Chapter Zero

35 10 7
                                    

Introduction

Mahigit limampung taon na ang nakalilipas nang unang sumiklab ang huling digmaang pandaigdig. Natabunan na ng mga bangkay ang ala-ala kung paano ito nagsimula ngunit walang makakalimot sa pagdurusang hinatid nito sa karamihan. Naiisip mo ba kung anong pakiramdam na gigising sa umaga na nag-aapoy ang bahay na nasa harap mo? Anong pakiramdam na magmakaawa para sa pagkain ng mga anak na pakakainin mo? Anong klase ng buhay ang kinahaharap ng mga batang nawalan ng magulang sa gyera?

Sa maliit na eskinita sa isang bayan sa bansang Mard, makikita ang ating bida na si Montemogory na maingat na kinakain ang mansanas na nakuha niya sa palengke. Sobrang ingat para hindi siya makita ng may-ari ng mansanas, at ng iba pang mga batang palaboy na palaging kinukuha ang kita niya. Nang matapos kumain, dahan-dahan siyang tumayo kaya naman mas nakita ang kaliitan ng kanyang katawan. Kung normal lang sana ang lahat, siguradong lahat ng taong makakakita sa kanya ay mahahabag. Ngunit, panahon ito ng gyera, at wala nang panahon ang mga tao para mahabag sa isang batang palaboy na hindi nakaririnig at nakapagsasalita.

Nanghihinang naglakad si Montemogory palabas ng eskinita. Hindi napunan ng isang piraso ng mansanas ang tatlong araw niyang kumakalam na sikmura. Sa tatlong araw na iyon ay naupo lamang siya at umiiyak sa tabi ng katawan ng nakatatanda niyang kapatid na lalaki. Muli nanaman pumasok sa isip ni Montemogory ang imahe ng kanyang kuya na namatay sa sakit at pagdurusa. Ang kapatid niya ang nag-alaga sa kaniya sa loob nang maraming taon matapos silang maulila sa kanilang magulang. Sumasali ito sa mga underground street fights kapalit ng tinapay na pinaaabot nila ng dalawang araw. Kung hindi sasali sa street fights, nagtutulungan silang dalawa na mamalimos sa kalsada. Ngumiti pa sa kanya ang kanyang kuya bago ito malagutan ng hininga, tatlong araw na ang nakararaan. Ang pinakamaamong ngiti na nakita niya sa buong buhay niya. Ngumiti ito na tila ba hindi naging madaya sa kanila ang mundo, at para bang hindi sila nanakawan ng magandang buhay dahil sa gyera. Hindi rin nagtagal ang ngiting iyon dahil sunod ay namilipit na ito sa sakit bago tuluyan nawalan ng buhay.

Tatlong araw na hindi umalis si Montemogory sa tabi ng namayapa niyang kapatid. Sa huli ay naisipan rin na kailangan na niyang mabuhay para sa sarili niya. Kahit walang alam sa pagnanakaw, nagawa pa rin niyang itakbo ang isang maliit na mansanas sa matandang tindero ng prutas sa palengke.

Napahinto sa paglalakad si Montemogory nang makasalubong niya ang grupo ng mga kapwa batang palaboy na palaging kinukuha ang kita niya sa paglilimos. Agad siyang tumakbo ngunit naabutan parin siya ng mga ito at hinatak papunta sa gilid ng kalsada. Hindi niya naririnig kung ano ang sinasabi ng mga batang palaboy, ngunit alam niyang hinahanapan siya ng mga ito ng pera.

"Ito na ba ang huli sa kanila?" Biglang napalingon ang mga batang palaboy sa lalaking nagsalita sa likuran nila. Sa unang tingin palang malalaman mo na ang lalaking ito ay nagtatrabaho sa kasundaluhan.

"Patayin ang mga hindi susunod," utos ng lalaki sa mga kasama nito.

"Masusunod po Kapitan Stans."

Hindi alam ng mga batang palaboy kung ano'ng gagawin. Tahimik na sumunod sa mga opisyal ang iba, ngunit meron pa rin ilan na naglakas loob na lumaban. At kagaya ng ininuutos ng lalaking Kapitan, lahat ng batang ito ay walang pag-aalinlangang binaril sa ulo.

Kitang-kita ng mga mata ni Montemogory ang buong pangyayari. Hindi man siya nakaririnig, nakikita naman niya ang takot sa mata ng mga kapwa niya batang palaboy. Habang isinasakay sa truck ang lahat ng mga natitirang bata, lumapit sa kanya ang lalaking tinatawag na Kapitan Stans.

"Nakaririnig ka ba?" ani ng lalaki. Hindi naman siya nasagot ni Montemogory dahil hindi niya alam ang sinasabi nito.

Naintindihan naman agad ng kapitan na may diperensya nga sa pandinig ang batang babae na nasa harap niya. Tumango-tango ito at winasiwas ang kamay sa hangin.

"Ako si Lincoln Stans. Sumama ka nang mapayapa sa mga tauhan ko at bibigyan ka nila ng makakain at maayos na matutulugan," sa isip ni Montemogory ay laking gulat na niya dahil marunong pala na mag-sign language ang kapitan. "Kung hindi ka sasama, matutulad ka sa mga batang ito na namatay nang maaga."

Hindi na siya nabigyan ng pagkakataong sumagot dahil tumayo agad ang lalaki at pinagpagan ang maganda niyang uniporme. Tahimik lamang siyang pinanonood ng iba pang mga opisyal sa likuran, ngunit makikita mo kung gaano nila kinikilala ang kanilang kapitan.

"Kunin niyo na ang batang 'to at isalang agad siya sa initial testing. Kung makapasa siya, siguraduhin niyo na pakakainin niyo siya nang marami," ani ng lalaki bago siya umalis.

Noon ay may isang tuyong lupa na walang kahit na anong puno o halaman ang tumubo. Ang tuyong lupa ay inabanduna ng mga mamamayan nito at tinawag na sumpa. Hanggang sa isang araw, tumubo ang isang napakagandang bulaklak na hindi mo makikita sa kahit na saang lugar. Ang bulaklak na tumutubo lang sa tuyo at sinumpaang lupa.

"Sino ba ang tuyong lupa, at sino ang magandang bulaklak?" Pitong taon na rin nang mangyaring kinuha siya ng lalaking tinatawag na Kapitan Stans. Napangiti na lamang ang bidang si Montemogory sa mapait na ala-alang ito.

AMELIORATE
Written by: Maxzono
Spien|AvaDyamante
Genre: Action, Science Fiction
Status: O N G O I N G (slow update)

AmeliorateWhere stories live. Discover now