Part 12

2.9K 101 2
                                    


PINANOOD ni Marian ang pag-ikot ng mga mata ni Gigi nang sabihin niya ang hinala niya rito. Kasalukuyan itong nagme-makeup ng isang lalaking patay na sa tantiya niya ay nasa mid-fifties ang edad nang sugurin niya ito sa morgue.

"Hindi siya bading, okay?" confident sa pag-assure ni Gigi sa kanya. "Bading ako kaya malakas ang gaydar ko. Walang nasasagap ang antenna ko na may posibleng berde ang dugo niya. Lalaking-lalaki si Miguel." Yumuko ito sa patay. "'Di ba, teh?" kausap nito sa bangkay.

Napuna niya ang red lipstick ng patay. "Bading 'yan?" tukoy niya sa bangkay.

"Yup! Kita mo, patay na, naamoy ko pa. Ganyan kalakas ang gaydar ko."

Nakadama siya ng relief. "Kung ganoon, bakit parang balewala kay Miguel ang mga ginagawa ko kanina? Kulang na lang mag-twerk ako doon ala-Miley Cyrus at sumakay sa wrecking ball nang nude. Wala siyang reaksiyon." Napatigil siya. "Meron pala. Parang naaaliw siya na gusto niyang matawa."

Napailing-iling si Gigi. "Baka may mali sa pagsubo mo ng hotdog, teh!"

Uminit ang ulo niya nang may ma-realize. "Ayoko nang sumubo ng hotdog! Baka iniisip niya na cheap ako kaya parang gusto niya akong pagtawanan." Hinampas niya si Gigi sa braso. Muntik na nitong mabitiwan ang Kabuki brush na hawak. "Kasalanan mong lahat ito. Bakit ba kasi kita sinunod?" Parang gusto niyang maglupasay sa sahig. "Ang tanga-tanga ko. Nakinig ako sa isang malaswang bading."

"Aray, Mars, ha! Nakaka-hurt ka na ng feelings."

"Kailangan kong mag-change plan."

"Paano?"

"Kailangang lapitan ko siya para makuha ko ang loob niya. Kailangan kong gumawa ng paraan para magkalapit kami."

"So... meaning, mag-e-effort kang habul-habulin siya tulad ng mga babaeng nag-aabang sa kanya sa labas ng punerarya ni Aling Poleng, gano'n ba?"

"In a subtle way."

"Subtle way ka diyan. Matapos mong pakitaan siya na sumusubo ka ng hotdog at dumidila ng mayonnaise?"

Hinampas niya ulit ito. "I hate you! Kailangan ko pa tuloy linisin ang image ko nang dahil sa 'yo."

"Sorry naman. Malay ko bang hindi pala nadadala si Miguel ng ganoong klase ng pang-aakit."

"At dahil may kasalanan ka sa akin, aalamin mong lahat ng gusto kong alamin mo."

"Tulad ng?" tanong nito habang nagkokorte ng kilay ng bangkay.

"Tulad ng kung anong oras pumapasok si Miguel, anong oras siya umuuwi, saan siya umuuwi, sinong kasama niya sa bahay, anong type niya sa babae, bakit wala siyang girlfriend, anong hitsura ng mga ex niya, saan siya madalas nagpupunta o gumigimik, anong sports ang nilalaro niya, nagba-basketball ba siya, saang court siya nagba-basketball, saan siya naggi-gym, anong favorite niyang pagkain, favorite TV show, favorite songs, favorite singer or bands at favorite color." Medyo hiningal siya pagkatapos niyang magsalita dahil halos hindi siya huminga sa mga sinabi niya.

Walang reaksiyon si Gigi, mukhang abala ito sa paglalagay ng eye-liner sa bangkay. "Bilang ng nunal niya sa buong katawan, teh, gusto mong malaman?" tanong nito.

"Ako na ang aalam niyan," taas-noong wika niya at lumabas na sa morgue. Narinig pa niya ang halakhak ni Gigi hanggang sa labas ng pinto.

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon