Chapter 2

15 0 0
                                    

'Dr. Morgan'

Iyon ang nakalagay na pangalan sa maliit na name plate na nakalagay sa dibdib ng doktora. Hanggang ngayon ay abala parin ito sa pagbabasa ng kung ano mang data ang nakalagay sa computer. Limang minuto na rin ang nakalipas nang sinabihan siya nitong maghintay at huwag gagawa nang gulo. Simula noon ay hindi na inalis ni Montemogory ang paningin niya sa doktora.

"Morgan," bulong niya sa kaniyang isip. Ito ang pangalan nang yumao niyang kapatid na lalaki mahigit isang linggo lang ang nakararaan.

Iniisip niya kung ito ba ang pangalan ng doktora o ang kaniyang apelyido. Napangiti ang batang si Montemogory. Ang pangalan ng doktora ay naghatid sa kaniya nang kakaibang pakiramdam. Sa tingin niya ay kaya niyang pagkatiwalaan ang babaeng ito kagaya nang pagtitiwala niya sa kapatid niyang si Morgan. Malawak ang ngiti nitong sinuri ang bago niyang doktor. Napansin niyang bata pa ang mukha ni Dr. Morgan. Kahit medyo haggard ito dahil sa naglalakihang eyebags at fine lines, hindi parin maipagkakailang ito na ang pinakabata sa lahat ng mga doktor na nakasalamuha niya sa lugar. 

Sandaling napasulyap sa gawi ni Montemogory ang doktora at nagtaka naman ito nang makita ang malawak ng ngiti ng bata. Sa bandang ito ay nakaramdam siya nang awa para sa inosenteng si Montemogory. Ngunit sanay na siyang makaramdam ng awa sa lahat ng mga batang dumating sa Feda. Sanay na rin siyang talikuran ang mga batang ito at magsawalang kibo. Ang lahat ay para sa Mard.

Nang matapos sa pagbabasa si Dr. Morgan, kinuha agad ni Montemogory ang pagkakataon upang magtanong. Tinanong niya dito kung anong dahilan kung bakit sila kinuha ng mga sundalo noong araw na iyon. Bakit iba't ibang doktor ang tumitingin sa kanya? at bakit hindi siya hinahayaang makita ang ibang mga batang nakasabay niyang dumating sa lugar? Umaasa na sa wakas ay makakakuha siya nang tamang sagot mula sa doktor.

Ngumiti muna nang tipid ang doktor bago magsalita,"Pasensya na, ija, pero hindi ko sasagutin ang tanong mo. Sa lugar na 'to, kami lang ang may karapatang magtanong at hindi ikaw. Kung ibang tao ang pinagtanungan mo sa lugar na 'to, sasaktan ka nila. Kaya itabi mo na lang ang mga katanungan mo sa sarili mo."

Sumama ang loob ni Montemogory sa naging sagot ng doktor ngunit inaasahan na rin naman niyang hindi siya sasagutin nito. Sa isang linggo niya sa pasilidad ay natutunan niyang wala ni isa ang may intensyong magpaliwanag sa kaniya ng kahit na ano. Nagbakasakali lamang siya na iba si Dr. Morgan sa kanila. Hindi na siya nangulit pa at sinunod na lamang ang sinabi nito.

Nagsimulang magtanong ang doktora,"Okay, simulan muna natin sa basic information mo. Gusto ko lang maverify lahat ng impormasyong binigay mo sa amin tungkol sa 'yo, lalo na at ako na ang magiging doktor mo simula ngayon." Namilog ang mata ni Montemogory sa sinabi ni Dr. Morgan. Aminado ang bata na mas gusto niya ang panibago niyang doktor kumpara sa mga naunang doktor na humahawak sa kanya. 

"Sana maintindihan mo na mahalaga para sa amin na hindi mo kami pinaglilihiman. Nanggaling ka man sa pinakamahirap na pamilya ng Mard o isang palaboy, kailangan namin 'yong malaman," mahinahong pagpapaliwanag ni Dr. Morgan sa bata. Mukha namang ayos lang ito para kay Montemogory at masaya pang tumango-tango.

Napatawa na rin si Dr. Morgan sa asal ng batang si Montemogory. Hinawakan niya ito sa ulo sabay ginulo-gulo ang mahaba nitong buhok, bagay na labis na ikinatuwa ni Montemogory. Madalas din itong gawin ng kapatid niyang si Morgan nang nabubuhay pa ito. Pakiramdam nito ay muling nabuhay ang kapatid niya sa katawan ng ibang tao.

"Ako si Dr. Morgan Erii, pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" Kinuha ni Morgan ang electronic notepad at sinamahan niya si Montemogory na maupo sa isang kakaibang medical chair.

"Montemogory Santina," maikling sagot nito.

"Apelyido mo ba ang Santina? Walang record ang Mard sa pamilyang may gano'ng apelyido."

आप प्रकाशित भागों के अंत तक पहुँच चुके हैं।

⏰ पिछला अद्यतन: Sep 30, 2020 ⏰

नए भागों की सूचना पाने के लिए इस कहानी को अपनी लाइब्रेरी में जोड़ें!

Ameliorateजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें