CHAPTER 38: Last Night Together

3.5K 75 3
                                    

MARY'S POV

Bukas na ng madaling araw ang alis namin kaya nasa bahay ngayon si She para sulitin ang natitira pang mga oras na magkakasama kami bago kami lumipad patungong States.

"Pakidala na lang sa lababo 'yang mga pinagkainan ninyo," malambing na utos ni mommy na patayo na kasabay si daddy para dalhin sa lababo ang mga platong pinagkainan nila.

Magmula nang magising ako at magpasya sina mommy na dalhin ako sa ibang bansa ay hindi na nila hinayaan pang magpatuloy sa pagsisilbi sa amin ang mga katulong at guwardiya namin noon. Aalis na rin naman kami kaya mas makabubuting maaga pa lang ay makahanap na sila ng bagong mapapasukan nila.

"Tita, iwan na lang po ninyo 'yan diyan. Kami na po ang bahalang maghugas niyan ni Mar," pagprisinta ni She na nagpabilog ng mga mata ko sa gulat.

"Are you sure, Sheena?" tanong ni mommy saka ako binalingan ng tingin. "Pia, anak, ayos lang ba sa 'yo?" pagbaling sa akin ni mommy.

Hindi ko pa man naibubuka ang bibig ko para sumagot ay kinurot na ni She ang hita kong nasa ilalim ng mesa kaya hindi na ako nakapagsalita pa. Nakagat ko na lang ang ibabang labi ko para pigilan ang sarili kong mapadaing.

"Okay lang po talaga, tita," sagot ni She na panay pa ang pa-cute sa harap ni mommy.

"Kung ganoon ay maiwan na namin kayo," nakangiting tugon ni mommy saka maingat na inilapag sa mesa ang platong kanina pa niya bitbit.

"Hon, lets go upstairs," pagyaya ni mommy kay daddy na tahimik lang na sumunod sa kaniya paakyat ng kwarto nila.

Gustuhin ko mang magreklamo at bawiin ang sinabi ni She ay wala na akong nagawa dahil nakaalis na sina mommy. Saka mabuti na rin siguro 'to para hindi ako palaging nakaupo lang sa isang tabi. Limitado lang ang kilos ko pero kaya ko namang tumayo at gumawa ng ilang mga gawain sa bahay basta huwag ko lang puwersahin ang sarili ko at huwag ko lang bibiglain ang katawan ko lalo na ang likod ko.

"Sis, pagbutihan ninyo ang paghuhugas. Dapat iyong makintab at pwede na gawing salamin. Kapag may nakita akong dumi, huhugasan ninyo ulit 'yan, okay?" natatawang pang-aasar sa amin ni kuya.

"Kuya, pasalamat ka at wala ako sa kondisyon. Kung hindi ay baka naibitin na kita patiwarik," asar kong sabi.

"Edi magpagaling ka na para naman magawa mo na 'yang balak mo. Sige, akyat na ako sa kwarto. Career-in ninyo 'yang pagiging dishwasher ninyo," muling pang-aasar ni kuya bago siya tumatawang umakyat ng hagdan.

Wala na akong nagawa kundi ang mapairap sa hangin dahil na naman sa kabaliwan ni She. Ang sarap niyang batukan hanggang sa lumuwa ang mata niya.

"Ako na lang ang magdadala nitong mga 'to sa lababo. Ikaw na ang bahalang magpunas ng mesa," pagprisinta ni She at sinimulan niya nang ligpitin ang mga pinagkainan namin.

Inirapan ko na lang siya bago ako tumayo at pumuntang kusina para kumuha ng pamunas. Nang makakuha na ako ng pamunas ay agad akong bumalik ng dining area para punasan ang hapag-kainan.

Sinimulan ko nang punasan ang hapag-kainan habang nakapikit ang mga mata ko dahil labag talaga sa loob ko ang ginagawa ko. Hindi ko maintindihan pero parang ang bigat ng katawan ko at tinatamad akong kumilos.

"Ako na nga riyan," pagprisintang muli ni She. "Para ka namang hindi nakatulog ng isang taon."

Hindi na ako nagprotesta pa nang agawin sa akin ni She ang pamunas at siya na ang nagpatuloy ng ginagawa ko. Matapos niyang magpunas ng mesa ay sabay na kaming pumunta ng kusina para maghugas ng mga pinagkainan namin.

Nagsimula na siyang maghugas kaya ganoon na rin ang ginawa ko. Siya ang nagsabon at ako naman ang tagabanlaw.

"Mar, ang tagal mo naman," reklamo niya habang nakapatong sa kaliwang balikat ko ang baba niya.

The Revenge of a NerdTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon