Chapter 10

4.1K 156 29
                                    

"Kumusta ang anak ko? Lalo ka yatang gumaganda," bati ni Nanay Celia. Kararating lang ang mga ito mula sa pagdeliver ng mga gulay sa Maynila.

Matapos ang ilang magkasunod na linggong pag-uwi sa Sariaya, sinabi ng ama niya na pinapagod lang niya ang kanyang sarili kaya hindi na muna siya nito pinauwi roon.

"Maayos naman po, 'Nay. Ang baby po natin, kumusta?" aniya matapos magmano. Kinuha niya ang mga gulay na bitbit ng ina. Sabay na silang pumasok sa bahay.

"Sinong baby, anak ng Kuya Sandro, o ang tatay mo?" nakangiting sagot ng ina niya.

"Bakit po? May problema po ba si Tatay?" aniya na biglang nag-alala.

"Lalong naging bugnutin simula nang malaman na may nobyo ka na," naiiling ang kanyang ina. "Para kaming laging may bata sa bahay na laging handang makipag-away. Kami ng mga kuya mo ay naninibago sa ikinikilos ng ama mo."

Napabuntong-hininga si Shaine, "Kakausapin ko po ang tatay mamaya."

"Maigi pa nga. Ang gustong mangyari ay umuwi ka na raw sa atin. Hindi ko maintindihan ang ama mo. Natural na magkanobyo ka, at darating ang panahon na magkakaroon ng sariling pamilya. Pero hindi pa yata n'ya matanggap na malaki ka na, at hindi na siya ang nag-iisang lalaki sa buhay mo."

"Nasaan po ba siya? Sino po ang kasama n'yo ngayon?"

"Nasa labas ang tatay mo, nakita roon ang Tiyo Nestor mo. Si Kuya Sherwin mo ang driver namin."

"Tamang-tama ang dating n'yo, Celia, nakaluto na ako. Pwede na tayong kumain," anang Tiya Millie niya, tumulong naman silang mag-iina sa paghahanda sa lamesa. Sabay na pumasok ang kapatid at pinsan niya sa kusina.

"Ang tatay, Kuya?"

"Nasa labas pa, kausap ang Tiyo Nestor," sagot ng kapatid niya.

"Dumulog na kayo at ako na ang tatawag sa dalawang iyon," prisinta ng tiya niya, pero pinaupo na rin niya ito at sinabi niyang siya na lang ang tatawag sa mga ito. Pero hindi pa man nakakalabas ng bahay ay nakasalubong na niya ang dalawa.

"Mano po, Tatay," ani Shaine. Bagamat nakangiti ang ama, kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Matapos magmano ay sabay-sabay na silang pumunta sa kusina para kumain.

"Tay," naupo siya sa tabi ng ama. Katulad ng nakagawian nito sa tuwing pupunta roon, ginagahok nito ang lupa na pinagtataniman ng mga halaman ng tiya niya, tinatanggalan din nito iyon ng mga damo.

"O, baka mangalay ka. Doon ka na sa garden table," ni hindi siya nilingon ng ama. Pinanatili nito ang atensyon sa mga halaman.

"Tay, galit ka po ba sa akin?" kumapit si Shaine sa braso at humulig sa balikat nito.

"Ano bang ikakagalit ko sa iyong bata ka? Hindi ako galit," malumanay na sagot nito.

Inalis niya ang ulo sa pagkakasandig sa balikat ng ama, pero hindi niya tinaggal ang mga kamay sa braso nito. "Eh, bakit po hindi mo ako tinitingnan?"

Nilingon siya ng ama at ngumiti ito, ngunit hindi naman iyon umabot sa mga mata. "Hindi ako galit, anak. Kailan man ay hindi ako magagalit sa iyo," ihinaplos nito ang likod ng mga palad sa kanyang pisngi.

Hinagip niya ang kamay ng ama at pinanatili iyong nakadikit sa kanyang pisngi. "Salamat po, Tatay."

"Marumi ang kamay ko, anak."

"Sabi n'yo pong walang dapat ikahiya roon, dahil maglulupa kayo. At kahit gaano pa po karumi ng mga kamay n'yo, hindi po ako mangingiming hawakan. Ang mga kamay n'yo po nagtaguyod sa pamilya natin, ang unang humawak sa akin. Ang gumabay sa akin," ani Shaine. Nakita niyang nangilid ang luha ng ama. Siya man ay napuno ng luha ang mga mata.

"Tay, kahit ano po ang mangyari, ikaw po ang unang lalaking minahal ko, at mamahalin habang buhay. Mayroon man pong lalaking nakabihag ng puso ko ngayon, hindi n'ya po kayo kayang palitan sa buhay ko," ngumiti siya sa ama kasabay ng pagpatak ang mga luha sa mga mata. "Kayo po ang mananatiling first love ko, Tatay. At kahit ano po ang mangyari, sa inyo pa rin po ako tatakbo. Ikaw pa rin po ang aking hero."

Pumatak din ang luha sa mga mata ng ama niya. Binitawan niya ang kamay ng ama at yumapos dito. Naramdaman din niya ang pagyapos ng ama sa kanya.

"Masaya ka ba, anak?" tanong nito sa gumagaralgal na boses.

Alam niyang hindi man siya kita ng ama, ramdam naman nito ang kanyang pagtango. Hindi niya magawang magsalita dala ng labis na emosyon.

"Kung gan'on ay masaya na rin ako, anak," hinaplos nito ang kanyang buhok. "Tumayo na tayo. Baka mangalay ang prinsesa ko."

Ngumiti siya at bumitaw sa ama saka sila tumayo. Pinahid niya ang kanyang mga luha matapos pahirin ang luha ng kanyang ama.

"Bakit po mukhang malungkot kayo kanina? Ang sabi ng nanay ay gusto n'yo pa raw akong pauwiin sa atin," kumapit siya sa braso ng ama at naglakad sila patungo sa garden set.

"Nag-aalala lang ako na baka saktan ka lang ng lalaking iyon."

Ngumiti siya sa ama, "Tay, mayroon po akong pamantayan sa pagpili ng lalaking mamahalin. Kailangan masipag, mabait, maalalahanin, responsable, matatag at may isang salita. Lahat ng katangian na nasa inyo. Ikaw ang naging pamantayan ko ng lalaking mamahalin, Tatay."

Ngumiti ang ama niya bago siya muling niyakap at hinalikan sa ibabaw ng ulo.

"Huwag na huwag siyang magkakamaling paiyakin ang prinsesa ko."

"Hindi po niya gagawin iyon. Pero kung sakali man, isusumbong ko siya sa'yo, 'Tay. Alam kong ipagtatanggol mo po ako.”

"Sa lahat ng pagkakataon, anak." 

*******************

Author's Note:

Please watch out sa kasunod na kwento ng story na ito. Trilogy po ito.

Ang kasunod na kwento ay:

MY SAVORY LOVE (Book 2) - Marson and Cheryl Lei

SPICY SIZZLING LOVE (Book 3) - Sherwin and Aileen

You can also follow me on my Facebook Account:

DEANDRA PAIGE



My Sweet Surrender (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon