Day 1: Sir Jerry

1K 17 10
                                    


                Mag-isa akong naka-upo sa loob ng klasrum na ito habang hinihintay si Sir Jerry. Lumabas s'ya para maghanap ng ibang guro na pwede kong paglipatan. Ngayon ko lang s'ya nakilala at alam kong hindi n'ya gusto ang presensya ko sa loob ng kanyang klase. Malamang, hindi s'ya sanay nang may inaalagaang intern.

                Isa akong student-teacher mula sa Technological University of the Philippines - Manila, at ngayon nga'y nilagay ako dito sa Dr. Alejandro Albert Elementary School upang pagdaanan ang aking Practice Teaching. Tatlo kaming inilagay sa paaralang ito. Nasa ikalawang palapag ang dalawa kong kasamahan, matiwasay na kasama ang mga gurong mag-aalaga sa kanila, habang nandito naman ako sa unang palapag; naghihintay pa rin kung kanino na naman ako ipapasa.

                Matapos ang napakatagal na paghihintay, tahimik na bumalik papasok ng klasrum si Sir Jerry saka dumiretso sa kanyang upuan. Nakikita ko si Papa sa kanya; sa kilos n'ya't tindig, sa hawi ng kanyang buhok, at sa likot ng kanyang mga mata. Tinawag n'ya ako't malumanay na nagsalita. "Science at saka Livelihood Education ang itinuturo ko. Tatlong seksyon ng grade six ang hawak ko. Una, ang Rizal, sila ang seksyon one. Magagaling sila't aktibo sa klase, kaya hindi ka mahihirapan. 'Yung dalawang seksyon; iyong Graciano López Jaena at Melchora Aquino, hetero sila. May magagaling, may makukulit. Sa kanila mo mararanasan ang totoong mundo ng pagtuturo."

                Ngumiti lang ako. Senyales ito na tinatanggap na n'ya ako sa klase n'ya. Hindi ko alam kung nagbago s'ya ng isip, o wala lang talagang ibang gustong tumanggap sa'kin. Pero wala na 'kong pakialam. Ang mahalaga, nandito na 'ko.

                Napalingon ako sa may pintuan nang kumatok doon ang ilang mga estudyante ng VI  -  Melchora Aquino. Tumayo si Sir Jerry saka nilapitan ang mga ito. "Children, please fall in line!" Agad namang pumila ang mga ito, automatically, by height. Isa-isa silang pumasok sa loob ng klasrum habang nakatingin sa'kin. Nanatili akong nakangiti kahit na nararamdaman ko na ang pagkangalay ng magkabila kong pisngi. Mabilis na napuno ang kwarto ng mga katawang may iba't ibang laki at hugis, at mga ingay na may iba't ibang lagom.

                "Keep quiet, children!" Agad naman silang nanahimik. "Kasama natin ngayon si Sir Ricardo, at makakasama natin s'ya hanggang sa unang linggo ng Oktubre." Blah-blah-blah. Blah-blah-blah. "Ulit, s'ya si Mr. Ricardo..." Nilingon n'ya ako. "Ano nga ulit ang apelyido mo, Hijo?"

                Tumayo ako. "Abaño po, Sir."

                "Abaño?"

                Nagtawanan ang mga estudyante. Pinilit ko pa ring ngumiti kahit hindi ko naihanda ang sarili ko sa pangyayaring 'yon. Mga bata lang sila. Big deal pa sa kanila ang ganda o baho ng pangalan ng isang tao. Agad naman silang sinaway ni Angel, ang presidente ng klase na may apat na mahahabang pangalan maliban pa sa middle name at surname. Tumayo s'ya't pinamunuan ang mga pang-araw-araw na routine tulad ng pagdarasal, pagbati at pagtatala ng liban. Masyadong mahina ang kanyang boses na halos hindi ko na marinig mula sa likuran ang mga salitang halatang kinabisado lang n'ya. Pagkatapos ay bumalik na s'ya sa upuan. Umupo na rin kaming lahat.

                Nagsimulang magturo si Sir Jerry habang kinokopya ng mga bata ang mga nakasulat sa pisara. Mga capillaries, arteries, venules, at iba pa. Naaalala kong napag-aralan namin ito noon pero nakakahiyang hindi ko na maaalala kung ano ang deskripsyon at silbi ng mga ito. Matapos basahin ang mga nakasulat, inilibot ko ang aking mga mata sa bawat bata, tutal Observation lang naman ang gagawin ko ngayon at next week.

                May ilang estudyante na nakakuha ng pansin ko.  Tulad ni Chanerie, na laging binabanggit ni Sir tuwing umiingay ang klasrum. Hindi ko lang alam kung s'ya talaga ang maingay o nage-enjoy lang si Sir na banggitin ang pangalan n'ya. Si Ace, na pinakamatangkad sa klase at mas matangkad pa kesa sa'kin. Si Cyril, na kapareho ko ng bag, na kinalaunan ay lumabas ng room upang tumae. Si Jesu Mari, na mukhang pwedeng mag-artista paglaki. 'Yung batang babaeng nasa maximum ang level ng boses kapag nakikipagkwentuhan sa katabi, pero nagiging mute kapag nagre-recite. 'Yung batang lalaki sa bandang likuran na tuwing may tanong si Sir, ang palaging sagot ay "Vanishing Point". At si Alwyn, na tinatawag nilang tweety bird dahil maliit s'ya't iba ang hugis ng kanyang labi.

                Nakaupo lang ako't nagmamasid hanggang sa matapos ang science. Livelihood Education ang susunod na subject. At ang paksa sa araw na ito ay nagsanhi ng bahagyang pagdugo ng aking kaliwang utak: Dibuhong Perspektibo. In english, Perspective Design. Aaminin kong mas naintindihan ko s'ya sa ingles.

                "Ang perspektibo ay ang paraan kung paano natin tinitingnan o nakikita ang isang bagay. Sa ganitong uri ng pagguguhit, hindi natin kailangan ng eksaktong anggulo, kaya't hindi tayo gagamit ng protractor. Ganito ang gagawin." Nagsimulang gumuhit si Sir Jerry gamit ang T-square, ruler, triangle, lapis at papel, habang binabanggit ang mga hakbang na kanyang ginagawa. Nakakadugo ng utak ang lalim ng pananagalog n'ya. Design na lang sana, imbes na dibuho. Extend na lang sana, imbes na isudlong. Motivation na lang sana, imbes na pagganyak.

                Maya-maya lang ay uwian na. Hindi ko man lang namalayan. Masyado lang siguro akong nabibilisan sa kalahating araw ng pasok, hindi tulad noong nasa elementary ako't maghapon kaming pumapasok sa paaralan. Naglinis kami't naghanda nang umuwi, habang sa labas ay nagfa-flag ceremony na ang mga panghapong estudyante. Sinabihan na rin ako ni Sir na maaari na akong umuwi at bumalik sa lunes. Ngunit bago ako lumabas, nag-iwan s'ya ng mga salitang lumikha ng bakas sa aking isipan.

                "Basta, ito ang tatandaan mo, Hijo. Hindi ko sinasabing masayang masaya ang magturo. Hindi ko rin sinasabing mahirap na mahirap. Magkahalo 'yan, e. May parteng masayang masaya; may parteng mahirap na mahirap, at 'yon ang pinakamasarap doon. Hindi ka mauumay."

                Ngumiti ako't tuluyang lumabas ng kwarto; mas desididong pumasok sa pangalawa kong araw.

Titser-titseranWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu