Part 16

2.8K 103 3
                                    


HININTAY ni Marian na mapatingin sa kanya si Miguel nang umagapay siya rito sa pagdya-jogging. Hindi naman siya nahirapang kunin ang atensiyon nito dahil pumaling ang mukha nito sa gawi niya. Nang makita niya sa isang sulok ng mga mata na nakatingin ito sa kanya ay binalingan rin niya ito. Kunwari ay nagulat pa siya.

"Oh! Nandito ka pala," sabi niya habang nagdya-jogging.

Ibinalik nito ang tingin sa daan. "'Wag ka nang magkunwaring nagulat ka na nakita mo ako. Nakita na kita kanina. Nagtago ka pa sa likod ng halaman."

Pinanood niya ito kanina habang nag-i-stretching ito bago mag-jog.

Basag-trip talaga itong taong ito, oo! Palagi na lang siyang napapahiya rito. Imbes na mapahiya ay nginitian niya ito nang mapanudyo.

"Grabe. Nagtago na nga ako pero nakita mo pa rin ako. Masyado ba talaga akong kapansin-pansin sa mga mata mo?"

"Hindi sa gano'n. Red kasi ang buhok mo. Sino ba naman ang hindi makakapansin sa kulay ng buhok mo?"

Napahiya siya sa sinabi nito pero hindi niya ipinahalata. "Aminin mo na hindi lang ang buhok ko ang napansin mo."

Muli siyang tiningnan nito at pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya. Kunwari ay hindi siya aware sa ginawa nitong paghagod ng tingin sa kanya.

"Aware ka ba na may mga lalaking nakabuntot sa 'yo?"

"Huh?" Napalingon siya at nakita niya mga dalawang metro mula sa kanya ang tatlong lalaking hindi naman mga mukhang tambay sa kanto pero mukhang manyakis ang mga ito. Nahuli pa niya ang isa na sinisipat ang legs niya. Hindi lang pala si Miguel ang may stalker, siya rin pala!

"Kung ayaw mong ma-rape, huwag kang mag-jogging nang ganyan kaikli ang suot." Halata ang sa mukha nito na hindi natutuwa ito.

Hindi siguro ito natutuwa dahil may ibang mga lalaking nagnanasa sa kanya. Hmmm... mukhang conservative ang lolo mo. Naisipan pa tuloy niyang tudyuin ito. "Nag-aalala ka ba sa akin kaya mo ako pinapaalalahanan? Ayaw mo akong mapahamak?"

"Sinusundan mo ba ako kaya ka nandito?" kaswal na tanong nito na hindi pinansin ang tanong niya.

Suminghap siya. "Ganyan ba talaga kalaki ang tiwala mo sa sarili mo para isipin na sinusundan kita? Nagdya-jogging lang din akong tulad mo, no! Anyway, nag-breakfast ka na ba? Tara, mag-breakfast tayo doon sa Jollibee sa bungad. Libre ko."

Muli itong tumingin sa kanya. Ngumiti siya nang pagkatamis-tamis. Wala pang nakakatanggi sa ngiti niyang iyon.

Tumigil ito sa pag-dya-jogging at hinalinhan iyon ng paglalakad. "Ano ba talagang pakay mo sa akin?" tanong nito. May paghihinala sa mga mata nito.

Bumuntonghininga siya. Hindi bobo si Miguel. At mukhang hindi rin ito madaling akitin. Kaya kailangan niyang makaisip ng isang dahilan na maaari nitong paniwalaan at nang hindi na ito naghihinala pa sa kanya. "Hindi ba tayo puwedeng maging friends?" Mabilisan na ang pag-iisip kaya iyon na lang ang nasabi niya.

Halatang napantastikuhan ito sa sinabi niya. "Friends?"

Tumango siya. "Magaan kasi ang loob ko sa 'yo, eh. Ewan ko ba kung bakit pero parang nakikita ko sa 'yo 'yong best friend ko noong high school ako na si Valentino, or Val for short. Hindi ko na siya nakita simula nang umuwi ang pamilya niya sa Davao. Simula noon, hindi na ako nagkaroon ng kaibigang lalaki kasi sa tuwing napapalapit ako sa isang lalaki, nagkakaroon sila ng malisya sa akin. Nami-miss ko 'yong meron akong kaibigang lalaki. Kaya nami-miss ko si Val. Kasi wala siyang kamali-malisya sa akin. Friendship lang talaga. Feeling ko, tulad ka ni Val, puwede tayong maging friends."

I Love You To Death [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon