Day 5: Si Alwyn at Ang Kanyang Labi.

274 7 4
                                    

Day 5: Si Alwyn at Ang Kanyang Labi.

 

                Patakbo akong pumasok ng school habang hawak sa aking braso ang mga kopya ng test paper ng mga estudyante ko para bukas, at ang lesson plan na pinagpuyatan kong gawin kagabi. Nagdarasal ako habang mabilis na naglalakad patungo sa klasrum, na sana’y hindi pa sila nagsisimula; na sana’y makapasok pa ako. Nakarating ako sa may pintuan at nakita doon si Jeffrey ng VI – Bonifacio na hindi raw pinapasok ni Sir dahil sa sobrang kakulitan. Huminga ako nang malalim, saka kumatok sa pinto. Pumasok ako’t inabot kay Sir Jerry ang mga Xerox copy at ang resibo. Nakangiti n’ya naman itong tinanggap saka ako tuluyang dumiretso sa aking upuan. Thank you, Lord talaga!

                Nagbukas ng bagong paksa ang Livelihood Education para sa Vi – Rizal: Gawaing Kahoy. Habang nagtatalakay si Sir, may naamoy akong hindi kaaya-aya. Hinanap ko nang hinanap kung ano at kung saan nanggagaling ang mabahong amoy, hanggang sa matukoy ko kung nasaan ito; nasa ilalim ng aking sapatos. (Mabaho, promise! May plastic pang kasama) Tumayo ako’t naglakad palabas upang isadsad sa lupa ang biyaya sa aking paanan. Agad ko naman itong natanggal at isinawsaw sa maliit na sapang nilikha ng ulan kaninang umaga. Pabalik na ako sa room nang biglang tumakbo si Jahresh ng VI – Aquino patungo sa aking harapan; tumayo s’ya nang tuwid na parang isang sundalo habang nakasaludo ang kanang kamay, saka nagsabi ng “Sir!” Tumawa ako ngunit nanatili s’yang seryoso. Kasunod naman n’ya sina Alwyn, Cyril, Ace at Moises, na palagi n’yang kasa-kasama. Maging sa table 5 ay sila-sila rin ang magkakatabi, maliban kay Alwyn na lumilpat sa table 4 para kulitan ako at magtanong kung naaalala ko pa ang pangalan n’ya.

                Normal ang naging eksena ng VI – Jaena habang tinatalakay ni Sir ang bagong paksa. Nakadikit ang mga ulo nila sa mesa na parang tinatamad silang mag-aral. Nakapalumbaba ang iba habang ang iba nama’y tulala sa may labas ng pintuan, na s’ya namang ikinagalit ni Sir. Ngunit tulad ng dati, nagpatuloy pa rin s’ya sa pagtuturo.

                Sumunod na ang VI – Aquino. Inayos ko ang pagkakaupo ko saka inihanda ang mga labi para sa walang-kapagurang pag-ngiti. Pumasok sila’t nakangiti akong binati. Si Lesley, na may matipid na ngiti; si Chanery na mas malakas pa sa sunshine ang pagsigaw ng ‘Good morning, Sir!’; si Erika na ngayon ko lang nakita simula nang dumating ako dito; si Ace na ngayo’y ngumingiti na; si Joshua na palaging naka-okay ang mga daliri habang tumataas-baba ang kilay; si Bridgette na nagsabing ‘Sir, crush ka ni Celina!’ at si Celina na palaging nakasuot ng maraming ipit sa buhok: may dalawang pony tail na nakatali sa isang kumpol ng mga buhok, apat na makukulay at malalaking clips sa magkabilang gilid ng pony tails, at isang head band na may malaking ribbon.

                Nagdi-discuss si Sir tungkol sa Gawaing Kahoy nang bigla akong kausapin ni Alwyn, na nakaupo sa table 4; nasa gawing kanan ko.

                “Sir, may aircon ba kayo sa bahay n’yo?” Tanong n'ya gamit ang kanyang labing may hiwa.

                “Edi mayaman kayo, Sir?”

                Umiling lang ako. “Makinig ka kay Sir Jerry.”

                “May kaya lang kayo, Sir?”

                Umiling akong muli. “Makinig ka na, baka makita ka d’yan.”

                “May kaya lang lang kayo ng konte, Sir?”

                Tumango na lang ‘ko. Ayoko nang pahabain pa ang usapan. Pareho kaming mapapahamak kapag nahuli kaming nag-uusap habang nagle-leksyon.

                “Ilang taon ka na, Sir?”

                Huminga ako nang malalim. Mukhang hindi s’ya nauubusan ng topic. “Twenty na ‘ko bukas. Okay na?”

                “Birthday mo bukas, Sir?”

                Tumango ako. “Oo. Makinig ka na kay Sir.”

                Ngumiti s’ya. At sabay  kaming napalingon kay Cyril nang sitsitan nito si Alwyn. Pinapalapit s’ya nito, lumapit naman s’ya saka may ibinulong. Ngumiti si Cyril saka may ibinulong kay Antonette, na may ibinulong kay Celina, na agad na sumigaw sa kalagitnaan ng talakayan. “Sir Villalba, birthday daw po bukas ni Sir Racky!”

                Nagsigawan ang buong klase, nagwala. Habang nanatili akong nakatulala at nakanganga. Nahihiya ako. Hindi dahil nasa akin ang atensyon nilang lahat. Kundi dahil nabastos nila si Sir Jerry sa ginawa nila. Hindi nila dapat ginawa ‘yon sa gitna ng discussion. Gusto kong matunaw at maging parte ng upuang inuupuan ko, o maging biyaya sa ilalim ng sarili kong sapatos. Pinatahimik sila ni Sir. Agad naman silang tumahimik, at muling bumalik ang lahat sa normal. Nag-leksyon si Sir, saka muling lumapit sa akin si Alwyn.

                “Ano’ng handa mo bukas, Sir?”

                “Wala.” Mas tinipiran ko na ang mga sagot ko upang maramdaman n’yang nakikinig ako kay Sir, nang sa ganu’n ay makinig na rin s’ya.

                “Hindi naman mahalaga ang handa, ‘diba, Sir?” Napalingon ako sa kanya. “Ang mahalaga, mai-celebrate n’yo ang birthday mo.”

                May iba akong naramdaman sa mga salitang pinakawalan n’ya. May mga tanong na kumakati sa kalooban ko; mga kating kailangan kong kamutin. “Bakit? Paano mo ba cine-celebrate ang birthday mo?”

                “Namamasyal lang po.” Ngumiti s’ya. “Kasama si Papa at ‘yung kapatid ko. Kulang kami, pero masaya pa rin; nakakapag-celebrate kami. Hindi naman handa ang makapagpapasaya sa’tin, e, ‘diba, Sir?”

                Ngumiti na lang rin ako saka ibinalik ang tingin kay Sir. Pero kahit nasa unahan na ang tingin ko, iba na ang nasa isipan ko. Paano n’ya naiisip ang mga ganitong kalalim na bagay sa kabila ng maliit n’yang pangangatawan? At paano n’ya nasasabi ang mga ganitong salita sa kabila ng depekto sa kanyang labing palaging pinagtatawanan? Ngayon ko na napatunayan; na hindi talaga sapat ang pisikal na kaanyuhan upang hugsahan ang lalim ng isipan. Mabuhay ka, Alwyn!

Titser-titseranWhere stories live. Discover now