Chapter 1

19 0 0
                                    

"Ito na ang magiging tuluyan mo simula ngayon," ani ng babaeng nakasuot ng kulay puti na jumpsuit . Tila wala itong pakialam kung naiintindihan ba siya ng bata o hindi. "Darating din ang pagkain mo mamaya at huwag mong tatangkain sumuway sa mga tagapagbantay mo."

Wala mang tiwala sa mga taong nakasalamuha ngayong araw, pinili na lang ni Montemogory na huwag gumawa ng ikasasama ng loob ng mga taong kumuha sa kanya. Simula pa noon ay nakatanim na sa kanyang murang isip na huwag magtitiwala sa kahit na sino, lalo na sa mga sundalo. Hindi pa rin naaalis sa utak nito ang imahe ng walang-awang pagpatay ng mga sundalong iyon sa mga kapwa niya batang pulubi. Ngunit, alam niya na kung iiwasan niya sa ngayong galitin ang mga taong ito, mas mataas ang tsansa niyang makalabas sa pasilidad nang buhay.

Ang lugar na pinagdalhan sa kanila ay tinatawag na Feda. Ang Feda ang pinakamalaking research facility sa buong Mard. Sa loob ng limampung taon, napaka-laki na nang naiambag ng pasilidad na ito para sa bansa at ngayon ay muli nanaman silang lilikha ng kasaysayan. Nang makarating sa lugar, agad silang dinala sa isang maliit na laboratoryo at inexamin ang pangangatawan. Isa-isa rin silang kinuhaan ng blood sample na hindi niya mawari kung para saan. Gabi na nang matapos ang examination at napansin niyang may ilang mga bata ang inihiwalay sa kanila.

Sa ngayon, inililibot ni Montemogory ang tingin sa kabuoan ng kanyang bagong kwarto. Bawat bata ay may kaniya-kaniyang silid na may nakalagay na placard sa itaas ng pintuan. Ang sa kanya ay may nakalagay na 61G. Saradong-sarado ang buong kwarto at ang tanging labasan lang ay ang bakal na pintuan na isinara ng babaeng naghatid sa kanya kanina. Hindi malaki ang silid ngunit nagkasya rito ang isang higaan, study table, at isang toilet bowl. Napansin din niya ang dalawang surveilance camera sa sulok ng kwarto kung kaya nakaramdam siya ng hiya sa paggamit ng toilet bowl.

Maya-maya, nagbukas ang pintuan ng kwarto at pumasok dito ang isang matandang lalaki na may bitbit na pagkain. Hindi napigilan ni Montemogory na sundan ng tingin ang estranghero hanggang sa mailapag nito ang pagkain sa lamesa. Dali-dali namang umalis ang matanda at muling isinarado ang pintuan. Hindi na nagdalawang isip at inupakan nang gutom na gutom na si Montemogory ang pagkain na nakahanda para sa kanya. Ngayon lamang siya nakakain ng ganoon karaming pagkain simula nang magkamalay siya.

Samantala, kauuwi pa lamang ni Kapitan Stans mula sa isang mahabang meeting kasama ang mga kapwa kapitan. Nakapikit na ang mata nito at tahimik na pinakikinggan ang paborito nitong musika, nang kumatok sa pintuan ang tagapangalaga ng bahay na si Ginoong Alec.

Nagsalita ang ginoong Alec,"Kapitan Stans, nasa baba po ngayon si binibining Miller. Gusto niya raw kayong makausap tungkol sa isang mahalagang bagay." Napakunot ng noo ang Kapitan na si Stans at sinenyasan ang tagapagbantay na agad namang umalis.

"Hindi ba alam ng babaeng 'to kung anong oras na?" Naiinis man ay bumaba na rin si Stans para kitain ang babaeng nagngangalang Miller.

"Miller, alam mo ba kung anong oras na? Sabihin mo na kung anong gusto mong sabihin dahil gusto ko nang matulog," pagdadabog nito sa bisita.

"Lincoln, where are your manners? Hating gabi na pero mas malakas pa rin sa megaphone ang boses mo," pang-aasar ng bisita kay Stans kaya lalo lang uminit ang ulo nito. "Isa pa, tawagin mo akong Kapitan Miller. Alam mong ayokong iniisip ng mga taong tino-tolerate ko ang ganyang pag-uugali mo sa myembro ng first family."

Nakita ng babaeng kapitan ang pag-ismid ni Stans, ngunit hindi na niya ito binigyan ng pansin at nagpatuloy na lang sa pagsasalita. Ani niya,"It's not like I want to meet you at this hour, but you see kagagaling ko palang sa Karbala and I have to report a very important thing to you."

Sa isang iglap ay naging seryoso ang mukha ni Stans na tila naintindihan na rin sa wakas ang bigat ng sitwasyon. Tahimik niyang pinakinggan ang ibinalita ng kapwa kapitan. Habang nakataas ang isang kilay, hinayaan nitong mahulog ang sarili sa malalim na pag-iisip ukol sa sinabi ni Kapitan Miller. Tahimik din naman hinihintay ni Miller ang reaksyon ng kapitan. Maya-maya ay bahagya siyang nagulat nang makita ang pagbuo ng ngiti sa mukha nito.

"Nai-report ko na ito sa upper echelon, pero syempre may mga ibinawas din akong impormasyon lalo na ang tungkol sayo," pagdaragdag ni Miller.

"Kung ganoon, meron pa tayong limang taon. Sa limang taon na ito nakasalalay ang kinabukasan ng Mard," maikling sagot ni Kapitan Stans.

"Naintindihan mo ba ang sinabi ko? Hindi lang ito tungkol sa kinabukasan ng bansa tungkol din ito"-- Halatang hindi nagustuhan ni Kapitan Miller ang sagot ng kapwa kapitan kung kaya ay napataas ang boses nito. Pinutol na lamang ni Stans ang sasabihin ni Kapitan Miller dahil alam nitong hahaba lang ang sermon sa kanya.

 "Ang kinabukasan ng bansa ay kinabukasan ko rin. 'Wag kang mag-alala, mag-iingat ako," mahinahong pagpapaliwanag nito sa kanya. Hindi man alam ang iniisip ng kapwa kapitan ay nagpatuloy parin ito sa pagsasalita. "Isa pa, mukhang matatapos nang mas maaga sa schedule ang "Ameliorate."

Nang marinig ang tungkol sa nalalapit na pagtatapos ng Ameliorate, wala nang iba pang nasabi si Kapitan Miller. Muli, ay natalo siya sa kapwa niya Kapitan. Hindi niya lubos maisip kung paano gumagana ang utak ng lalaking nasa harapan niya ngunit inaamin din niya na napakalaki ng respeto niya rito. Ang kamartiran at labis na pagmamahal nito sa bansang Mard ang isa sa mga dahilan kung paano siya nakarating sa posisyon niya ngayon. Napabuntong hininga na lamang ang dalagang kapitan habang paalis sa mansyon ng mga Stans.

Isang linggo na nang dumating si Montemogory sa Feda ngunit ni minsan ay hindi pa niya nalilibot ang lugar. Palaging nakakandado ang kanyang silid at pinalalabas lang siya kapag ipinatawag na siya sa examination room. Hindi na rin nakita pa ni Montemogory ang ibang mga batang kasabay niyang dumating sa laboratoryo dahil sa tuwing lalabas siya para sa check-up ay wala naman siyang ibang batang nakakasabay.

Nang matapos niyang palitan ang kulay puting hospital gown na ibinigay sa kanya, saktong bumukas ang pintuan ng silid ng bata. Bumungad dito ang mga taong nakasuot ng puting jump suit. Nakatakip ang mukha ng isa sa kanila ngunit agad naman niya iyong nakilala dahil ito ang taong palaging naghahatid sa kanya sa examination room. Agad na lumabas ng silid si Montemogory dahil ayaw niyang galitin ang mga tagapag-bantay nito. Napansin ng bata na maliban sa mga doktor, pare-parehong nakasuot ng jumpsuit ang mga tao sa laboratoryo.

Nilakad nila ang isang mahabang pasilyo hanggang sa matanaw niya sa dulo ang elevator. Sa loob ng elevator nakita niyang inilabas ng babae ang kaniyang identification card at iniharap sa camera bago pindutin ang floor 8.

Vanessa Lon. Hindi nakatakas sa paningin ni Montemogory ang pangalan ng babaeng palaging sumusundo sa kanya. Hindi man siya nakaririnig at nakapagsasalita, tinuruan naman siya ng kaniyang kapatid na magbasa.

Matalino sana ang kapatid nito. Ang lahat ng mga bagay na alam ni Montemogory, nanggaling lahat ng iyon sa kanyang kuya. Muli tuloy nakaramdam ng lungkot ang batang babae sa ala-ala ng kapatid.

Mag-isa na lamang ngayong nakatayo sa silid si Montemogory habang hinihintay ang doktor na mag-eexamin sa kanya. Nakita niya ang sariling repleksyon sa isang malaking salamin na kinahaharapan ng isang hospital bed, isang kakaibang upuan, at iba pang aparatus na gagamitin sa kanya mamaya. Hindi ito ang unang beses niya sa silid. Simula nang dumating siya sa Feda ay halos araw-araw siyang pumupunta dito para sa iba't ibang uri ng examination.

Maya-maya, dumating na ang doktor na naka-assign para kay Montemogory. Iba-iba ang doktor na humahawak sa bata kaya bago pa lang ito sa paningin niya. Hindi na rin ito mahalaga dahil sa paningin niya ay masusungit ang lahat ng mga tao sa laboratoryo. Ang lahat ay mukhang inilayo na ang natitirang butil ng liwanag nang dahil sa gyera.

"Ang lahat naman ay nawalan ng isa o dalawang bagay sa digmaan," katwiran nito sa sarili.

Tumingin sa ika-apat na beses ang doktor mula sa electronic notepad na hawak nito. Itinaas-baba ang malaking salamin sa mata habang pabalik-balik na tiningnan si Montemogory at ang tablet. Sa wakas ay ibinaba rin nito ang hawak at umupo sa isang swivel chair.

"Pwede ka nang umupo. Magsisimula na tayo."

AmeliorateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon