Nagising si Winona sa malalakas na katok sa pinto. Pupungas-pungas na bumangon siya upang buksan ang pinto. Madilim pa ang kapaligiran. Nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Vince nang mabuksan niya ang dahon ng pinto.
"Tiya Winona, si nanay!" malakas na wika ng bata. He looked frightened.
Sukat sa narinig ay kaagad na pumunta siya sa unit ng mag-ina. Ilang araw nang mataas ang lagnat ni Marietta. Kahapon ay pinayuhan na niya ang babae na magpatingin sa doktor pero ayaw nito. Wala raw kasi itong perang pambayad. Kaya tiniis na lamang ang sakit. Nakasunod sa kanya si Vince at kaagad na dinaluhan ang ina nang marating nila ang papag na kinahihigaan ni Marietta. Nanginginig ang babae na tila nagdedeliryo. "Marietta..." Hinaplos niya ang noo nito at kaagad na binawi niya ang kamay nang mapaso. Umaapoy sa lagnat ang babae.
"Kanina pa po ganyan si inay, Tiya Winona. Nag-aalala na po ako sa kanya. Ang nanay ko, Tiya..." Si Vince na hinawakan ang kamay ng ina.
"Dalhin natin sa ospital ang nanay mo, Vince. Kailangan na siyang magamot doon..." aniya at muling hinaplos ang noo ng babae.
"Huwag na, Winona..." kaagad na tutol ni Marietta sa mahinang tinig.
"Naku, Marietta, huwag kang ganyan. Mukhang masama na talaga ang lagay mo. Kailangan ka naming madala sa ospital ngayon din."
"Pero wala akong perang pambayad, Winona..." Pinipilit nitong buksan ang halos tumitirik na mga mata.
Napabuntong-hininga siya. Alam niyang walang perang pambayad sa ospital ang mag-ina. Ilang araw nang maysakit si Marietta at absent ito sa trabaho. Kapag hindi ito pumapasok sa trabaho ay wala itong kita.
"Huwag ka nang mag-abala pa, Winona. Baka lagnat lang ito. Huhupa rin ito bukas. Vince, anak, punasan mo na lamang nang malamig na tubig si nanay..."
"Pero kanina ko pa kayo pinupunanasan, 'Nay, at hindi pa rin humuhupa ang inyong lagnat," singit ng batang lalaki habang mahigpit na hawak ang kamay ng ina.
Masama na talaga ang kutob niya. Hindi na maganda ang lagay ni Marietta. Kung mapapabayaan pa ito ay baka mas lalo pang lumala ang sakit nito. At hindi niya kayang hindi makialam. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. May pera siyang ipon pero pinakatago-tago niya iyon. Sa katunayan ay nagtitiis siya huwag lamang mabawasan ang ipon niya. Dahil isang napakaimportanteng bagay ang pinaglalaanan niya niyon. Higit pa sa kanyang buhay. Pero hindi rin niya kayang pagmasdan na lamang si Marietta at hayaan ito sa kalagayan nito. Sa loob ng ilang linggo ay halos naging isang pamilya na lamang sila. Nakikita niya kung gaano nag-aalala si Vince para sa ina nito.
"Hindi bale, Marietta," aniya kapagkuwan. "Ako na muna ang bahala. May pera pa naman ako. Kailangan kang madala sa ospital ngayon din..."
"Pero... wala kaming pambayad niyan, Winona..."
"Huwag mo na munang isipin iyan, Marietta. Bayaran mo na lamang kapag nagkapera ka na. Sa ngayon ang mahalaga ay madala ka namin sa ospital at malapatan ka nang kaukulang gamot. Lumalala na yata yang sakit mo."
Napailing na lamang ito. Nakita niya ang isang butil ng luha na dumaloy sa mata nito.
"Tulungan mo ang Tiya Winona, Vince," baling niya sa batang ayaw umalis sa tabi ng nakaratay na ina. "Dadalhin natin sa ospital ang nanay mo. Maghanda ka ng mga gamit at damit ninyo na kailangan natin sa ospital."
"Opo, Tiya," maagap na sagot ng bata at kaagad na sinunod ang utos niya.
Siya naman ay lumabas at naghanap nang masasakyan para madala nila sa ospital si Marietta.
BINABASA MO ANG
The Man Of Her Dreams (COMPLETE)
General FictionUnlike many women, Diadem was a hardcore non-believer of marriage for love. She would rather prefer marriage for convenience, and vowed not to follow her parents' doomed marriage. A testament to what folks regard as 'how love turned bloody awry'. Iy...