Chapter 13

10.1K 308 72
                                    

Madilim pa ang paligid ay nagising na si Shaine. Mag-isa na siya sa kwarto at alam niyang imposibleng makatulog pa siyang muli kaya bumangon na siya. Alas-kwatro y medya na ayon sa orasan sa side table.

Matapos pumasok sa banyo at magbihis ng damit ay lumabas siya ng kwarto. Tahimik pa ang paligid, pero ang kanyang ina ay nasa kusina na.

"Kumusta ang tulog mo, anak?"

"Ayos naman po, Nay. Hindi ko na nga po namalayan nang lumipat kayo sa kwarto n'yo ng tatay," aniya habang nagtitimpla ng kape.

"Magdamag ako sa tabi mo, anak. Bumangon lang ako para magluto. May papitas tayo ng gulay ngayon kaya maaga akong bumangon," sagot nito.

"Salamat po, Nay. Kaya siguro mahimbing ang tulog ko dahil katabi ko kayo."

Ngumiti ang ina niya at ipinagpatuloy ang paghahanda ng almusal. Siya naman ay naupo sa lamesa at sinimulang inumin ang tinimplang kape.

"Ang tatay po?"

"Malamang ay palabas na rin iyo. Alam mo naman ang tatay mo, maaga din iyon kumilos, lalo na ngayong may gawa tayo," nilingon siya ng ina.

"Saan ang punta mo ngayon? Mamamasyal ka ba ulit sa tabing dagat katulad ng madalas mong gawin tuwing nauwi ka?" tanong nito sa kanya makalipas ang ilang minuto.

"Opo, uubusin ko lang po ang kape ko. May gasolina po ba ang motor ni Kuya?" Inubos na niya ang kape at ipinatong ang mug sa lababo.

"Oo, anak. Kunin mo sa platera ang susi. Tamang-tama, aabutan mo ang pagsikat ng araw."

Hindi siya natatakot umalis ng bahay kahit madilim pa. Mababait ang mga kanayon niya, bukod pa sa kilala ang pamilya nila sa lugar nila at iginagalang na mga tao ang kanyang mga magulang.

"Tutuloy na po ako, Nay," aniya sa ina bago lumabas ng bahay dala ang susi ng motor nila. "Kayo na po ang bahalang magsabi sa tatay na umalis na po ako. Kayo na rin po muna ang bahala sa dalawa," tukoy niya sa mga kaibigan.

"Sige, anak, ako na ang magsasabi sa kanila kapag nagising sila. At kung may makikita kang sariwang isda ay bumili ka na rin," sabi nito bago siya tuluyang makalabas ng bahay.

Inakay niyang palabas ng garahe ang motor at inilabas sa bakuran bago niya iyon pinaandar. Ayaw niyang makaabala sa mga kasama sa bahay na natutulog pa.

Malayo pa siya sa dalampasigan ay dinig na niya ang hampas ng alon sa baybayin. Ipinarada niya ang motor sa tabi ng puno ng niyog at lumakad siya palapit sa dagat. Pinuno niya ng sariwang hangin ang kanyang dibdib. Natatanaw niya ang malalayong ilaw sa karagatan, mga bangkang namamalakaya na marahil ay papadaong na rin.

Madilim pa ang paligid ngunit alam niyang tamang-tama lamang ang kanyang dating dahil maya-maya lamang ay mababanaag na ang pagsikat ng araw. Hinubad niya ang tsinelas at binitbit iyon. Ang mga alon ay humahalik sa kanyang mga paa. Pino at masarap sa paa ang itim na buhangin na nilalakaran niya. Ang tubig sa dagat ay hindi rin gan'on kalamig kahit na napakaaga pa.

Matapos ang ilang minutong paglalakad ay naupo siya sa buhangin at tinanaw ang karagatan. Nakalimutan niyang magdala ng pamuyod kaya ang buhok ay malayang inililipad ng hangin mula sa dagat. Itinuwid niya ang mga binti at itinukod ang kanang braso sa tagiliran. Malayo sa baybayin ang napili niyang pwesto kaya hindi naaabot ng alon ang kanyang mga paa.

Ang kapayapaan at magandang tanawin ay nakatulong para makalimutan niya panandalian ang bigat ng dibdib. Nanatiling nakapako ang kanyang paningin sa papataas na araw.

Matapos ang tuluyang pagsikat ng araw ay muli siyang tumayo at pinagpag ang kanyang likuran at mga binti, muli siyang humakbang pabalik sa pinagparadahan ng motor. Ngunit napako ang kanyang mga paa sa kinatatayuan dahil hindi niya inaasahan ang nakita. Bigla ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso.

My Sweet Surrender (COMPLETED) Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt