sa umpisa ay hindi maintindihan ni Gabrielle kung bakit ganoon na lang kadaling pinaniwalaan ni Liam ang andrologist na kinasangkapan ni Annalie para sa plano ng babae. Naintindihan lang niya ang lahat nang malaman ang kuwento ng nag-iisang kapatid ni Liam na lalaki na walang kakayahang magkaanak. Napaniwala ni Liam ang sarili na katulad ito ng kapatid. Sa hula niya ay nagdugtong-dugtong na ang takot at insecurity ni Liam noon kaya hindi na masyadong nakapag-isip.

"Twenty percent daw ng male infertility cases have no identifiable cause," naalala ni Gabrielle na sabi ni Liam nang pinag-uusapan nila ang tungkol sa kondisyon nito noon. "Iyon ang naalala kong sinabi ng andrologist na kaibigan ni Annalie. Trusted friend niya 'yon, kaya bakit hindi ako maniniwala sa inilatag niyang pekeng findings? Marami siyang tinukoy na maaaring rason na hindi ko na inintindi isa-isa. Sperm production problems, sperm disorders... marami, Bri. Mas napaniwala ko ang sarili ko na pareho kami ng kondisyon ng kapatid ko. Napakadali sa akin ang maniwala dahil dati ko nang takot 'yon. Hindi ko naisip na ginagago lang nila ako." Umiling-iling ang asawa, parang binabalikan sa isip ang nakaraan.

"Hindi nag-suggest ang doktor ng solusyon? May mga paraan kung sperm count lang ang problema. Doon pa lang, nahalata mo na sana."

"Nag-suggest siya. Si Annalie ang umayaw na—nakipaghiwalay na siya sa akin nang araw din na 'yon. Nagdugtong-dugtong na ang guilt at insecurity ko kaya madali nila akong napaniwala. Ang alam ko, talagang gusto ni Annalie ng anak, at kasal. Hindi ko maibigay ang una, at ang pangalawa naman, takot akong ialok dahil alam kong magbabago siya kapag nalaman ang inakala kong kakulangan."

Isang Rosas, Isang Pag-ibig, Isang IkawWhere stories live. Discover now