Day 8: PBB Teens

209 6 3
                                    

Day 8: PBB  Teens

                Malakas ang ulan. Fifteen minutes na akong late. Mabilis akong naglalakad habang maingay na tumatama ang sapatos ko sa sahig. Agad akong pumasok sa room nang makarating ako doon. Ngunit napahinto ako. Sino 'tong mga 'to? Nasaan ang mga estudyante ko?

                "And'yan ka na pala, Richard." Nakangiti akong sinalubong ni Sir Jerry. Ngali-ngali kong sabihing ako si Ricardo, at hindi si Richard. Ako si Abaño, at hindi si Abañez. Alam kong Richard ang English  translation ng pangalan ko, kaya hindi ko na rin ginawang big deal. At isa pa, nirerespeto ko si Sir. Tatawagin n'ya 'ko sa pangalang gusto n'yang itawag sa'kin. "Walang mobilization ngayon."

                Ngumiti ako't umupo sa aking upuan sa gilid ng mesa ni Sir Jerry. VI-Del Pilar ang babantayan kong seksyon ngayong araw. Nasa kani-kanilang advisers ang Rizal, Jaena at Aquino; ayon nga sa lenggwaheng pang-grade six, 'walang lipatan'.

                Bago tuluyang umalis si Sir Jerry upang umattend ng meeting, binilin n'ya sa akin na panatilihing tahimik ang klase. Kumuha rin s'ya ng isang babaeng estudyante na s'yang maglilista ng maiingay. Pinaupo n'ya ito sa unahan, saka kami tuluyang iniwan. At nagsimula nang maging palengke ang dating eskwelahan.

                May nagpapatugtog ng mga pang-gangster na kanta sa kaliwang mesa sa bandang likuran, kung saan nakaupo ang anim na lalaki at isang lalaking may mapilantik na mga kilos. Naaalala ko sa kanya si Maximo Oliveros na bumida sa isang indie film noong 2004. Ngunit hindi s'ya nakakatuwa tulad ng nasa pelikula. Napaka-ingay at napakakulit n'ya. Sumasabay pa s'ya sa pagtatawanan ng mga lalaking kasama n'ya sa mesa. Sa kanang mesa naman sa bandang likuran, ay puro mga babae. Kumakanta ng 'Let It Go" habang sinusuklayan at itinatali ang buhok ng isa't isa. Maingay din ang nasa kanan at kaliwang mesa sa bandang unahan, at ang nananatiling tahimik lamang ay ang nasa gitnang mesa. Malamang, dahil katapat nila ang naglilista.

                Maingay ang buong klasrum. Ilang beses na akong sumigaw; tumatahimik sila't muling mag-iingay maya-maya. Nakailang ulit ko silang sinaway ngunit nakailang ulit din silang bumalik sa pakikipagdaldalan. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Mas umingay pa ang lahat nang dumating ang break time. Hinayaan ko na lang muna silang mag-ingay dahil vacant naman sila at bumibili ng pagkain sa may hawak ng tray.

                Matapos ang break, bumalik na ang lahat sa kani-kanilang mga upuan. Dumaan sina Hoffman at Chester ng VI-Aquino, hinahanap si Sir Jerry, ngunit wala s'ya kaya umalis na lang sila. Eksakto namang may narinig akong nag-uusap malapit sa akin. "Kumusta kayo ni Hoffman?"

                Napalingon ako. Isang payat na babae, isang may katabaang lalaki at isang may pagka-negrong lalaki ang nag-uusap. "Wala," sagot ng babae, "Wala namang kami." Natatawa ako sa loob-loob ko. Ang babata pa, may pa-'kami'-'kami' nang pinagsasabi.

                Nangangalay ang leeg ko sa kakaupo nang gano'n, kaya't ipinatong ko muna ito sa kaliwa kong kamay na parang pose ni Benigno Aquino sa limang daang pisong buo. Nakatulog ako.

                Pagkagising ko'y nakatingin sa akin 'yong naglilista ng mga pasaway, akala ko ililista n'ya rin ako. Maya-maya'y dumating na si Sir Jerry. Inutusan n'ya akong kunin ang plywood na nasa ikatlong palapag ng kabilang building; plywood na gagamitin ko sa paggawa ng maliit na blackboard. Pinasama n'ya sa akin 'yung payat na babae, may katabaang lalaki at may pagka-negrong lalaki. Hindi kami nag-uusap-usap, maliban sa nag-iisang babae. Tinanong ko s'ya kung ganu'n talaga kakulit ang mga kaklase n'ya. Normal daw ang ganu'ng behavior ng mga 'yon, ayon sa kanya. Naglakad kami patungo sa third floor at kinuha ang plywood; bumalik sa room at saka sila umalis. Laking-pasasalamat ko nang umalis ang seksyon nila, muli kong naramdaman ang kapayapaan. Masaya ako, na sa sborang saya ko, gusto kong mag-ballet.

                Nagwawalis ako sa klasrum dahil sa duming iniwan ng Del Pilar, nang biglang dumating ang mga estudyante mula sa VI-Aquino. Kinulit nila ako at tinulungan. Napangiti ako, naggawa pa nila akong dalawin kahit hindi kailangan. Kaysarap maging guro.

Titser-titseranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon