Day 9: Grade Pollution

202 4 1
                                    

Day 9: Grade Pollution

                Walang liban sa VI-Rizal ngayon, tulad nang nakasanayan. Kumpleto silang bente-dos. Natapos ang mga routine, pagsasanay at pagbabalik-aral. Tumayo ako’t naglakad patungo sa unahan. “Magandang umaga, mga kamag-aral.” Nagtawanan sila. Ngumiti lang ako kahit minumura ko na ang sarili ko sa loob-loob ko. Alam ko kung gaano kalaking kapalpakan ang tawagin silang ‘mga kamag-aral’. Kaya’t para h’wag mapahiya, sinakyan ko na lang. Kunyare, sinadya ko. “Okay, classmates, alam n’yo ba ‘yung komersyal tungkol sa batang kumakanta dahil marami ang kapatid n’ya?”

                “Opo!” Sabay-sabay na sagot nila habang ang ilan ay kinanta ang nakakairitang kanta sa komersyal. “Ina ko, sabi mo kami’y mahal mo. Are ko, ba’t ‘di kayo nagplano?” Tumatawa ang ilan sa kanila kaya agad ko itong pinutol.

                “Tungkol sa’n ba ang komersyal na ‘yon?”

                “Tungkol po sa pagpa-plano!”

                “Tama! Pero bakit nga ba mahalaga ang pagpa-plano?”

                “Para po h’wag dumami ang anak!” Nagtawanan sila.

                “’Yung seryoso.”

                “Para po alam natin kung ano ang dapat nating gawin.”

                “Yes! Mahalaga ang pagpa-plano upang madali nating makita kung ano nga ba’ng gusto nating mangyari sa huli. Para malaman natin kung anong kalalabasan o produkto ang gusto nating makamit sa dulo. Tulad nga ng nasa komersyal, hindi sila nagplano kaya ang nangyari, hindi nila nalaman nang mas maaga na maghihirap sila. Tama ba?”

                “Opo!”

                “Ngayon, sa Gawaing-kahoy, mahalaga din ang pagpa-plano, upang maging maayos ang proyektong gagawin natin. Makakatipid din tayo ng oras, pera at lakas kapag nagpa-plano. Kaya n’yo bang hulaan ang paksa natin ngayong umaga?”

                “Pagpa-plano ng Proyekto!”

                “Very good!”  Sinabit ko ang visual aids na ginawa ko kung saan nakasulat ang pitong bahagi ng Plano ng Proyekto. Nagsimula akong magturo at maayos naman ang naging talakayan. Aktibo ang lahat, maliban sa ilan sa kanila na kapansin-pansin ang pagiging tahimik at walang kibo. Isa na dito ay ‘yung babae sa pinakalikuran na nakasuot nang mahabang palda. Napansin ko na s’ya noon; s’ya ‘yung nagdo-drawing ng mga puso-puso sa likod ng notebook habang nagdo-drawing ng mga dibuho ang buong klase. Isa rin sa mga nananatiling tahimik ay ‘yung leader ng group 1 na napakahina ng boses tuwing nagsasalita. Bukod du’n, naging maayos naman ang lahat. Ngunit nang dumating sa puntong nagbigay na ako ng quiz, ay dito na namuo ang kunot sa kanilang mga noo. Nahirapan sila, at nag-reflect ‘yon sa resulta ng kanilang marka ng pagkatuto: 49 Pinansin ko kung saan sila nagkamali, at natukoy ko na naguluhan sila sa panuto ng quiz. Hinayaan ko’t walang binago sa quiz upang maging patas ang laban ng iba pang seksyon.

                Mababa rin ang nakuha ng VI-Jaena: 27.

                Matapos ang break time, dumating din kaagad ang VI-Aquino.  Pumasok sila’t umupo sa kani-kanilang mga upuan. Nagsimula ang weather report.

                Tumayo ang isang batang lalaki mula sa aking kanan, bandang likuran. “Good morning, classmates.”

                “Good morning, Vonn.” Napatingin ako sa kanya. Ito si Vonn, nakasuot ng salamin sa mata habang nakakurba ang dalawang kilay na parang anumang oras ay iiyak; magkapatong ang magkabilang kamay habang nakadiin nang buong pwersa sa mesa; at nakasuot ng isang maliit na Domo body bag na halos dalawang pandesal lang ang kakasya. Umupo s’ya pagkatapos mag-report.

Pinakopya lang sila ni Sir Jerry ng mga nakasulat sa pisara tungkol sa Science. Pinagmamasdan ko sila habang tahimik na nagsusulat. Lumapit sa’kin si Alwyn, may inaabot. “Sir, oh.” Tiningnan ko ang iniaabot n’ya. Loom bracelet.

“Ano  ‘yan?”

“Sa’yo na lang, Sir.”

Tumawa ako. “Hindi, okay lang. Hindi ako mahilig magsuot ng mga ganyan, e.” Totoo. Mas komportable ako kapag walang nakasabit sa mga braso’t kamay ko.

“Kahit na, Sir. Itago mo na lang.”

Kinuha ko na lang, para tumigil na s’ya’t magsimula nang gumawa ng pinapagawa ni Sir. “Salamat.” Ngumiti ako. Ngumiti din s’ya’t bumalik na sa upuan.

Nagsimula akong magturo, katulad ng strategy na ginamit ko sa VI-Rizal, hyper at alive na strategy. Actually, sa VI-Jaena lang naman ako nagiging seryoso. Kelangan ko lang talagang mag-impost ng strict na personality sa seksyon na ‘yun, upang matuto silang makinig at matakot. Pero dahil malapit na rin sa’kin ‘tong VI-Aquino at nakikinig naman sila, pwede na ‘kong magpaka-alive. At nang dumating ang quiz, tulad ng mga naunang seksyon, mababa rin ang nakuha nilang marka, 38.

Napahinto ako’t napaisip. Para akong nagto-troubleshoot. Hinahanap ko kung saan nagkamali, kung anong nangyari’t bigla na lang bumaba nang ganito kababa ang mga marka nila. Sinuri kong mabuti ang buo kong lesson plan at sa bandang dulo’y nakita ko ang problema. Ang panuto ng quiz. Masyadong komplikado ang pagkakabuo ko dito. At inaamin kong kasalanan ko kung bakit mababa ang nakuha nilang marka ngayong umaga. Sa pagkakaalam ko, ayon kay Sir Neil na prof namin noon sa Assessment of Students’ Learning 2, ang tawag sa ganitong uri ng insidente ay Grade Pollution. Ito ay kahit anong insidente o bagay na nagsasanhi ng maling pagsukat sa kaalaman ng isang estudyante. Kaya nangangako ako, magiging aware na ‘ko sa susunod. Hindi na ako maging sanhi ng polusyon.

Titser-titseranWo Geschichten leben. Entdecke jetzt